SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon, gaganapin sa bagong Quadricentennial Pavilion ang seremonya ng pagtatapos ng “Neo-centennial batch” ng Unibersidad.

Ayon kay P. Florentino Bolo Jr., O.P., secretary general ng UST, ang paglilipat ng pagdarausan ng seremonya ng pagtatapos ay nagmula kay P. Rolando de la Rosa, O.P., Rektor ng Unibersidad. Mula sa Philippine International Convention Center (PICC), kung saan taun-taong idinaraos ang seremonya, piniling idaos ang seremonya ng pagtatapos sa Quadricentennial Pavilion ngayong taon sapagkat mas makatitipid ang mga mag-aaral kumpara sa PICC.

Sa panibagong lugar ng seremonya ng pagtatapos, P1,000 na lamang ang babayaran ng mga magsisipagtapos bilang kanilang graduation fee. Kasama na sa bayarin ang mga gagamitin sa buong seremonya.

Ibinahagi ni Bolo na maaaring sa Quadricentennial Pavilion na ganapin ang seremonya ng pagtatapos taun-taon, ngunit bukas pa rin ang Unibersidad para sa mga pagbabago.

“Para sa Rektor, permanente nang gaganapin dito ang seremonya. Ngunit ito ang unang pagkakataon na gagawin ito, inaasahan namin ang ilang pagbabago upang maibigay ang pinakamaganda at maayos na seremonya ng pagtatapos sa mga Tomasino,” aniya.

Mula noong 2007, sa PICC na ginaganap ang seremonya ng pagtatapos ng karamihan ng mga kolehiyo sa Unibersidad, habang sa campus naman mismo ang mga kolehiyong may maliliit na populasyon gaya ng Conservatory of Music, College of Fine Arts and Design, at iba pa.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang kauna-unahang Pilipinong guro na nagturo ng Ingles sa Amerika?

Nagtapos ng Bachelor of Arts in English sa noo’y College of Liberal Arts (Faculty of Arts and Letters ngayon) noong 1962 si Flora Ong Go bilang summa cum laude.

READ
Set to go with the trade winds

Sa kanyang pagtatapos sa edad na 20, kaagad siyang naatasang magturo sa College of Education.

Matapos ang tatlong taon, nakatanggap si Go ng isang scholarship grant mula sa Marquette University sa Wisconsin, Estados Unidos. Sa kaniyang pagtatapos noong 1967 ng masters sa linguistics, agad siyang nagturo kung kaya’t siya ang naging kauna-unahang Pilipinong nagturo ng wikang Ingles sa mga kolehiyong Amerikano.

Bumalik sa Pilipinas si Go upang muling magturo sa Unibersidad, kung saan naghandog siya ng 18-taong serbisyo sa Education, habang pitong taon naman ang kaniyang iginugol sa Graduate School bilang propesor ng Linguistics.

Nag-aral muli si Go at kumuha ng doctorate degree, subalit hindi niya ito natapos nang nagkaroon ng colon cancer ang kaniyang ina.

Sa kasalukuyan, sa edad na 72, si Go ay tumatayong executive assistant ng alkalde ng Maynila. Regular din siyang donor ng De La Salle University scholarship fund, kung saan siya’y board member. Sa darating na ika-28 ng Marso, pararangalan si Go ng AB Gantimpala Award (for teaching).

Tomasalitaan

Hidaw (pnr)—pinakahihintay, kinasasabikan

Halimbawa: Sa wakas at dumating na rin ang aking pinakahihidaw na libro mula sa aking paboritong may-akda.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.