LIKAS sa mga Tomasino ang pagiging masayahin tuwing Pasko. Bukod sa mga makukulay na parol at ilaw na nakapaligid sa Unibersidad, hindi batid ng karamihan ang masasaya at makukulay na Christmas issues ng Varsitarian noong dekada 30.

Panahon ng Commonwealth nang maisipang gawing kulay berde ang tintang ginagamit sa Varsitarian tuwing sasapit ang Pasko. Mula sa kulay itim, berde ang kulay ng mga titik at mga larawan sa buong pahayagan.

Bukod sa mga mensaheng pamasko, mababasa rin ang mga nakakatuwang advertisement tulad ng Colgate Hair Wax at Chesterfield cigarettes. Nakasaad din sa pahayagan ang “Official Student Publication in English” kung saan nahahati ito sa News, Sports, Literary, Co-eds, Alumni, Features, Brigade, at Hospital.

Bukod sa nabibilang sa hiwalay na pahayagan ang mga manunulat ng Filipino at Espanyol, mapapansin ding magkasukat ang dating Varsitarian at ang kasalukuyan. Kabilang din sa espesyal na isyung ito ang litrato ng mga manunulat at patnugot sa kanilang “casual look.”

Naging tradisyon ito ng pahayagan hanggang dekada 40 at natigil lamang ang paglilimbag ng berdeng Varsitarian nang pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa pagtatapos ng giyera, muling nabuhay ang pahayagan bilang Varsitarian Magazine kung saan mas malayang nailahad ng mga manunulat ang kanilang malikhaing isipan at damdamin.

Sa ngayon, isa sa mga pinaka-inaabangang isyu ng Varsitarian ang December issue nito. Bukod sa makukulay na dibuho, makikita rin sa pahina nito ang mga larawang nakakaantig ng damdamin. Napalitan na rin ng caricatures ang litrato ng mga manunulat at patnugot. Mapapansin rin na bahagyang makapal at hitik ang nilalaman kumpara sa mga regular na isyu dahil sinadyang maging espesyal ito sa araw ng Kapaskuhan.

READ
CCWS releases 'Ustinig'

Isa sa mga naunang student organ ang Varsitarian sa paglilimbag ng colored pages. Lumipas man ang Pasko, mananatiling makulay at masaya ang bawat isyung ililimbag ng pahayagan para sa mga Tomasino.

Tomasalitaan: Kiyawkiyaw: (pangngalan) reklamo o daing na walang kapararakan

Halimbawa: Nabuwisit ang store manager ng fastfood dahil sa kiyawkiyaw ng isang costumer laban sa waiter

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.