HINDING-hindi malilimutan sa kasaysayan ng Unibersidad ang minsang naging kontrobersiyal na kaso ng Colegio de San Jose noong 1899 na siyang nagbigay-daan sa pagpapaunlad ng edukasyon sa bansa.

Ang Colegio de San Jose, sa pangunguna ni P. Pedro Chirino, ay binuksan ng mga paring Heswita sa bansa noong Agosto 25, 1601 upang magbigay-edukasyon sa mga naghahangad magpari. Si P. Luis Gomes ang unang rektor nito.

Iginawad ng hari ng Espanya na si Philip V ang titulong “Royal” sa Colegio de San Jose dahil sa mahigit isang siglo nitong paggabay sa mga nais magpari sa bansa. Dahil dito, pinalitan ang pangalan ng institusyon bilang El Real Colegio de San Jose.

Ngunit taong 1768 nang ipag-utos ni Haring Carlos II na patalsikin ang mga paring Heswita mula sa mga kolonya ng Espanya, kasama ang Pilipinas.

Naiwan ang kolehiyo sa kamay ng mga obispo ng Maynila at saka inangkin sa paraang legal ng Unibersidad ng Santo Tomas matapos aprobahan ng hari ng Espanya ang petisyon ng mga Dominikano na mapasakanila ito upang gawing pakultad ng medisina at parmasya.

Muling napagtibay ang relasyon ng Espanya at Pilipinas bilang kolonya dahil sa pagpapasidhi ng mga Dominikano sa mga bagong tatag na pakultad ng kolehiyo.

Taong 1899 nang naharap ang mga paring Dominikano sa isang malaking suliranin sa pagdating ng mga Amerikano sa bansa. Umusbong ang alitang politikal sa pagitan ng mga bagong mananakop at ng Simbahang Katoliko kaya ipinag-utos ni Hen. Elwell Stephen Otis ang pagsasara ng Colegio de San Jose sa ilalim ng batas na nakasaad sa Treaty of Paris.

READ
Taming technology

Hindi naging madali ang pagsuko ng mga Dominikano sa Unibersidad. Pinamunuan ng isang ilustrado na si Trinidad Pardo de Tavera, kasama si Felipe Calderon bilang abogado, ang kampanya laban sa mga Amerikano na muling ibalik sa Simbahan ang pamamahala sa kolehiyo. ‘Di nagtagal ay nakuha nila ang simpatiya ni Otis at nabuo ang isang komisyon upang pag-aralan ang kaso at alamin kung sino ang nararapat na magmay-ari ng kolehiyo.

Sa paghalili ni Hen. Arthur McArthur sa posisyon ni Otis, nakakita ng bagong liwanag ang Simbahan.

Sa pamamagitan ng dating rektor ng Unibersidad na si P. Santiago Paya, O.P., muling nabuksan ang kolehiyo noong Enero 22, 1901 sa utos ni McArthur ngunit hindi pa rin ibinalik ang pagmamaya-ari nito sa Simbahan.

Sa patuloy na alitan na idinulong pa sa korte, pumunta ang mga Amerikano sa Vatican upang makausap ang Papa. Ipinagkaloob ng Amerika sa Simbahan ang mga nakimkim nitong mga ari-arian sa loob ng mga taon ng pagsakop ng Espanya sa bansa.

Taong 1910, dumating sa Unibersidad ang isang liham mula sa Papa na nagsasabing ang pamamahala sa Colegio de San Jose ay ibinabalik sa orihinal nitong mga tagapagtatag—ang mga Heswita.

Isa itong malaking dagok kay P. Petronilo Aguado bilang bagong luklok na rector ng Unibersidad. Dito nagtapos ang pakikipaglaban ng Unibersidad sa pagmamay-ari ng pakultad ng medisina at parmasya.

Ang muling pagbubukas ng Colegio de San Jose sa pamamahala ng mga paring Heswita noong taong 1915.

Sa kasalukuyan, ang Colegio de San Jose ay mas kilala bilang San Jose Seminary na matatagpuan sa Loyola Heights. Sa komunidad na ito tumutuloy ang mga nagnanais magpari, kasabay ng pagkuha ng mga asignatura sa kalapit na Ateneo de Manila University.

READ
Now and then: Is OPM going extinct?

Tomasino siya

Alam n’yo bang isang Tomasino ang bagong hirang na Undersecretary for International Economic Relations sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas o DFA?

Si Laura Q. del Rosario ay nanumpa sa Malacañang noong ika Oktubre 3, 2011 sa kaniyang bagong tungkulin sa kagawaran.

Nagtapos si Del Rosario ng Master of Arts degree in Literature Studies sa Unibersidad noong 1975.

Siya ay nagsimula ng kaniyang karera bilang guro sa Miriam College at naging susi ang pagpasa niya sa foreign services examination noong 1979 sa kaniyang pagpasok sa DFA.

Nagsilbi siyang kinatawan ng Pilipinas sa mga bansang Vietnam, India, Vienna, Singapore, at Washington D.C.

Sa ilalim ng DFA, nanungkulan siya bilang special assistant sa Undersecretary for Administration, naging Undersecretary for Policy noong 1990 hanggang 1992, at naging senior special assistant sa Undersecretary for International Economic Relations, bilang tagapamahala ng Asia-Pacific Economic Cooperation and Economic Diplomacy noong 2000 hanggang 2003.

Sa kaniyang pagsisilbi sa DFA, natanggap niya ang ilang mga parangal gaya ng Officer’s Award Federal Ministry of Foreign Affairs sa Vienna, Adjunct Faculty Award mula sa Foreign Service Institute of the United States Department of State, ang Indira Gandhi Priyadarshini award, at ang Indira Gandhi Award for International Relations. Jonah Mary T. Mutuc #

Tomasalitaan:

Menudensya (png) — lamang-loob ng hayop o isda

Halimbawa: Si Wrenz ang inaasahan ni Aling Rhea na magtapon ng mga saku-sakong menudensya mula sa kanilang tindahan sa palengke.

Torres, J. V. (2007). In Transition. Manila: University of Santo Tomas Publishing House.

http://www.mb.com.ph/node/336693/del-ro

http://www.dfa.gov.ph/

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.