HINDI pa. Hindi pa ako magpapaalam. Ngunit hindi maiiwasan ang pagbaybay sa gunita ng mga alaala ng opisinang ito, sa loob ng halos tatlong taong kong pakikibuno ko sa walang-patlang na mga deadline, mga gawaing editoryal, at samutsaring mga katauhang nananahan sa Silid 112, UST Main Bldg., lalo ngayong nalalapit na ang araw ng pagtatapos.
Nasanay na ang katawang ito sa kakaibang buhay mag-aaral na pinipili ng di-iilan sa mga nangahas na maging bahagi ng pahayagang ito. At kasing sidhi ng aming pangangahas ang kapalit—sanda-sandali naming natutuklasan na unti-unting nababawasan ang oras na inilalagi namin sa aming mga bahay, nagiging panay na ang pag-uwi-uwi namin sa madaling-araw, lumalalim na ang aming mga eye bugs, at kung ipagpapatuloy ko pa ay lalo lamang hahaba ang litanya. Sa kabila naman nito’y may kapuna-puna—hindi bumabagsak ang aming mga katawan, bagkus lumalaki pa ang mga tiyan. Gawa marahil ng pagbubuhos ng sama ng loob sa Wendy’s Double Big Classic at paglagok ng Coca Cola, gabi-gabing pagkain sa loob ng Varsitarian.
Nagsisimula ang araw ng mga nasa Varsitarian sa pag-iisip na mayroon palang deadline na sasampal sa kanilang mga mukha, pagkabukas pa lamang nila ng pinto ng Silid 112. Dalawa lamang ang maari nilang gawin pagkapasok—mag-ayos ng buhok sa malapad na salamin ng tanggapan o magtungo kaagad sa isang computer upang mag-print ng mga akda o balitang pilit na binuo sa mga tahanan. Ang iba nama’y masisipag, nagbubuklat ng aklat, sa gitna ng makalat na newsroom na binagyo ng mga reporter at manunulat ng Varsitarian sa nagdaang mga gabi. Ang iba nama’y magtutungo sa dark room ng tanggapan, kung saan nabubuo, di lamang ang mga larawang inyong nakikita sa bawat bilang ng Varsitarian—may mga namumunong pag-ibig, mga payo, kuwento-kuwento, buhay…
At sabay-sabay na magdaratingan ang mga patnugot sa tanghali na tila naniningil ng mga pautang sa kanilang mga manunulat—may nagbubunganga dahil sa mga artikulong ni anino’y di pa nakikita. May mga manunulat namang masahol pa sa bula ang pagkawala. Kunsabagay, bahagi talaga iyan ng mga araw-araw na larawan ng Varsitarian—na kadalasa’y nagtatapos sa matatamis na brownies ni Ma’am Chrisma, o dili kaya sa mga pambubuska (lambing daw) ni Sir Lito. Ngunit hindi talaga rito nagtatapos, lalo na kung hindi pa ilalatag ang pahayagan sa mapagkandiling kanlungan ng Pagemaker template. Kung hindi maharap ni Sir ang pagpapakape matapos ang kainan sa North Park, Haf Chang, Dencio’s Restaurant sa may ABS-CBN, o sa pinakabagong nadiskubreng restawran sa may E. Rodriguez, isa lang ang kahahantungan ng lahat—ang sinehan. At tulad ng pagpili ng makakainan sa Dapitan tuwing tanghalian, malaking isyung kinakaharap ang kung ano ang panonoorin.
Wala ring makatatalo sa tinaguriang slumber party ng Varsitarian sa pagsapit ng gabi. Habang abala ang mga lay-out artist sa paglalatag ng pahayagan na nakatakdang ilabas, at inaapuhap pa ng mga manunulat ang kanilang mga nawawala (o nagwawalang) Musa, nagiging isang masayang kuwentuhan ang sandaling paghiga ng ilang mga taga-Varsitarian sa artist’s lair, kung saan nakalagak ang maliliit at malalambot na katreng hindi malaman kung saan nagmula (biglang sumulpot). Kung anu-anong nagiging uso sa pagbibida ng mga kuwento—kung sino ang pinaka-corny sa lahat, kung sino na ang nagkakaigihan, mga sama ng loob, mga suliranin, mga multong nakikita sa Main Bldg. sa tuwing magtutungo sa palikuran. Matapos nito’y masasadlak ang lahat sa pangarap—biglang-bigla, naghihilik na ang lahat—upang sa pagdating ng umaga, masumpungan ng ibang mga ka-Varsitarian na tila mga sanggol sa isang nursery, himbing na himbing. Pagal ang isip at katawan dahil sa matindi’t inaraw-araw na puyat. Papasok pa ang mga iyan. Mabuti na lamang at madalang na ang pagmimilagro nila sa loob ng dark room, upang makapagpalit lamang at makaapasok. Noon, bukod pala sa pagsusulat ay natututong maligo ang mga nasa-Varsitarian sa pamamagitan ng isang tabo at tubig na iniipon sa munting lababo ng dark room. Nakapagtataka noong walang makikitang bakas ng basbas ng tubig sa sahig. Tuyung-tuyo. Hindi kaya sining na namamatay na ang pagligo dito? Mabuti na lamang at mayroon nang ibang paliguan—sa bahay ni Ma’am, o sa bahay ng ilang mga ka-Varsitarian na bukas pa rin ang tahanan para sa mga lagalag ng pahayagan.
At habang lumalakad ang papel ay tila nauubos ang mga staple wire at scratch paper. Dumadalas na ring umaalingawngaw ang boses ni Sir sa kanyang madalas na paghihimutok na ang it’s ay hindi possessive, at kung ilang beses na niyang iwinasto ang mga result to, at ginawang result in.
Ang pagsasara ng pahayagan ang siyang pinakamainit na bahagi ng buhay sa loob. Literal na mainit sapagkat bumabakat sa lahat ng mga pader at sulok ng silid ang bawat galit na salitang binitiwan upang mapabilis lamang ang pagtakbo ng Varsitarian. At sa tuwing babaklasin na ang hard drive na pinaglagakan ng Varsitarian, halu-halo na ang saya at pagbubuntong-hininga. Tapos na ang isang isyu.
Ganito ang pang-araw-araw na buhay ng mga nasa Varsitarian. Walang tigil sa pakikipanayam, sa pagbabalita, sa paghahatid-katotohanan. Ang inilalagi nilang mga oras sa Silid 112 ang saksi sa lahat ng paglilingkod na ito. Ang ilang panahon sanang maaring gugulin sa puspusang pag-aaral, o sa gimik, ay napupunta sa paglalatag ng pahayagang naniniwala sa banal na tradisyon ng pamamahayag.
Ngunit sandali lamang ang pahinga sapagkat marami pang haharaping bilang. Hindi pa tapos ang laban. Asahan niyong magiging tapat kami sa aming tungkulin, at kailanma’y magiging parehas sa lahat ng aming pangangahas. Ang Varsitarian ang inyong pahayagan. Ang ating sandigan.