ROMANCE, comedy, horror, at fantasy sa iisang libro ng mga maiikling kuwento.
Sa kaniyang ikaapat na aklat na “Wag Lang ‘Di Makaraos: Mga Kuwentong Pasaway, Paaway, at Pamatay,” (Visprint, Inc., 2011) pinasok ni Eros Atalia ang isang panibagong mundo na malayo sa kaniyang naunang tatlong libro na pawang mga nobela.
Ang “‘Wag Lang ‘Di Makaraos” ay binubuo ng 100 dagli (“flash writing”)na nahahati sa sampung mga kategorya. Ang dagli ay isang uri ng pampanitikang Filipino na naglalarawan ng bagay, tao, o pangyayari sa maikling paraan at karaniwang ginagamitan ng talinghaga, siste, o satira. Mayroong iba’t ibang tema ang bawat kategorya gaya ng kababalaghan, pag-ibig, at pagtanda.
At dahil nakasulat ang akda sa kolokyal na Filipino, tiyak na mawiwili ang mga mambabasa—bata man o matanda—dahil sa maiikli ngunit ‘di mabitawan na mga kuwento na sumasalamin sa kulturang Pilipino.
Mababasa sa unang kategoryang “Kamatayan” ang mga dagli tungkol sa mga kaluluwang maaaring nananahan pa sa mundo at mga kaluluwang hindi pa marahil batid na sila’y namayapa na. Naririyan din ang mga kuwentong “Balut Vendor” na makapagpapakilabot sa mga mambabasa, habang mapapaisip naman ang mga mambabasa sa “Kung si Kamatayan ang Tatanungin,” na tungkol sa tunay na nararamdaman ni Kamatayan. Ang panghuling kuwento sa kategoryang ito ay ang “KaGaw (Kaluluwang Ligaw)” na isang makapanindig-balahibong salaysay ng dalawang magkaibigang hindi pa batid na sila’y nararapat nang lumisan sa mundo.
Matapos ang mga nakatatakot na salaysay, mga nakaaaliw na dagli naman ang mababasa sa ikalawang kategoryang “Sa Dako Paroon.” Kabilang dito ang mga kuwento tungkol sa mga nakaaaliw na lamang-lupa gaya ng manananggal (“Nang Maligaw ang Manananggal”), kapre (“Nang Magka-TB ang Kapre”), white lady (“White Lady sa Aking Sulating Pormal”), at tikbalang (“Isang Tikbalang Ka Lang”).
Tinatalakay naman sa ikatlo at ikaapat na kategorya—“Mga Kwentong Mali” at “De Kahong Bilog”—ang mga nakatutuwa ngunit makahulugang pangyayari sa buhay ng tao gaya ng panliligaw (“A, Ganon Pala ‘Yon”) at pagsulat ni Kamatayan sa kaibigang si Taning (“Sablay”).
Tungkol naman sa mga inosente at matanong na mga musmos ang ikalimang kategoryang “E, Kasi, Bata.” Bagaman dalawang talata lamang, makahulugan naman ang kuwentong “Wala ‘Yan sa Tatay Ko,” dahil ipinakita nito ang nakatutuwang pagtatalo ng mga bata tungkol sa trabaho ng kanilang mga ama, na mabilis namang winakas ng kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapahiwatig ng mapait na realidad. Nakaaaliw naman na liham ng isang anak sa kaniyang mga magulang ang huling kuwento na “Petition.”
Kung ang ikalimang kategorya ay tungkol sa kabataan, ang sumunod na kategorya ay nagsasalaysay ng mga kuwentong tungkol sa nakatatanda, ang “Senior Citizens.” Ang “Priority Lane” ay tungkol sa isang matandang nagpupumilit magpaunahan sa langit samantalang nakaaantig naman ang mga kuwentong “Panawagan at “Golden Anniversary” na nagsasalaysay ng pag-iibigan ng isang mag-asawa. Nariyan din ang kuwentong “Jejermitanyo,” na kuwentuhan ng isang ermitanyo at tiyanak.
Nakasentro sa hilig ng mga Pinoy sa iba’t ibang pagdiriwang ang ikapitong kategorya ng akda na “Okasyon.” Matatagpuan sa kategoryang ito ang mga akdang “Bagong Taon,” “Araw ng Kalayaan,” “Sem Break,” at “Maligayang Pasko”—mga dagling hindi lamang tumatalakay sa mismong okasyon kundi pati na rin sa mas malalalim na diwa nito.
Ang mga dagling “Kuwentong Barbero” at “Holdaper” naman ay mababasa sa ikawalong kategoryang “Trabaho Lang.” Sumasalamin ito sa estado ng buhay ng mga obrero sa bansa at kung paano sila nakararaos sa araw-araw.
Isang nakatutuwang pagpansin naman sa advertising at media ang hatid ng ikasiyam na kategoryang “Commercial.” Narito ang mga dagling pinamagatang “Sandwich,” “Food Pyramid,” “Pulbos o Bareta,” at “Maputing Kilikili” na pawang hinggil sa mga napanonood sa telebisyon.
“Mga Kwentong ‘Di Pambata” naman ang pamagat ng huling kategorya. Mababasa ang mga bantog na fairy tales na binigyan ni Atalia ng bagong interpretasyon samantalang ang mga dagling “Libong Mata” at “Ang Unang Tao sa Dagidig” ay mga kuwento naman ng mga alamat sa bansa na hinaluan ng katatawanan at kakaibang pagtatapos.
Upang higit na maging biswal ang mga kuwento, mayroong mga imahe sa bawat simula ng kategorya na nagbibigay-gabay sa mga mambabasa.
Mayroon ding mga dagling may double meaning gaya ng “’Kala Ko, Patay Na,” “Langit, Lupa, Impyerno,” “Sanib-saniban,” at “Jeepney Driver.” Mistulang bitin din ang ibang akda at humihingi ng sariling pagtatapos mula sa mga mambabasa, ngunit ito ay mahihinuhang estilo na ni Atalia sa kaniyang mga nakaraang akda.
Ang “’Wag Lang ‘Di Makaraos” ni Atalia ay isang pagsasalamin sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipinong gagawin ang lahat—huwag lamang hindi makaraos sa sitwasyong kanilang kinasasadlaklan.