NAKIKIISA ang Unibersidad sa pagpapalaganap ng Wikang Pambansa, hindi lamang sa pagtuturo nito sa mga Tomasino sa loob ng mga silid-aralan kung hindi pati na rin sa mga opisyal nitong dokumento, tulad ng mga diploma.
Taong 1959 nang sinimulan ng Unibersidad ang paggamit ng Filipino sa iba’t ibang departamento at opisina nito, alinsunod sa inilabas na kautusan ng Department of Education tungkol sa pagpapaigting ng paggamit sa Wikang Pambansa.
Gayumpaman, inabot ng sampung taon bago tuluyang naisalin ang mga diploma sa wikang Filipino. Kinailangan muna kasing ubusin ang mga diplomang nailimbag pa noon sa wikang Latin.
Ang mga nailimbag na diploma sa Filipino ay mayroong salin sa Ingles na nakasaad sa ilalim ng bawat kataga. Nanatili ring nakasulat sa wikang Ingles ang pangalan ng Unibersidad kung kaya naging simula ito ng diskusiyon sapagkat ang kabuuang bahagi naman ng mga nasa dokumento ay nasa wikang Filipino.
Dahil dito, nagkaroon ng mungkahi na ang magkahalong salin na “Universidad ng Santo Tomas” na lamang ang gamitin upang maiwasan ang pagtatalo hinggil dito.
Subalit tinanggihan ito ni Padre Leonardo Legazpi, kauna-unahang Pilipino na rektor ng Unibersidad, dahil ayon sa kaniya, hindi dapat gumamit ng dalawang wika sa iisang salin dahil dapat mas bigyang pansin ang isinusulong na wikang Filipino.
Noong 1971, napagpasiyahang gamitin ang “Pamantasan ng Santo Tomas” alinsunod sa kagustuhan ng rektor.
Sa kasalukuyan, nakasulat sa wikang Ingles ang mga diploma mula sa Unibersidad.
Tomasino siya
Alam n’yo ba na kinikilala ang isang Tomasino sa larangan ng musika sa buong mundo?
Si Emilio Del Rosario, Jr., nagtapos ng magna cum laude sa kursong Bachelor of Music sa Unibersidad noong 1953, ay isang Tomasinong hinahangaan dahil sa kaniyang natatanging husay sa pagtugtog ng piyano.
Sa murang edad, mahusay nang tinutugtog ni Del Rosario ang mga piyesang malimit iniensayo maging ng kaniyang mga magulang. Nagkamit siya ng scholarship mula sa prestihiyosong Peabody Conservatory sa Baltimore.
Sa kaniyang pagtatapos, nagsimula si Del Rosario na iparinig ang kaniyang musika sa buong mundo sa pamamagitan ng pagtugtog sa Carnegie Recital Hall, National Gallery sa Washington, United Nations at Cultural Center of the Philippines, bilang katuwang ng Manila Symphony Orchestra.
Kasabay ng mabilis at masining na pagtugtog ng mga kamay ni Del Rosario sa mga tiklado ay ang pagtanggap niya sa iba’t ibang parangal tulad na lamang ng Steinway Prize, Paul Thomas Prize sa Peabody Conservatory of Music, Concert Artists’ Guild Recital Award at ang Philippines Outstanding Artist Award.
Bukod sa kaniyang pagtugtog ng piyano, ibinahagi ni Del Rosario ang kaniyang galing sa musika sa pamamagitan ng pagtuturo sa Music Institute of Chicago sa loob ng mahigit apatnapung taon.
Iginawad sa kaniya ang National Foundation of the Arts’ Distinguished Teacher Award noong 1982 at 1986.
Noong 2010, pumanaw si Del Rosario matapos ang tatlong taong pakikipaglaban sa kanser. Jonelle V. Marcos
Tomasalitaan
Hayap (PNG)—pait, saklap
Hal.: Hindi maikukubli ni Jelina maging ng pinakamamahaling pulbos sa kaniyang mukha ang hayap na kaniyang nararamdaman.
Mga Sanggunian:
De Ramos, N. R. (2000). I Walked With 12 Rectors. Quezon City, Metro Manila, Philippines : A.G. Ablaza and C. de Ramos Ablaza.
Emilio del Rosario Music Foundation. Nakuha Nobyembre 14, 2013 mula sa http://www.edrfoundation.org/emiliodelrosario.html
Examiner.com. Nakuha Nobyembre 14, 2013 mula sa http://www.examiner.com/article/music-institute-of-chicago-commemorates-emilio-del-rosario
Gold Country Piano Institute. Nakuha Nobyembre 14, 2013 mula sa http://gcpi.classicaledge.com/ClassicalEdge/templates/custom/gcpi/emilio_del_rosario.htm
Janssen, Kim. Nakuha Nobyembre 14, 2013 mula sa http://www.suntimes.com/news/obituaries/2780796,CST-NWS-XDELROSARIO07.article
Ramirez, Margaret. Nakuha Nobyembre 14, 2013 mula sa http://articles.chicagotribune.com/2010-10-06/features/ct-met-del-rosario-obit-1007-20101006_1_piano-teacher-digital-piano-beethoven-piano-concerto