ANG University seal ang isa sa mga saksi sa mayamang kasaysayan ng Ust. Ngunit ilang ulit muna itong sinuri bago ito idineklarang opisyal.
Sa pinakaunang sagisag ng UST, makikita ang “tala ng katalinuhan,” samantalang isang anghel na sagisag ng Diyos ang nasa ilalim nito. Nakasandal ang nasabing anghel sa isang panangga na taglay ang krus na sagisag ni Santo Domingo. Sa tabi nito, makikita ang mga aklat na nagpapahiwatig sa mga larangang itinataguyod ng ust.
Gayundin, matatagpuan sa unang bersyon ng sagisag ang isang aso na sumisimbolo sa katapatan at mga instrumentong kumakatawan sa agham.
Samantala, matatagpuan ang simbolo ng Maynila sa gitna ng dalawang simbolo ng mga Dominiko, isa sa mga ito ang krus ni Santo Domingo, sa ikalawang bersyon ng sagisag. Pinalilibutan ang tatlong simbolong ito ng banal na rosaryo ng Mahal na Birhen. Mababasa sa ilalim ang isang mensaheng Latin, Ordo Veritatis (Order of Truth) na hango sa paniniwala at adhikain ni Santo Tomas. Ang korona sa itaas ng mga ito, na sinang-ayunan ni Santo Papa Juan XXII, ay iminungkahi ni Emperador Frederick na naging saksi sa paninindigan ng mga kasapi ng samahang Dominiko.
Sa ikatlong bersyon naman ng sagisag, makikita ang isang globo sa ibabaw ng araw na sumisimbolo kay Santo Tomas. Makikita ang simbolo ng Vatican sa gawing kanan ng naturang sagisag, patunay na iginawad sa UST ang titulong Pontifical. Sa gawing kanan, makikita ang simbolong Royal, tanda ng pagkakasailalim ng UST sa mga Kastila. At ang lahat ng mga simbolong matatagpuan sa ikatlong bersyon ng sagisag ng Unibersidad ay nakapaloob sa isang hugis pusong pinalilibutan ng mga Golden Fleece.
Sa ngayon, mapapansing binubuo ng pinagsama-samang simbolo mula sa tatlong bersyon ang sagisag ng UST. Makikita sa kasalukuyang simbolo ang krus ng mga Dominiko mula sa unang bersyon; ang sea lion mula sa sagisag ng Maynila sa ikalawang bersyon; at ang araw na sumisimbolo kay Santo Tomas na mula naman sa ikatlong bersyon.
Noon po sa amin
Setyembre 6, 1969-Nagkaroon ng isang symposium sa Education Auditorium ng UST kung saan naging tagapagsalita si Luis Taruc, lider ng kilalang gerilyang samahan ng Hukbong Bayan Laban sa mga Hapon (HUKBALAHAP) noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa kanyang talumpati, binalaan ni Taruc ang mga aktibistang mag-aaral tungkol sa mapagsamantalang gawain ng mga komunista. Pinamunuan ng Engineering Pax Romana at Polymers Honors Society ang nasabing symposium.
Tomasino siya
Nakilala sa larangan ng industrial development ang Tomasinong si Don Jose N. Concepcion Sr.
Nagtapos siya ng Bachelor of Literature sa UST noong 1928. Habang nag-aaral, nagtrabaho siya bilang clerk sa isang banyagang kompanya. Pinamahalaan niya ang Edward J. Neil & CO. at nagsilbi bilang kauna-unahang Pilipinong pangulo nito. Ngunit matapos ang 35 taong paninilbihan sa nasabing kompanya, nagtayo si Concepcion ng sarili nitong negosyo—ang Concepcion Group of Industires. Nang lumaon ay naging isa ito sa itinuturing na pinakamalawak at nangungunang tagagawa ng airconditioning units sa bansa.
Dahil sa ipinamalas na husay sa negosyo, ginawaran si Concepcion ng UST Alumni Association ng Golden Medallion Award noong Enero, 1974.
Tomasalitaan
Habso (Pang-uri) – maluwag ang pagkakatali
Nahulog ang nakalambiting basket sa kisame dahil mahabso ang pagkakalagay nito.
Mga Sanggunian
Historical Documentary Synopsis of the University of Santo Tomas
The Varsitarian, Tomo 44, Bilang 30
Thomasian Who’s Who 1982