ILANG buwan na lamang ang nalalabi at lilisanin ko na ang pamantasang ito ngunit hanggang ngayon, wala pa ring kasiguraduhan ang pagpapatupad ng Magna Carta for Students Rights sa UST.

Napakalinaw nang lahat dalawang taon na ang nakararaan. Ayon kay Reyner Villaseñor, noo’y pangulo ng Central Student Council (CSC), nagbigay ng katiyakan ang noo’y rektor ng Unibersidad na si P. Ernesto Arceo, O.P. na gagawin niya ang lahat upang maaprubahan ang charter sa ikalawang semestre ng taong 2007.

Upang mapaigting ang kampanya, nagpaskil rin ng mga kopya ng mungkahing Magna Carta sa buong Unibersidad upang maging bukas ito sa mga mag-aaral. Sinabi rin ni Villaseñor na magkakaroon ng plebisito bandang Disyembre 2007 upang maaprubahan ng mga estudyante ang charter.

Ngunit nang magbitiw sa kanilang puwesto ang tatlo sa pinakamatataas na opisyal ng UST kasama si Arceo bago matapos ang unang semestre, tila nagdilim ang pag-asang maisasakatuparan pa ang pagpapatupad ng Magna Carta na magsisilbing proteksyon sa mga karapatan ng mga mag-aaral.

Nagdaan ang Paskuhan ngunit walang plebisitong naganap. Nagdaan ang eleksiyon ng mga bagong student leaders nang walang Magna Carta na napagtibay. Naging lumang tugtugin na naman ng mga nag-aasam na mamuno sa student body ng UST ang pangako ng isang Magna Carta. Panibagong taong pang-akademiko ang nagdaan na wala man lang nabalitaan sa itinatakbo ng Magna Carta.

Sa panayam ng Varsitarian noong Mayo kay Angelo Cachero, pangulo ng CSC noong nakaraang taon, sinabi niyang ginawa naman ng kanyang administrasyon ang lahat upang maipatupad ang charter ngunit kulang ‘di umano sa pakikilahok ang mga mag-aaral.

READ
Building a green future

Ngunit maisisisi nga ba sa pagiging hindi aktibo ng mga estudyante ang pagkakabinbin ng pagpapatupad ng Magna Carta? Paano sila magiging aktibo sa pagsuporta kung hindi kungkreto at kaayon ang mga hakbang upang ipaalam sa kanila na may charter na naghahangad na proteksiyunan ang kanilang mga karapatan? Sapat na ba ang isang photocopy ng Magna Carta na nakapaskil sa bulletin board ng lokal na student council para mamulat sila? Hindi.

Kung gayon, masasabi ba natin na kulang ang kakayahan ng mga namumuno sa student government na maitulak ang implementasyon ng Magna Carta? Taun-taon ay nagbabago ang mga nakaupo sa student council at taun-taon din ay may iba’t ibang mga proyekto’t plataporma na kadalasan ay short-term goals lamang. Kung sana’y may consistency ang mga hakbang ng mga nagtutulak para sa implementasyon ng charter, hindi na aabutin pa ng halos limang taon ang paghihintay sa Magna Carta mula pagbalangkas nito noong Oktubre 2004.

Masisisi rin ba ang administrasyon ng UST na maaaring humahadlang sa pagpapatupad ng Magna Carta? Sinabi ni Florentino Hornedo, propesor sa Faculty of Arts and Letters, sa ulat ng Varsitarian noong Abril 2008 na maaaring may “insecurities” sa pagitan ng mga mag-aaral at ng administrasyon. Aniya, “There should be a high level of knowledge, confidence, and mutual respect on both sides for us to see the Magna Carta as a pedagogical tool to help make the students mature in their respective academic responsibilities.”

Siguro’y may pagkukulang ang bawat isa kung bakit hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ang implementasyon ng Magna Carta, na ang tanging hangad lamang ay magbigay proteksiyon sa mga mag-aaral.

READ
Mad about MAD

Ilang rebisyon na ang pinagdaanan ng Magna Carta kaya’t inaasahan kong maayos na ang mga “butas” na nakita ng mga nakaraang pinuno ng CSC at Central Board of Students. Sinabi naman ni Cachero na naisumite na nila ang charter sa administrasyon ng UST bago natapos ang kanyang termino.

Ngunit kung talagang nais ng mga namumunong mag-aaaral ang buong suporta ng mga kapwa nila estudyante, dapat ay maging palagian ang kanilang mga pagpaparamdam at proyekto tungo sa pagpapatupad ng Magna Carta.

Alam kong hindi madali ang hakbang tungo sa implementasyon nito, ngunit positibo pa rin ako na maisasakatuparan ang pangako ng isang Magna Carta para sa mga mag-aaral ng UST bago man lamang ipagdiwang ng Unibersidad ang ika-400 anibersaryo nito.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.