MAHIGIT 50 taon na ang nakararaan nang ipatupad ni dating pangulong Carlos P. Garcia ang patakarang “Filipino Muna” upang itaguyod at protektahan ang mga produktong Filipino laban sa mga gawang banyaga. Kung iisipi’y maganda ang layunin nito ngunit nang lumaon ay ito mismo ang naging sanhi ng pagbagsak ng ekonomiya dahil nawalan ng foreign investors na magpauunlad sana sa mga industriyang Filipino.

Sa kasalukuyan, malinaw na naisasantabi ang mga produktong Filipino; higit na tinatangkilik ang mga gawang banyaga, habang ang mga industriyang sariling atin ay patuloy na humihina at nalulugi. Bagaman isa ring dahilan ang kalidad kung bakit higit na tinatangkilik ang gawang banyaga, nakalulungkot isipin na gayon lamang kadali naiisasangtabi ang konsiderasyong gawang Filipino ang mga produktong ito, na bilang Filipino ay dapat natin itong tangkilikin. Ngunit hindi lamang sa larangan ng negosyo masasalamin ang kawalan natin ng pagmamahal sa sariling atin. Sa katunayan, maging sa wikang ating sinasalita ay malaki rin ang ating pagkukulang.

Sa tuwing mababanggit ang asignaturang Filipino, madalas ay kaakibat nito ang mga salitang “kabagut-bagot” at “madali” o “sisiw lang”. Kung minsan pa nga’y may magtatanong pa kung bakit pa ito kailangang pag-aralan, at ano ang maitutulong nito sa atin, gayong Filipino na nga ang wikang ating sinasalita. Masakit itong pakinggan, lalo pa nga’t simula pagkabata’y masasabi kong panatiko ako ng ating wikang pambansa.

Sadya nga bang mapanupil tayo sa sariling atin? Sadya nga bang marami na sa atin ang nagsawa na sa pagiging Filipino? Kung tunay ngang madali at hindi na dapat pang pag-aralan o bigyang-halaga ang ating wika, bakit ang simpleng gamit lang ng “nang” at “ng” ay banyaga sa nakararami? Bakit hirap tayong tukuyin ang pagkakaiba ng salitang “pahirin” at “pahiran”? At bakit estranghero ang nakararami sa wikang nagbubuklod sa atin?

READ
Thomasians deliver more help to storm victims

Nang sumali ako sa Varsitarian at maging bahagi ng seksyong Filipino ay may dalawang bagay na madalas sabihin ng aking mga kaibigan sa akin. Ang una ay ang paghanga nila sapagkat mahirap daw ang magsulat sa wikang Filipino. Ang ikalawa ay ang (may halong biro yatang) pagsasabi na ang dali-dali lang naman daw ng ginagawa ko.

Sa unang pahayag ay sinasabi kong hindi naman mahirap ang magsulat sa sariling wika, bagkus ay higit itong madali kaysa sa wikang Ingles sapagkat taal na sa bawat isa sa ating Filipino ang pagsasalita ng wikang Filipino. Kalokohan ang pagsasabing malalim ang salitang “umuukilkil” habang alam na alam natin ang kahulugan ng salitang lucid. Ang katotohana’y ang mga “malalim” na salitang Filipino ay hindi sana banyaga sa atin kung may panahon lamang tayong tuklasin ang mga salitang bahagi ng ating pagka-Filipino gaya ng pagbabasa ng panitikang Filipino.

Ang ikalawang pahayag ay sinasagot ko lamang ng ngiti, ngunit sa loob ko’y nasasaktan ako. Hanggang kailan natin dudustahin ang sariling atin? Hanggang kailan natin ibababa ang ating sariling pagkakakilanlan? Kung tayo mismong mga Filipino ang nagpapababa sa sariling atin, wala tayong karapatang magalit sa sino mang umaalipusta sa atin. Hindi ko pinapanigan ang mga banyagang nagbibigay ng negatibong komento tungkol sa ating lahi, ngunit hindi ba’t marapat lamang na isipin nating, paano tayo rerespetuhin ng iba kung tayo mismo ay walang respeto sa ating mga sarili?

Patuloy akong umaasa na hindi pa huli ang lahat upang tayo’y magbago. Hangga’t may mga Filipinong nagmamahal sa Pilipinas at hangga’t may mga Filipinong walang sawang maging Filipino, may pag-asa pa ang bayang ito.

READ
First female Unesco chief gets Golden Cross award

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.