“BAKIT ang mga taga-UST mahilig magsulat tungkol sa kamatayan? Don’t you even know how to live?”

Itinanong ito ng premyadong kuwentista na si Jun Cruz Reyes sa mga kalahok sa Palihang Pampanitikan ng Varsitarian noong nakaraang taon. Napansin kasi niya na sa ilang taon niyang pagiging hurado sa Ustetika (ang taunang parangal pampanitikan ng UST) at kasama sa palihan, hindi mawawala ang mga lahok na katha na may tauhang namatay o kaya naman ay tumatalakay sa kamatayan.

Bukod umano sa nakakabagot at nakakasawa na ang ganitong uri ng katha, tila nagiging tatak na ito ng mga Tomasinong manunulat, lalo na ng mga baguhan. At maging ako, guilty sa gawaing ito. Sa unang palihang sinalihan ko, kuwentong kamatayan din ang isinumite ko.

Maaaring dala ito ng kamalayang kinagisnan sa loob ng pinakamatandang Katolikong pamantasan sa bansa. Dito, nagkakaroon ng pagkakaisa sa pag-iisip at pananaw ang mga Tomasinong manunulat sa mga bagay-bagay dahil pare-pareho ang kanilang naging oryentasyon sa iba’t ibang larangan gaya ng pilosopiya, relihiyon, sining, at kultura.

Gayunpaman, hindi nalilimitahan dito ang paraan ng pagsulat ng mga Tomasinong manunulat. Ayon sa makatang si J. Niel Garcia, pundador ng Thomasian Writers Guild at kasalukuyang nagtuturo sa UP, “the fact that a person is a graduate of UST makes him a Thomasian. But this does not necessarily become part of his writing. We write about things that affect us.”

Ngunit tila ang sinasabing “tradisyong Tomasino” ang nagtutulak sa mga umuusbong na Tomasinong manunulat na lalong kumawala sa mga gapos nito. Minsan nang sinabi ng mandudulang si Jun Lana na dahil isang relihiyosong institusyon ang UST, mayroon umanong “suffocating censorship” sa UST lalo na sa mga akdang tumatalakay sa mga sensitibong isyu. Aniya, kung magpapatuloy ito, lalong mapagiiwanan na ang UST.

READ
Offemaria's offertory to the visual arts

Isang halimbawa nito ang hindi pagpayag ng Office for Student Affairs (OSA) halos tatlong taon na ang nakaraan na itanghal ng Artistang Artlets ng Faculty of Arts and Letters ang kanilang dula dahil sa pagtalakay sa buhay ng isang kerida.

Sa mga ganitong pagkakataon naghahanap ng ibang kanlungan ang mga manunulat dahil hindi tanggap sa kanilang kinamulatan ang kanilang akda.

Sa mga nagdaang taon, ilan sa mga akdang nagwagi sa Ustetika ay tumalakay sa iba’t ibang isyu gaya ng homosekswalidad (na taliwas sa paniniwala ng simbahang Katolika), aborsyon, diskriminasyon, at maging mga problemang panlipunan. Sa katunayan, ang dulang tumanggap ng Rector’s Literary Award noong nakaraang taon ay ang kaninang nabanggit ko na umani ng censorship mula sa OSA.

Hindi man biglaan, paunti-unti ay nagkakaroon na rin ng “kalayaan” ang mga pausbong na manunulat sa UST na sumulat ng akdang ayon sa kanilang mga sariling paniniwala. Gamit ang mga aral ni Santo Tomas upang malaman ang mali sa tama, darating ang araw na malaya na silang makasusulat bilang mga manunulat, at hindi lamang bilang mga Tomasino.

* * *

Hindi maiiwasan sa online forums ang pagpapataasan ng ihi ng mga estudyante mula sa magkakaibang pamantasan. Minsang nagbabasa ako, isang pahayag ang nakapagpanting sa tainga ko. Aniya, hindi raw dapat ikumpara ang UST sa umano’y “Big Three” na mga pamatasan sa Katipunan, Diliman at Taft dahil sa “less stellar alumni roster” ng UST. Natawa na lamang ako.

Payo ko lamang sa kaniya (sakaling mabasa niya ito), subukan niya munang magsaliksik bago siya magbitiw ng “kamangmangan.” Hindi malayong Tomasino pala ang propesor na nagbibigay ng “de kalidad” na edukasyon sa kanilang pamantasan.

READ
Make or break for Philippine law

* * *

Inaanyayahan ko ang mga Tomasinong kuwentista, makata, sanaysayista at mandudula na lumahok sa ika-25 Gawad Ustetika, ang taunang timpalak-pampanitikan ng UST. Bukas ito sa mga Tomasinong mag-aaral na nais maglahok ng kanilang mga tula, maikling kuwento, sanaysay, at dulang may isang yugto, sa Filipino man o Ingles.

Para sa karagdagang impormasyon at application form, magsadya sa tanggapan ng Varsitarian o tumawag sa telepono bilang 406-1611 loc. 8235 o magpadala ng mensahe sa 0905-2434808.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.