INIREKLAMO na sa piskalya ni Dr. Gil Gamilla, pangulo ng UST Faculty Union, ang kumpanyang pinautang niya ng P9.5 milyon gamit ang pondo ng unyon. Samantala, isang komite naman ang binuo upang siyasatin ang katotohanan ukol sa paglabas ng nasabing pondo nuong 2006.
Ang Task Force Committee on Peers ay binuo noong Hulyo 16 sa pangunguna ni Noel Asiones, vice president for legal affairs ng unyon. Ang komite naman ay pinamumunuan ni Rafael Bautista mula sa College of Education, kasama sina Pablito Baybado, Jr. (Institute of Religion), Apolinario Bobadilla (College of Accountancy), Jacinta Cruz (Faculty of Pharmacy), at Fortunato Sevilla III (College of Science).
“We are [still] under [the union] but we will be working independently to investigate. We will be conducting several meetings or hearings asking some people concerned about what they know. [The information is] supposed to be first hand, it cannot be hearsay,” ani Bautista.
“The committee is not a judge, but it can make recommendatory resolutions and actions to the union. It is not all up to us. We are just all tasked to gather the data [for the investigation],” dagdag pa niya.
Sinabi ni Gamilla sa mga naunang ulat ng Varsitarian na pabor siya sa pagbuo ng isang “komite na binubuo ng mga respetadong miyembro ng Pamantasan” na magsisiyasat sa isyu.
Matatandaang noong Enero, inaakusahan ng ilang miyembro ng unyon si Gamilla at dating bise presidente na si Gil Garcia ng “impropriety” sa paglabas ng pondo nang walang pahintulot ng mga miyembro. Nagbitiw si Garcia, samantalang nahalal muli si Gamilla bilang pangulo ng unyon sa kabila ng mga akusasyon.
Ayon sa Policy No. 18 ng Finance Manual ng unyon: “In case the disbursement for materials to be purchased reaches the amount of up to P300,000 or more, the approving body to authorize such disbursement is the general assembly.”
Reklamo
Upang malinis ang pangalan, naghain na ng reklamo si Gamilla sa tanggapan ng Quezon City Prosecutor’s Office noong Pebrero 17 laban sa pangulo ng Saturn Resources Inc. na si Mario Villamor. Hindi sinabi ni Gamilla kung naiangat na sa korte ang kaso.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang tanggapan ng USTFU sa kasalukuyang estado ng kaso.
Hindi naman alam ni Garcia kung ano na ang nangyari sa kaso.
“I have not been there. They have not been informing me so I do not know what the developments were,” ani Garcia.
Sinubukan rin ng Varsitarian na kuhanan ng pahayag si Villamor, ngunit hindi siya sumasagot.
Batay sa kopya ng sinumpaang salaysay ni Gamilla na nakuha ng Varsitarian, inaakusahan niya si Villamor ng paglabag sa Batas Pambansa Bilang 22 o Bouncing Checks Law.
Makikita sa complaint-affidavit ni Gamilla ang kopya ng mga tumalbog na tsekeng ibinigay ni Villamor mula ikawalo ng Nobyembre hanggang ika-24 ng Disyembre na nagkakahalaga ng P9,239,769.11.
Sa sariling imbestigasyon na isinagawa ng dating vice president for grievance na si Jose Ngo noong Setyembre hanggang Disyembre 2009, ang proyekto na dapat sana’y pabahay para sa mga guro ay naging pautang.
Sa ulat ni Ngo, inirekomenda ni Villamor, ang property developer, ang kumpanyang Wise Capital Investment and Trust Company (WiseCitco) bilang financial adviser ng unyon. Pinayuhan naman ng WiseCitco si Gamilla na pautangin ang kumpanya ni Villamor ng P5 milyon na babayaran sa loob ng 180 na araw at may interes na 15 porsiyento kada taon.
Sagot naman ni Villamor sa isang liham sa Varsitarian noong Enero, nagkaroon ng “financial losses” ang Saturn dahil sa “pre-operating” expenses ng proyekto.
“Sila [na mga nambibintang] ay hindi naniniwala na mayroong Mr. Villamor na nabubuhay na siyang kumuha ng pautang. Ito ang dahilan kung bakit kinailangan kong [maghain ng reklamo],” ani Gamilla.
Ayon naman kay Ngo, bukod sa complaint-affidavit na inihain ni Gamilla ay mahalaga ring makita ang counter-affidavit ni Villamor upang makita ang kaniyang depensa. Dagdag pa ni Ngo, matagal na niyang hinihingi ang mga legal na dokumento ngunit wala pa siyang nakikita.
Sinabi rin niya na maaaring may problema sa inihaing reklamo sakali mang hindi ito naiaakyat sa korte, sapagkat napakadali lamang iproseso ang kaso na kagaya ng inihain ni Gamilla.
“Dalawa lang naman ang kailangan doon sa kaso. First, a check was issued, and, second, the check bounced,” ani Ngo na isang abogado.
“By this time, they should have already resolved the case,” dagdag pa niya. Rommel Marvin C. Rio at Justinne Chynna V. Garcia