“Maraming sugat ang dapat namnamin. / Mga sugat na hindi magagap ng antibayotiko o sikologo, / mga sugat na hindi maopera ng siruhano’t bagamundo, / mga sugat na tatanggapin ng di-tiyak na salinlahi.”
– Roberto T. Añonuevo, Lupain ng Kapangyarihan
GINIMBAL ng dalawang malakas na bagyo ang sambayanan.
Habang pinaglalamayan ang mga nasalanta ni Winnie, humagupit naman at walang awang winasak ni Yoyong ang mga lalawigan ng Aurora, Bulacan, Nueva Ecija, Quezon, at iba pa. Nagdulot ito ng pagbagsak ng kabuhayan at walang tigil na pagngata ng pangil ng kamatayan.
Hindi ko masabing “mapalad ako dahil mataas ang lupain ng aming bayan” samantalang hindi magkamayaw ang mga nasalanta upang masagip lamang ang kanilang buhay. Nakaaawang tingnan ang mga taong nasalanta, gayundin ang hagulgol ng mga pamilyang binawian ng mga kasama sa isang iglap lamang.
Isang pakikiramay.
Wala na sanang dumating pang bagyo sa buhay ng mga Filipino dahil sawang sawa na tayo sa buong taong trahedya’t sakuna.
* * *
Sa naganap na pagwasak ng mga bagyo na itinuturing na malagim na kabanata sa buhay-Pinoy, nakita nating kaya naman palang magkaisa ng mga Filipino. Kung malaki ang pagtaas ng baha at malakas ang hampas ng hangin, dagsa naman ang dating ng mga tulong mula sa iba’t ibang kompanya sa bansa, maging mga pamilyang lubos na naawa sa sinapit ng mga kababayan. Napatunayan din na nananatili pa rin ang konsepto ng “bayanihan” na kahanga-hanga sa kulturang Filipino.
Humanga rin ako sa mga sundalo na walang tigil na tumulong sa payak na pamamaraan. Ito ang masasabing “tahimik na kabayanihan”. Kailangan pa bang dumating ang panganib upang magkaisa ang mga Filipino? Sa katotohanan, araw-araw tayong nakararanas ng bagyong dulot ng kahirapan, kasakiman, korapsyon, krimen, at iba pa.
Banta ito sa milyun-milyong Filipino na simulan na ang pagkakaisa at buuin muli ang unti-unting nawawasak na Pilipinas. Hindi pa huli ang lahat. Huwag nating hintaying bahain, lunurin, at wasakin tayo ng mapanlinlang na tubig at hangin.
* * *
Bakas pa rin sa mga mata ng premyadong manunulat at Bulakenyong si Jun Cruz Reyes ang pighati nang masunog ang kanyang bahay sa Sta. Elena, Hagonoy subalit para sa kanya, naging daan ito upang makilala niya ang pinakamahalagang bagay sa kanyang buhay na tumulong sa kanya upang magpatuloy—ang mga katulad niyang manunulat.
Dinagsa rin siya ng mga tulong mula sa mga manunulat ng iba’t ibang unibersidad na nagbunsod ng kanyang pagpapahalaga sa sarili bilang isa sa mga alagad ng sining ng bansa. Salamat sa isang masarap na usapan at ipagpatuloy pa sana ninyo ang pagtulong sa mga kabataang manunulat ng Bulacan at sa bansang Pilipinas.
Maging siya, napatunayan niya na sa bawat trahedya, may kaakibat naman itong paalala sa lahat, paalala na nakakubli lamang sa ating mga mata sa panahong nakalalasap ng ligaya’t ginhawa.
* * *
Muli, napatunayan ng Gawad Ustetika sa kaniyang ika-20 taon na patuloy siyang manghaharang ng kahit anong bagyo, maisilang lamang ang mga bagong manunulat na uukit sa Panitikang Filipino, na silang magpapatuloy ng pamana at tradisyon ng Panitikang Tomasino.
Bilang isa sa tagapagtaguyod ng wikang Filipino, nakatutuwa na marami pa rin ang mga nagsusulat sa “sariling wika” sa UST mula sa mga nag-uumapaw na lahok na nasusulat sa Filipino. Siguro nga, habang gutom na gutom sa kulang na putaheng inihahanda ni Tomas, lalong naglalaway at takaw na takaw na gumawa ng paraan upang busugin ang sarili .
Pagbati sa lahat ng nakilahok at nagwagi.
* * *
Salat man sa materyal na bagay, isang paalala ang darating na pagdiriwang ng kapaskuhan ng pagninilay, pasasalamat, at pag-asa.
Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!