Sadyang kapani-paniwala ang mga akusasyon ni Colonel Corpus kay Senator Lacson kung ating paniniwalaan na ang militar at pulisya sa Pilipinas ay malinis at walang bahid ng kung anumang kabalbalan.

Malaki ang partisipasyon ng media sa mga kasong katulad nito. Kung ating babalikan, ang pahayagang Inquirer ang naglathala at nagbunyag ng mga resulta ng mga paunang imbestigasyon ng grupong pinangungunahan ni Colonel Corpus. Sabi ng madla at ng mga kritiko, ang isiniwalat ni Corpus ay susog lamang at bahagyang nagpapatibay sa mga testimonya ni Mary “Rosebud” Chua at Angelo Mawanay.

Sabi nga ng kilalang publicist ni Hitler na si Joseph Goebbels, “Lies continued being told becomes the truth.” Kapansin-pansin din ang sitwasyon kinahaharap ngayon ni Col. Corpus, matapos ilabas ang mga resulta ng paunang imbestigasyon, tila yata siya ngayon ang nasa horno. Did he bite more than he could chew?

Samantala, habang patuloy ang circus sa senado at ang nakaka-panlumong batuhan ng putik ng mga taong kasangkot, ang media ay patuloy na nagpipiyesta sa bakbakan ng mga magkakaaway. Saan nga ba nakalugar ang media sa mga sitwasyong ito? Isang watchdog, na magsisilbing bantay ng lipunan sa mga katiwaliang patuloy na nangyayari at itinatago? O, isang attackdog, ang tagapag-gatong o taga-sulsol sa mga kontrobersya at kung minsan ay pasimuno ng mga usaping nauukol sa mga anomalyang kinasasangkutan ng isang kilalang tao o ahensya ng pamahalaan?

Kapansin-pansin ang bagong patalastas ng Mc Donalds tungkol sa Pahiyas sa Lukban, Quezon. Ipinapakita nito ang mga taong nagkakandarapang kumuha ng french fries na ginamit na pahiyas ng isang tahanan at kung ibabaling ang paningin sa may bandang kanan makikita ang katulad na logo ng Discovery Channel, isang pahiwatig ng pagsilip ng buong mundo sa kulturang Pilipino.

READ
UST Nursing namayagpag

Ipinapakita ng nasabing patalastas ang paraan ng pagdiriwang ng mga taga-Lukban ng pista ng kanilang pintakasi na si San Isidro Labrador, ang patron ng mga magsasaka. Maganda sana ang mensahe ng naturang patalastas—ang ipakitang ang Mc Donald’s ay umaayon sa kultura at kaugaliang Pilipino—ngunit kung susuriing mabuti, iyon ay isang malinaw na panghihimasok ng kulturang kanluranin sa kaibuturan ng kaugaliang Pilipino.

Kung uunawain ng mabuti ang mensaheng nais iparating ng patalastas, makikitang isinusulong nito ang kulturang global o ang pagkakaroon ng isang uniform culture o homogenous culture. Sa mga pagkakataong ganito, lalong higit na pumapaimbabaw ang kulturang kanluranin, ang sinasabing dominant culture, dahil na rin sa mga kadahilanang mas makapangyarihan ang ahensya at pasilidad ng kanilang kultura tulad ng mass media (halimbawa ang Hollywood). Dahil sa mga salik na hindi kayang pantayan ng mga kulturang katulad ng sa atin, patuloy na nasasapawan ang mga kulturang susceptible sa pagniniig ng mga kultura sa iisang pagkakakilanlan. Samakatuwid, biktima ang kultura at kaugaliang Pilipino, dahil ito ay nagamit bilang maskarang magtatago sa tunay na imahen ng Mc Donald’s—pagkaing gawa at ayon sa panlasa ng mga kanluranin; na kahit ano pang sabihin ni Ronald na patuloy nilang inaayon sa panlasang Pinoy ang kanilang timpla, ganoon pa rin ang kulturang iminumulat nito lalo na sa mga kabataang Pilipino.

Tatlong hati ng tinapay na nilagyan ng anis ang ibabaw, dalawang malalaking hati ng giniling na karne, lettuce, kamatis, pickles, mayonnaise, at ketchup. Ito ang mga sangkap sa paggawa ng Big Mac. Ang Big Mac na mula sa isang Mc Donald’s sa Indonesia ay walang pinag-iba ang lasa sa mga Big Mac na gawa naman sa Pilipinas, Tsina, o maging sa Pransya. Maaaring magkaka-iba sa presentasyon ang mga Big Mac, ngunit kung nanamnaming mabuti, ang mga nabanggit ay pawang magkakalasa lang naman. Paano nangyari ito, kung ang mga raw materials o kasangkapan ay mula Indonesia o Tsina mismo (i.e. Indonesian beef o Chinese lettuce) at talagang magkakaiba ang pinanggalingan, samakatuwid dapat magkakaiba rin ang lasa. Ito ba ang tinatawag na quality control o standard taste?

READ
Remember Dominic, Rector tells Thomasians

Sa huli, isa pa rin itong malinaw na usapin ng pulitika at ekonomiya. Hindi ko sinasabing hindi ako kumakain sa nabanggit na fastfood o hindi kaya ay titigilan ko na ang pagbili doon. Walang masama kung tayo ay tatangkilik ng mga tatak, pagkain, o mga bagay na hindi likas sa Pilipino, dahil ito ay nararapat lamang sa mga kadahilanang pang-ekonomiko marahil o dahil na rin ito ay turo ng ating sariling kultura—kulturang nananalaytay pagkatapos masakop ng iba’t ibang bansa, ang dalawa ay kanluraning bansa.

Tangkilikin ang sariling atin. At nawa’y patuloy nating isabuhay ang natatanging kulturang Pilipino.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.