NAGLABAS ang Unibersidad nitong Biyernes ng panuntunan sa pagkuha ng refund para sa pangalawang termino ng Taong Akademiko (TA) 2019-2020 at unang termino ng TA 2020-2021.
Ayon sa anunsyo na nilabas ng Office of the Vice Rector for Finance nitong ika-25 ng Agosto, maliban pa sa mga tinanggal na fees para sa unang termino ng TA 2020-2021 gaya ng medical at dental, cultural, drug-testing, energy, physical infrastructure development, retreat and recollection, at sports, ay magkakaroon pa ng hindi bababa sa 50-porsyentong bawas para sa ibang fees.
Siniyasat rin nila ang halaga ng refund noong pangalawang termino ng nakaraang taong akademiko na aabot sa 60 porsiyento ang bawas sa miscellaneous at iba pang fees.
Ayon sa public relations officer ng Central Student Council na si Jeric Sun, makakatulong ang bagong panuntunan ng Unibersidad, lalo na sa sitwasyon ngayon.
“I believe that, at the moment, the refund process is what’s necessary for the students and the administration,” wika ni Sun.
Nilinaw ng Unibersidad na ang makukuhang halaga ng bawat estudyante ay magkakaiba-iba depende sa kanilang taon at kolehiyong kinabibilangan.
Para naman sa mga estudyante ng Senior High School na may mga balanseng hindi pa nababayaran nang buo, ibabawas din ang halaga ng mga voucher galing sa Kagawaran ng Edukasyon sa kanilang mga bayarin.
Nagbigay ang tanggapan ng tatlong posibleng paraan upang makuha ang refund.
Kung ang estudyante ay may outstanding balance o iba pang balanse noong ikalawang termino ng TA 2019-2020 o sa unang termino ng TA 2020-2021, maaaring gamitin ang refund sa pambayad nito.
Para naman sa mga estudyanteng walang balanse o nakapagbayad na ng buo, maaaring ipa-transfer ang halaga ng refund sa banko ng estudyante o ng kaniyang guardian o kaya naman ay tumanggap ng tseke na maaaring kunin sa Cashier’s Office ng Unibersidad.
Maaaring mag-apply sa refund simula ika-27 ng Agosto sa pamamagitan ng pagpunan ng Application for Refund of Fees form na matatagpuan sa myUSTe Student Portal. Matatagpuan din sa portal ang email ng student accounts assistant kung saan maaaring ipadala ang nasabing form.