BILANG pagsasaalang-alang sa kaligtasan ng mga Tomasino, isinulong ng Unibersidad ang pagkakaroon ng mga bus service para sa mga estudyante at nagtatrabaho rito.
Ang “UST Central Board of Students (CBS) Transportation” ay itinuturing na kauna-unahang transportasyong pampaaralan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa bansa.
Noong Setyembre 1947, pinangunahan ng CBS at mga estudyanteng kinakatawan ang kanilang mga kolehiyo ang pagsusulong ng pagkakaroon ng mga bus service.
Sa isang naging akda ng Varsitarian, sinabi ni Padre Jose Cuesta, O.P., dating tagapayo ng CBS, ang pagkakaroon ng bus service sa Unibersidad ay isa sa mga unang proyektong mismo ang mga estudyante ang nagmungkahi mula nang magbukas ang Unibersidad matapos ang digmaan, sa puntong maraming mga estudyanteng nagboluntaryo maging drayber at konduktor.
Aniya, pansamantalang uupa muna ang Unibersidad ng mga sasakyan sa isang bus company upang makita kung magiging epektibo ba ang naturang proyekto. Kung magiging matagumpay ang programa ay magkakaroon ng permanenteng kontrata ang UST sa naturang kumpanya o kaya naman maglalaan na lamang ng 50,000 na piso upang bumili ng mga sasakyan.
Ang mga ginamit na sasakyan ay may nakalagay na pangalan ng paaralan at may pinturang sumisimbolo sa mga kulay ng Unibersidad.
Upang makasakay sa mga bus, kinakailangan magkaroon muna ng ticket, na nagkakahalagang 10 sentimo, na maaaring makuha sa opisina ng CBS. Ang mga estudyante o mga empleyado ng Unibersidad na mayroon nito ay maaaring sumakay ng ilang beses sa bus, alinsunod sa itinakdang mga bus stop ng Unibersidad.
Magsisimulang bumiyahe ang mga naturang bus simula ng ika-6:30 ng umaga hanggang ika-siyam ng gabi. Ang mga bus ay muling iikot sa itinakdang ruta matapos ang isa’t kalahating oras.
Apat na ruta ang itinalaga ng Unibersidad: Plaza Lawton, Tayuman, Blumentritt, at Santa Mesa. Noong Oktubre ng naturang taon nang madagdag ang Vito Cruz sa mga ruta ng bus nang nakiusap ang mga estudyante na dagdagan ang mga ruta ng mga naturang sasakyang pampaaralan.
Tomasino siya
Alam n’yo ba na isang Tomasino ang kauna-unahang doktor sa Manual Therapy sa isa sa mga kilalang institusyon ng mga physical therapists sa Estados Unidos?
Si Joselito Sayson, nagtapos sa UST High School noong 1980 at B.S. in Physical Therapy sa College of Rehabilitation Sciences noong 1984, ay isang lisensyadong physical therapist sa Illinois at Texas na nagsasagawa ng saliksik ukol sa mga nararamdamang pananakit sa likurang bahagi ng katawan ng mga astronauts sa National Aerounatics and Space Administration.
Ngunit bago pa man mangibang-bansa, nagtrabaho muna siya bilang clinical instructor para sa Physical Therapy Internship Program sa UST Hospital at Cardinal Santos Memorial Hospital.
Noong 1986, nagtapos siya ng Masters in Orthopedic Manual Therapy sa Ola Grismby Institute Consortium sa California. Nagpatuloy si Sayson magpakadalubhasa sa naturang larangan hanggang noong 2002 kung kailan nagtapos siya bilang Doctor of Manual Therapy. Si Sayson ay nagtuturo rin sa parehas na institusyon na nakabase naman sa Salt Lake, Utah.
Siya ay naging fellow sa American Academy of Orthopedic Manual Physical Therapy at nagkaroon ng puwesto sa Lions Club International sa Texas. Elora Joselle F. Cangco
Tomasalitaan
Gahum (PNG) – pamumuno o paghahari; sapilitan ngunit hindi marahas na paggigiit at pagpapalawak ng kapangyarihan upang manghari
Hal.: Batid ng Supremo na ang kaniyang gahum ay pinagnanasaang makamtan at agawin ng ilang kasapi sa kilusan.
Mga Sanggunian:
The Varsitarian: Tomo XVIII, Blg. 11, Setyembre 10, 1947
The Varsitarian: Tomo XVIII, Blg. 13, Oktubre 10, 1947
The Varsitarian: Tomo XVIII, Blg. 14, Oktubre 25, 1947