SA PAGKAKATAONG ito, tama pala talaga ang aking Nanay hinggil sa pagsusuot ng salamin. Halos ilang araw na rin ang nakararaan matapos akong magpasukat ng bagong salamin. At ang totoo, maganda lamang tingnan ang sarili nang nakasalamin. Ibang usapan na ang pagsusuot nito.
Halos lahat ng mga tiyo at tiya ko’y nakasalamin. Ang aking Tatay ay nakasalamin na rin. Hindi na rin talaga ipagtataka na magkakasalamin ako sapagkat bukod sa katakawan sa pagkain, matakaw rin akong magbasa. Kahit may kadiliman ang lugar, lalo pa’t black out, hindi ako mapigil ng Nanay kong magbasa nang magbasa. Dumalas rin ang pagbabasa ko habang nakahiga. Dala na rin ito marahil ng mga saglit ng pagmumukmok sa sulok upang magburda ng tula. Palagi rin akong napapagalitan sapagkat maliliit raw ang sulat ko. Ngunit, tuloy pa rin ang ligaya sa pagsusulat at pagbabasa. Hanggang sa, ito na nga. Ang inaakala kong “wala lang” na isasagot ng optalmologo, ay naging “slight astigmatism.” Nang sinusuotan na ng frame at sinusukatan ng lente, iba ang pakiramdam ko. Tila may panibagong bahagi ang ikinakabit sa aking katawan. Ngunit ang pagsusuot pala’y pasakit. Nadama ko ang adjustment period na dinaraanan ng aking mga mata. Isa pala itong sakit sa ulo. Nagsisisi na ako’t ganito ang kinahinatnan ng mahal kong paningin.
***
Sapagkat bukod sa kamay, at isip, isa sa pinakamahalagang bahagi ng katawan ng manunulat ang kanyang mga mata. Hindi na naman siguro kailangang ipaliwanag ito kung bakit. Maliban na lamang kung magiging Homer ang isang manunulat, o isang John Milton, at mayroon kang magaling na sekretarya o dili kaya’y eskribano (ala Dimalanta), hindi mo na kakailanganin ang mga mata. Ngunit sa palagay ko, mahalaga talaga ang mata.
***
Aliw na aliw ako sa tanong ng inampalan sa mga kandidato ng nagdaang Mr. And Ms. Thomasian Personality. Anila, ano kaya ang gagawin ng mga kandidato upang lalong pagbutihin ang imahen ng UST kung sila’y gawing Rektor ng Unibersidad ng isang araw?
Sinubok kong himayin ang tanong upang humango ng isang “kapana-panalong” sagot. Ano ba itong imahen na ito? Imahen kanino? Imahen sa publiko? Sa buong daigdig?