HABANG patuloy pa rin ang hidwaan sa pamahalaan dulot ng kontrobersyal na “Gloriagate” tapes, nagkakaroon din ng sariling alitan ang mga kasapi ng Central Student Council (CSC) matapos maglabas ng kani-kanilang pahayag ang iba’t ibang samahan sa Unibersidad kaugnay ng pambansang krisis.

Ang pagkakaroon ng CSC ng dalawang sangay—ang Executive Board at ang Central Board—ay dahilan marahil sa tila hindi matapos na sakit ng ulo ng CSC.

Kahit may kani-kanilang tungkulin, hindi maikakaila na hindi pa rin malinaw sa ilang mga kasapi ng CSC, na kinikilala bilang opisyal na kinatawan ng mga mag-aaral, ang kani-kanilang mga gawain at responsibilidad.

Sali-saliwang paghayag

Hindi ikinatuwa ni John Voltaire Almeda, pangulo ng CSC ang pagsasagawa ng ilang grupo ng mga Tomasino, sa pamumuno ng Youth Demanding Arroyo’s Removal (Youth Dare), Alliance for Concerned Thomasians, at ilang mag-aaral ng Political Science sa Faculty of Arts and Letters, ng isang maliit na kilos-protesta laban kay Pangulong Arroyo noong ika-11 ng Hulyo sa tapat ng UST España gate.

Taliwas ang isinigaw ng mga nagwelga sa inilabas na pahayag ng CSC, na nagsasabi na dapat idaan sa “due constitutional process” ang kasalukuyang krisis sa pamahalaan. Salungat din ito sa opisyal na pahayag ng Unibersidad na sinang-ayunan naman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na bumuo ng isang “truth commission.”

Sinabi ng mga nagwelga na sila ang “tunay na boses” ng mga mag-aaral sa Unibersidad.

Ngunit para kay Almeda, walang makakapagsabi kung sino ang “tunay na boses” dahil magkakaiba ang pahayag ng bawat tao.

“Salu-salungat ang posisyon ng buong bayan sa isyu, hindi kagulat-gulat na ang (mga opinyon) sa isang maliit na institusyon tulad ng UST ay magkakasalungat din,” sabi ni Almeda.

Nadadamay, aniya, ang walang kinalamang karamihan na tila nagiging silent majority.

Aklasan at paglabag sa batas

Gayunpaman, sinabi ng mga nagprotesta na pahayag lamang ni Almeda ang inilabas na pahayag ng CSC sapagkat hindi niya kinonsulta ang ibang mga student organization sa UST ukol sa nilalaman nito.

Dinepensahan naman ni Almeda na pinahayag niya lamang ang posisyon ng Executive Board ng CSC.

“Hindi talaga sila (ibang mga samahan) kokonsultahin, makikita naman na pangalan lang ng mga kasapi sa Executive Board ang nakalagay (sa pahayag),” sabi ni Almeda.

READ
Freshman Walk pushes through

Ngunit dalawa ang nailabas na pahayag ng CSC: ang una na naglalaman ng pangalan ni Almeda at ang sumunod, makalipas ng ilang araw, na may pirma ng mga kasapi sa Executive Board.

Ginamit din ng Executive Board at ni Almeda ang letterhead ng CSC na marahil ang naging dahilan ng pagkakabuo ng impresyon na iyon ang pahayag ng buong CSC.

Samantala, inakusahan din si Almeda ng mga taga-Central Board, sa pamumuno ni Brian Christopher Nocon, pangulo ng Faculty of Medicine and Surgery, ng paglabag ng Konstitusyon ng CSC.

Nakasaad sa Artikulo IV, Seksiyon 3 ng Saligang Batas ng CSC na kasama dapat ng Executive Board ang Central Board sa pagpahayag ng posisyon ng CSC sa mga mahahalaga at kontrobersyal na isyu.

Itinanggi naman ni Almeda na may nilabag siya sa mga probisyon ng Saligang Batas ng CSC dahil hindi rin daw opisyal na posisyon ng CSC ito.

“Pahayag lamang iyon para ipagbigay-alam sa mga mag-aaral na kami ay nanawagan para sa kaayusan, kapayapaan, at alamin muna ang katotohanan bago humusga. Sa tingin ko naman hindi ito posisyon, ito ay panawagan para sa lahat,” wika ni Almeda.

Idinagdag pa nito na nasabihan ang Central Board bago pa man ilabas ang pahayag. Hindi lang daw gaano nagkaintindihan at nakapag-usap nang maayos dahil mabilis ang mga pangyayari sa pamahalaan.

Sinabi rin ni Almeda na hindi nila kayang maghintay nang matagal dahil iniisip nila ang pangkalahatang epekto sa Unibersidad ng pulitikal na isyu. Tungkulin, aniya, bilang pangulo na ipaalam niya sa mga mag-aaral ang posisyon ng CSC kapag may mga bagay na nangagailangan ng madaliang aksyon.

Samantala, iniisip pa ng Office for Student Affairs (OSA) kung mayroon bang dapat na karampatang parusa sa mga nagprotesta.

“Gawain pa rin ng isang student organization (ang nangyaring kilos-protesta). Dapat kumuha sila ng off-campus form,” sabi ni Dr. Evelyn Songco, Assistant to the Rector for Student Affairs. “Sa ngayon, wala pang parusa (sa kanila), kung meron man dapat idaan muna sa due process.”

