SA LOOB ng halos 400 taon, nanatiling matatag ang Unibersidad sa mga hamon ng panahon. Maraming trahedya na ang sumubok dito at kabilang sa mga iyon ang ilang naganap na sunog.

Matatandaan na noong Marso, nasunog ang Drivers’ Quarters ng Unibersidad na matatagpuan malapit sa Central Seminary. Noong 2004 naman, tinupok din ng apoy ang Faculty of Pharmacy Laboratory sa Botanical Garden na naging dahilan ng paglalaho ng ilang mga importanteng specimen.

Marami nang nawala dahil sa mga sunog na naganap kamakailan lang. Ngunit kung susulyapang muli ang kasaysayan ng Unibersidad, masasabing isa sa mga pinaka-malaking sunog na naitala ang nangyari noong Pebrero 1970, sa St. Martin de Porres Bldg.

Mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas, umaga ng Pebrero 13, 1970, nang matupok ang laboratoryo sa unang palapag ng St. Martin de Porres Bldg. Tinatayang P1.2 milyon ang halaga ng mga kagamitang nasunog.

Mabilis namang natugunan ng mga bumbero ang sunog at matapos ang 45 minuto, nadeklara na itong fire out ng mga rumespondeng bumbero.

Ayon sa mga imbestigador, maaaring faulty electric wiring na ginagamit para sa amplifier ang naging dahilan ng aksidente, ngunit natuklasang hindi naman ito nakasaksak.

Mayroong nag-ulat na maaaring plano ng mga grupong nais manggulo sa Unibersidad ang sunog, ngunit hindi ito napatunayan.

Kabilang sa mga laboratoryong nasunog ang Department of Microbiology and Parasitology at Department of Pathology.

Mabilis na kumulat ang apoy dahil sa mga kurtina at sa kahoy na kisame na bumagsak sa mga mesa.

Isang hindi pinangalanang propesor na naroon sa lugar ng pinangyarihan ang sumalungat sa ulat ng isang pahayagan na nagsabing chemical reactions ang dahilan ng aksidente.

READ
Luggage

Ayon sa isang ulat ng Varsitarian, sinabi ng propesor na wala namang mga kemikal sa laboratoryo maliban sa ilang bote ng alkohol dahil nasa ikalawang palapag ng gusali ang lahat ng mga kemikal na maaaring magdulot ng sunog.

Dagdag pa niya, maaaring naagapan ang sunog kung mayroong sapat na kagamitang pangkomunikasyon ang mga tauhan ng Unibersidad. Sinabi niyang sa Main Building pa humingi ng tulong ang tagapangalaga ng laboratoryo na si Emiliano Espiritu mula sa Medicine Building. Isang tauhan ng malapit na gasolinahan pa ang tumawag sa istasyon ng bumbero.

Nagtamo ng first-degree burns si Espiritu matapos niyang subukang iligtas ang ilang mga apparatus. Wala nang iba pang nasugatan o nasawi sa nangyaring aksidente.

Ayon sa mga opisyal ng Unibersidad, naglalaman ng mga samples na kinuha sa mga specimen ng iba’t iba at hindi pangkaraniwang mga sakit na nakalap pa ng mahigit 30 taon ang mga microscopic slides na nasamang naabo. Sinasabing ang Faculty of Medicine and Surgery lang ang tanging kolehiyo na mayroong kompletong koleksyon ng mga slides. E.T.A. Malacapo at Ruby Anne R. Pascua

Tomasalitaan:

Lahid (pangngalan)- mantsa, bahid, marka

Halimbawa:

May lahid ng dugo ang kanyang damit.

Sanggunian:

The Varsitarian, Pebrero 1970, Tomo 42, Bilang 3.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.