SINO ang hindi nakakakilala kina Tito, Vic at Joey? Sino ang hindi pamilyar sa mga pelikula ni Sharon Cuneta? Higit sa lahat, sino’ng Pilipino ang hindi pa nakakasakay sa mga jeep ng Sarao?

Naging bahagi na ang mga pangalang ito sa pamumuhay ng mga Pilipino. Mula sa ating napapanood at napapakinggan umusbong ang kulturang popular, na kadalasang nagsasaad ng trend o uso. Dahil dito, naglitawan ang mga tindahang nagbebenta ng mga produktong may kinalaman sa kulturang popular tulad ng mga damit. Isa ang Branded ng Spoofs Limited sa mga kumpanyang unang nagsulong ng popular na kulturang Pinoy, sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga Pinoy pop culture shirt at merchandise.

Nagsimula bilang isang simpleng proyekto ng anim na Business Management Engineering na estudyante ng Ateneo, unang nakilala ang Spoofs Limited sa paglikha at pagbebenta ng mga spoofed shirts o mga damit na may konseptong parodiya, ng mga kilalang pangalan o tatak ng mga produkto sa loob at labas ng bansa.

Sa pagsisikap nina Carlo Dobles, James Caparas, Andrew Marcelo at iba pa, umunlad ang negosyo mula sa isang business plan na unang inakalang hindi sineryoso ng kanilang propesor.

“Noong first semester sa Entrepreneurship Engineering, inakala ng propesor na ginagawa lang naming biro ang pagpaplano ng negosyo ukol sa Pinoy pop culture shirts,” ani Dobles, presidente ng Spoofs Limited. “Dahil kami ang nakakuha ng pinakamababang marka. Ngunit noong second semester, kami na ang nakakuha ng pinakamataas na marka dahil kami ang may pinakamaraming nabenta.”

Dahil sa kaaliw-aliw na estilo ng kanilang produkto, naging patok ang spoofed shirts sa mga estudyante at sinimulan ang pagpapakilala ng tatak na Spoofs sa mamimiling Pilipino noong 1991. Nang lumaon, naging laganap ang pangalan nito sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, maging sa mga turistang dumarayo sa bansa.

READ
Zarzuela returns

Mula sa matagumpay na Spoofs, nabuo ang isang panibagong ideya na magtayo ng tindahan na nakalaan lamang sa mga Pinoy pop culture shirt noong Hulyo 2005.

“Napansin namin na sa ibang bansa, naging malakas ang branded licensing (ang panghihiram ng mga tatak o icons nang may paalam upang gamitin sa isang produkto) sa mga damit tulad ng sa Mountain Dew at Budweiser,” ani Dobles sa Varsitarian. “Dahil dito, itinayo namin ang Branded upang ipakilala ang mga sikat na local brands. “

Produkto ng Branded

Sa ngayon, humigit-kumulang sa 140 na disenyo ng kilalang produkto at personalidad mula pa noong 1800 hanggang sa kasalukuyan. Halimbawa nito ang Alhambra at Tabakalera, mga tatak ng sigarilyo noong panahon ng Kastila (1800), ang Avenue Cola na nauna pang inilabas kaysa sa Coca-Cola at tinangkilik noong dekada ‘40 hanggang ‘50, at Iskul Bukol na inaabangan ng mga Pilipino sa telebisyon noong dekada ‘80.

Kabilang rin sa kanilang mga disenyo ang Sarao, VST & Company, Nora Aunor, Darna, Sharon Cuneta sa P.S. I Love You at That’s Entertainment—mga personalidad, palabas sa telebisyon, pelikula at produktong tinangkilik ng mga Pilipino. Bukod dito, mayroon ding mga disenyo ng mga kasalukuyang icons ng kulturang popular tulad ng bandang Imago, pelikulang Jologs, at programang pantelebisyon na Wazzup Wazzup.

Ilan sa mga madalas na hanaping disenyo ng mga mamimili ang Student Canteen, That’s Entertainment, Palibhasa Lalake, Abangan ang Susunod na Kabanata, Rico J. Puno, at Juan dela Cruz Band. Isa rin sa mga ipinakikilala ng Branded ang mga local independent bands at local digital films, kabilang ang mga bandang Daydream Cycle at Radioactive Sago Project, at ang pelikulang “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros.”

READ
UST in Ethiopia?

Ayon pa sa kanya, hindi nila nililimitahan ang kanilang negosyo sa pagbebenta ng mga Pinoy vintage pop culture merchandise. Nais rin nilang kumuha ng lisensya mula sa mga kumpanya sa ibang bansa na naging bahagi rin ng kulturang popular dito sa Pilipinas. Halimbawa nito ang Voltes V na inabangan ng mga kabataan noong dekada ‘80 at ‘90.

“Hindi talaga isang vintage shop ang Branded. Isa itong pop culture shop,” dagdag pa ni Caparas. “Hindi nangangahulugang vintage ang mga disenyong ilalabas namin sa hinaharap. Maaaring sikat ang isang tatak o personalidad ngayon ngunit pagkatapos ng 10 taon, maaari itong ituring na vintage.”

Ayon naman kay Dobles, hinangad rin ng kumpanya na maglabas ng mga damit na nagpapakita ng mga lumang pelikulang Pilipino subalit hindi ito naisakatuparan dahil mahirap nang mahanap ang mga producer ng pelikula.

Pagkilala sa Sarili at sa Pinagmulan

Sa pagtataguyod ng Branded, pangunahing layunin ng Spoofs Limited na mabago ang pagtingin ng mga Pilipino sa sarili nitong kultura. Madalas na binabansagang “jologs” o baduy ang mga taong tumatangkilik sa mga lokal na produkto at artista.

“Sa mga pahina ng textbooks, makikita natin ang larawan ng mga taong hawig sa isang Amerikano. Napalitan naman ang kubo ng mga magagarang opisina. Sa kabila nito, unti-unti nating nakikita ang pagbabago sa ating kultura. Naglitawan ang indie bands at digital films, at ang pag-unlad ng bandang Pilipino,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, may limang tindahan ang Branded sa iba’t ibang shopping malls—SM Megamall, Market! Market!, SM Manila, Alabang Town Center, at Southmall. Balak nilang magtayo ng dalawa pang outlet sa Mall of Asia at SM San Lazaro.

READ
Pag-aaral ng Filipino sa Uste

Sa patuloy na pag-usbong ng negosyong Pinoy pop culture shirts, hindi maiiwasang magkaroon ng kalaban ang Spoofs Limited sa pagbenta ng ganitong uri ng produkto. Nariyan ang Mimic, Flashback, Happy Days, American Boulevard, at Top 40. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pakikipagsapalaran ng kumpanya upang makamit ang mithiing mapaunlad ang kulturang Pilipino.

“May pagkakaiba kami sa ibang nagbebenta ng Pinoy pop culture shirts dahil kumukuha kami ng lisensya sa mga may-ari ng mga brands na aming ipapakita,” ani Robles. “Dahil dito, natutulungan namin silang makilala muli at tangkilikin bilang kapalit. Laganap kasi ang colonial mentality, kaya sinusubukan naming iparating sa mga Pilipino na hindi masama ang pagsusuot at pagtangkilik sa tatak Pilipino. Cool ito.”

Dagdag pa niya, “Ang nagsasabi ng jologs sa nagsusuot ng Pinoy pop culture shirts ang siyang tunay na jologs.” Lee V. Villanueva

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.