READ
Engineering performs well in board exams

CSC: Noon at Ngayon

Nang ibinalik ang student council sa UST noong 1981, nagkaroon muna ng “interim CSC” na pinamunuan ni Philip Aguinaldo na ngayo’y nagtuturo sa Faculty of Civil Law, at nagtagal hanggang 1982. Ayon sa konstitusyon noon ang CSC, dapat may dalawang sangay — ang Central Board at ang Excecutive Board.

Ang Central Board, na binubuo ng mga pangulo ng mga local student council mula sa iba’t ibang fakultad at kolehiyo sa UST, ang gumagawa ng mga patakaran at nagpapalaganap ng mga batas, habang ang Executive Board naman, na binubuo ng anim na opisyal na ibinoto ng mga mag-aaral sa buong Unibersidad, ang nagpapatupad ng mga ito.

Ang mga estudyanteng maaari lamang tumakbo para sa posisyon ng Pangulo at Ikalawang-Pangulo ng Executive Baord ay mga Pangulo at Ikalawang Pangulo rin ng iba’t ibang kolehiyo sa UST. Maaari namang tumakbo ang mga estudyante para sa mga natitirang posisyon ng Executive Board, tulad ng Kalihim, kung natugunan nila ang mga kinakailangang nakasaad sa CSC Konsitusyon.

Unang binago ang konsitusyon noong 1991. At noong Abril 2002, ang CSC ay naging isang Constituent Assembly at muling binago ang konstitusyon.

Isa sa mga kapansin-pansing pagbabago ay ang pagpalit ng mga kinakailangang makamit bago makatakbo para sa posisyon ng Pangulo at Ikalawang Pangulo ng Executive Board. Ayon sa batas, maaari nang tumakbo ang isang istudyante para sa Pangulo at Ikalawang-Pangulo kung siya’y opisyal ng student council ng kanyang kolehiyo.

Ayon kay Songco, ang pagbabago ng panahon ang isa mga naging dahilan sa pagpalit ng qualification sa dalawang posisyong binanggit.

“May Pangulo ng student council ng isang kolehiyo na ayaw tumakbo para sa posisyon ng Pangulo ng Executive Board dahil ayaw nilang iwanan ang kanyang tungkulin sa kolehiyo,” ani Soncgo.

Pagplantsa sa gusot

Kahit nalilito ang mga mag-aaral sa dalawang komite, nilinaw naman ni Almeda na walang mas mataas sa dalawa at walang nangyayaring pakialamanan.

“Pantay lang (ang Central at ang Executive Board), dapat makipagtrabaho silang pareho sa bawat isa nang maayos,” ani Almeda. “Pero hindi ibig sabihin na hangga’t hindi pa naglalabas ng pahayag ang Central Board hindi puwedeng maglabas ang Executive Board ng pahayag nila.”

READ
Bible being translated to language of youth

Subalit ayon kay Lucky Aranas, pangulo ng Political Science society, taliwas daw ang mga ginawa ni Almeda sa kanyang sinabi.

“Kung totoong pantay nga ang Central Board at Executive Board, hindi niya (Almeda) dapat ginamit ang pangalan ng CSC sa kanyang pahayag dahil hindi nya kinonsulta ang Central Board bago niya ito inilabas,” ani Aranas.

Inamin ni Almeda na ang CSC ay katulad ng pamahalaan, mayroon talagang ilan na hindi sasang-ayon dahil hindi nila kapartido, at dumaragdag pa ang gulong ito sa CSC sa mga nalilito nang isip ng mga Tomasino.

“Hindi ito (kaguluhan sa CSC) nakakatulong ngunit hindi natin ito maiiwasan, lalo na kapag may mga taong namumulitika.”

Ngunit tulad ng ibang samahan, mayroong mga puwedeng baguhin o idagdag sa CSC upang makapaglingkod ito ng mas mabuti, ani Almeda.

“Dapat baguhin ang Konstitusyon (ng CSC), kailangang magkaroon ng isang legislative assembly para hindi nagkakaroon ng kalituhan sa mga gawain ng Executive Board at Central Board,” sabi ni Almeda. “Malaki ang pagkakaiba ng paggawa at pagpapatupad ng batas.

Ayon kay Songco, kailangan talagang may dalawang sangay ang CSC sapagkat ang Central Board ang nagsisilbing boses ng iba’t ibang kolehiyo.

“Ipinapaalam ng Central Board ang problema o mga mungkahi ng mga kolehiyo ng UST sa Executive Board upang ito’y magawan nila ng paraan,” ani Songco

Simula pa lamang ng laban

Masasabing mayroong pagkakahalintulad ang CSC at ang pamahalaan ng Pilipinas. Pareho itong humaharap sa mga kontrobersiya na hindi pa rin malinaw ang solusyon at pareho itong sumasaludo sa isang sistemang parliamentary.

At dahil sa mga naging kaguluhan, may mga kumalat na balita na patatalsikin ng mga nagprotesta at ilang mag-aaral si Almeda sa kanyang upuan bilang Pangulo ng CSC.

Hindi naman ininda ni Almeda ang mga kumakalat na ispekulasyon.

“I welcome those kinds of things, if they feel that I should be impeached, then they should file the appropriate case and make an appropriate committee, if they find out that I committed an impeachable offense, so be it.” J.M.S. De Leon at Paolo S. Mariano

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.