Taong 1619 sinimulan ng Unibersidad ang paggawad ng “beca” o libreng matrikula para sa mga matatalinong mag-aaral.
Noong panahong iyon, ang beca ay ibinibigay lamang sa mga mag-aaral na mula sa mga kagalang-galang at mayayamang angkan ng Kastila, dahilan kung bakit hinihingi noon ng UST ang katibayan ng “limpieza de sangre” o purity of blood sa mga mag-aaral bago sila pumasok sa Unibersidad.
Matapos ito, sumasailalim ang mga mag-aaral sa isang masuring pagsusulit na ang mga magkakamit ng pinakamataas na marka ang mga hihiranging “becarios” o mga iskolar ng Unibersidad.
Agosto ng nasabing taon, opisyal na inanunsiyo ang kauna-unahang mga becarios upang humarap sa rektor upang manumpa ng pagsunod sa kaniya at sa lahat ng alituntunin ng Unibersidad.
Ngunit hindi kalaunan ay nagbigay na rin ang Unibersidad ng libreng matrikula sa mga Pilipinong mag-aaral na magpapamalas ng talas ng pag-iisip.
Noong 1994, pormal na itinatag ang Ugnayang Tomasinong may Angking Kakayahan (UTAK) na kinabibilangan ng mga iskolar ng San Martin De Porres.
Makalipas ang tatlong taon, tinawag ang organisasyon bilang UST-Scholars Association (UST-SA) na naging UST Escolares.
Taong 2003 naman nang muling baguhin ang pangalan ng samahan na may kasalukuyang pagkakakilanlan na Becarios De Santo Tomas, na ang mga kabilang ay ang lahat ng mag-aaral sa ilalim ng iba’t ibang scholarship programs ng Unibersidad.
Samakatuwid, ang Becarios De Santo Tomas ay literal na nangangahulugang “Iskolars ng Santo Tomas.”
Tomasino siya
Alam n’yo bang may isang Tomasino na nangunang nagsulong sa pag-aangkat ng mga lokal na produkto ng Pilipinas sa ibang bansa?
Si Mina Gabor, nagtapos ng Bachelor of Science in Commerce Major in Accounting noong 1958, ay isang matagumpay na negosyante at tagapagsulong ng turismo sa bansa.
Kilala si Gabor bilang pangulo ng Center for International Trade Expositions and Missions, Inc. (CITEM) na nagsusulong ng pag-aangkat ng mga lokal na produkto sa ilalim ng Department of Trade and Industry ng bansa.
Sa pamamagitan ng CITEM, muling sumigla ang handicraft at wood industry ng bansa. Nakilala ang mga kakaiba at magagandang gawang Pilipino sa mundo kung kaya hindi kalaunan ay tinawag na “Milan of Asia” ang bansa.
Noong 1996 naman, itinalaga si Gabor bilang kalihim ng Department of Tourism sa administrasyong Ramos. Higit niyang ipinakita ang galing sa pamamagitan ng kaniyang mga proyekto na nagbunsod ng pagdagsa ng mahigit dalawang milyong turista sa bansa.
Ilan sa mga programang pinasimulan ni Gabor ay ang The Philippines Travel Mart, Christmas (Paskuhan) Village, Taal Heritage Village, Vigan Heritage Village, National Tourism Week, Malasag Eco-Village Cagayan, Kalakbay Awards, ang International Trade Center at Philippine Trade Training Center.
Sa kasalukuyan, Si Gabor ang tumatayong pangulo ng ASEAN Handicraft Promotion and Development Association (AHPADA) at Philippine Small and Medium Development Foundation (PHILSMED).
Tomasalitaan:
Dinampol (PD)—tinina; kinulayan ng pangulay na galing sa balat ng kamatsile
Hal.: Sampung yarda ng tela ang kaniyang dinampol bago pa man niya maramdaman ang labis na pagkahapo.
Mga Sanggunian:
Becarios de Santo Tomas. Nakuha Nobyembre 29, 2013 mula sa http://groups.yahoo.com/neo/groups/becarios_ust400/info
Mina Gabor Biography. Nakuha Nobyembre 29, 2013 mula sa http://www.minagabor.com/biography/