SA KABILA ng ingay at usok ng siyudad, isang masamyong simoy ng hangin ang hatid ng Unibersidad.
Matatagpuan sa UST ang iba’t ibang mga puno at halaman na naging saksi sa mayamang kasaysayan nito.
Ayon sa tanggapan ng Grounds and Garden ng Unibersidad, ang mga pinakamatatandang puno na Camphor, Rubber tree, Acacia, Dita tree, at Mahogany ay nakahanay sa Benavides Park at Botanical Garden.
Itunuturing na pinakamataas ang Dita tree na tinatayang nasa 100 na talampakan, samantalang pinakamaliit naman ang punong Kalachuchi, na may tangkad na siyam hanggang 22 na talampakan.
Ang mga puno ng Acacia, Rubber tree, at Balete, na karaniwang matatagpuan sa paligid ng Grandstand, at sa mga gusali ng Martin de Porres at Beato Angelico, ang masasabing pinakamagaganda sa buong Unibersidad.
Pinakamarami naman ang mga puno ng Narra at Mahogany habang pinakamalilim naman ang mga punong Camphor at Acacia. Ang Narra at Dita ang mga punong pinakamakalat magbunga.
Ang Picara tree ang siyang pinakabagong tanim na puno na nasa paligid ng Quadricentennial Pavilion, samantalang itinuturing namang pinakamahirap alagaan ang Camphor dahil sa bilis nitong mamatay.
May mga puno ring fruit-bearing sa Unibersidad. Ito ay ang mga puno ng santol, mangga, duhat, at avocado. Ang mga halamang herbal na banaba at oregano naman ang ilan sa mga karaniwang hinihingi, lalo na’t nakatutulong daw ang mga ito sa pagpapagaling ng sakit sa bato.
Kabilang din sa mga pinakabagong landscape na patuloy na tinatamnan sa Unibersidad ay ang mga Beato, Father’s Residence, at Parish gardens, at Quadricentennial Pavilion. Inaayos din ang mga dating atraksiyon gaya ng Benavides Park at Rosarium.
Ang Unibersidad ay karaniwang kumukuha ng mga halamang itinatanim sa Teresa Garden na matatagpuan sa Batangas.
Tomasino siya
Naging panata na ng isang Tomasinong manggagamot ang maglingkod at tumulong sa kapwa, lalo na sa mga nasa malalayong lugar.
Matapos makamit ang degree sa Medisina noong 1958, naging panata na ni Amelia Belandres-Miranda ang tumulong sa mga sari-saring probinsya gaya ng Apayao, Benguet, at Mountain Province.
Si Miranda ang nagsimula ng pagsusulat ng mga health columns na pinamagatang “Karunungang Pangkalusugan” na inilimbag sa Wakasan Comics Magazine noong 1960. Taong 1969 nang itaguyod niya ang ear, eyes, nose, and throat medical practice sa Kalinga, Apayao, kung saan palagi siyang nagpupunta para sa mga medical missions. Nagkaroon din si Miranda ng isang programang pangkalusugan na lingguhang ineere sa Radyo ng Bayan sa Hilagang Luzon.
Kabilang si Miranda sa The Outstanding Thomasian Alumni (Total) sa kategoryang community, civic, and social service na pinarangalan sa Central Seminary gymnasium noong 2007.
Ginawaran ng Jose Rizal Award for Rural Physicians si Miranda noong 1995 para sa kaniyang natatanging dedikasyon at kabayanihan sa paghahandog ng tulong mediko sa mga probinsya. Pagsapit ng 2011, naging rehistradong dentista rin si Miranda.
Sa kasalukuyan, nananatiling abala si Miranda sa iba’t ibang medical missions, partikular na sa Cordillera Administrative Region. May ulat mula kay Jonah Mary T. Mutuc
Tomasalitaan
Maro (pnd)—magparami o magpalahi.
Halimbawa: Tutulungan kami ni Mang Tonying kung paano magpamaro ng baboy na maaaring ibenta sa bayan.