ANG PAGTATAPOS ay isa sa mga pinakanatatanging yugto sa buhay ng isang Tomasino dahil ito ang araw na nagtatakda ng kaniyang tagumpay matapos ang ilang taong pagsisikap sa pag-aaral.

Ang proseso ng pagtatapos sa Unibersidad ay dumaan sa ilang mga pagbabago, pati na rin ang mga katibayan ng pagtatapos at mga parangal na ibinibigay ng Unibersidad sa mga nagsisipagtapos.

Bago ang taong 1926, tanging ang mga titulong licentiate, master, at doctoral ang pinagkalolooban ng seremonya sa kanilang pagtatapos dahil sa kanilang matagumpay na pagtatanggol ng kanilang dissertation. Ngunit dahil sa petisyon ng mga mag-aaral ng Abogasya, pinagpasyahan ng noo’y rektor P. Manuel Arellano, O.P. ang pagkaroroon ng seremonya sa pagtatapos ng mga mag-aaral sa kursong ito.

Nang magsimula ang ikalawang semestre noong 1941, pinayagang makapagtapos ang mga mag-aaral na madalas pumasok sa klase sa kabila ng pagdating ng mga Hapon sa bansa. Ang batas na ito ay ipinatupad ng Department of Public Instruction bilang DPI Memorandum No. 1., batay sa sulat ng noo’y tumatayong rektor ng Unibersidad na si P. Eugenio Jordan, O.P., na ipinadala kay Pangulong Manuel Quezon.

Dahil sa dami ng mga Tomasinong magsisipagtapos noong 1954, gumawa si P. Villacorta, O.P., noo’y secretary general, ng isang circular na nagtatakda na sa susunod na taon, ang graduwasyon para sa mga magsisipagtapos ay hahatiin sa tatlong araw. Ang bawat araw ay mayroong anim hanggang walong kolehiyo na magmamamartsa, depende sa laki o dami ng mag-aaral sa isang kolehiyo. Ito ay dahil sa kawalan ng isang auditorium na maaaring maglaman ng mahigit sa 1, 000 mag-aaral at dahil na rin mismo sa kahilingan ng mga mag-aaral.

READ
Tomasino, bagong hepe ng Tesda

Ang mga katibayan ng pagtatapos sa Unibersidad ay nakasulat noon sa wikang Latin ngunit noong 1969, isinabatas ng Department of Education ang pagkasusulat ng mga katibayan sa wikang Filipino na mayroong karampatang salin na Ingles sa baba. Ngunit nang sumunod na taon lamang ito ipinatupad ng Unibersidad dahil marami pa ang naiiwang kopya na nakasulat sa wikang Latin.

Sa kasalukuyan, ang pagtatapos ng bawat kolehiyo ay ginaganap sa magkahihiwalay na araw at ang katibayan ng pagtatapos ay nasusulat sa wikang Filipino.

Tomasino siya

Maliban sa mga artistang Tomasino na tumulong humubog sa imahe ng pelikulang Filipino ngayon, marami ring mga Tomasinong direktor ang gumagawa ng kanilang pangalan sa mundo ng pinilakang tabing.

Isa si Rommel “Milo” Tolentino sa mga kinikilalang direktor ngayon sa larangan ng independent o “indie” films sa bansa. Siya ay pumasok sa Unibersidad noong taong 1986 upang mag-aral ng kursong Communication Arts.

Taong 1987 nang maging manunulat si Tolentino ng Varsitarian at maging patnugot ng seksyong Panitikan. Naging miyembro siya ng Artistang Artlets at ng Salinggawi Dance Troupe na nagbigay sa kaniya ng scholarship.

Matapos ang kaniyang pag-aaral, nagtrabaho siya bilang junior copy writer sa ADSystems, isang ahensya ng advertising.

Taong 2003 nang mag-aral si Tolentino ng film sa University of the Philippines Film Institute. Nang sumunod na taon ay ginawa niya ang kauna-unahan niyang pelikulang pinamagatang “Buog” na tungkol sa isang batang lalaki na nakatagpo ng pagkakaibigan sa lighthouse.

Noong 2009, siya ang naging kauna-unahang Filipinong nagwagi sa Clermont Ferrand International Short Film Festival, isang prestihiyosong pampelikulang patimpalak sa bansang France. Nakamit din niya ang Sonje Award sa Pusan International Film Festival sa South Korea noong 2008.

READ
Ed-Tech Center holds seminars

Hinirang si Tolentino bilang multi-awardee director sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival dahil sa kaniyang mga pelikulang “P,” “Si Baning, Si Maymay at Ang Asong si Bobo,” “Andong,” at “Bloggog.”

Nagwagi si Tolentino ng 2009 Gawad Urian Best Short Feature Film para sa kaniyang pelikulang “Andong”, at tumanggap ng United Nations Millenium Development Goals Award noong 2008. Kamakailan lamang ng ginawaran siya ng Special Citation ng National Council for Children’s Television at ng Philippines’ Department of Education dahil sa kaniyang mga pelikulang “Apak,” “Si Pepe at ang mga Bulaklak,” at “Blogog.”

Tomasalitaan:

Malabiga (pnr)- madaldal, tsismosa

Halimbawa: Ang malabigang mag-aaral ay napagsabihan ng guro dahil sa pag-iingay nito sa klase.

Mga Sanggunian:

De Ramos, N. V. I Walked With Twelve UST Rectors. Central Professional Books, Inc., 2000

Arts and humanities: University of Santo Tomas Filmmakers. (2010, January 2). arts and humanities. Retrieved March 7, 2011, from http://azheepineda.blogspot.com/2010/01/university-of-santo-tomas-filmmakers.html

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.