MARAHIL ang pagbabalik ay hindi isang pagbabagong inaasam ngunit isang pagpapatuloy ng pilit na tinatakasang nakaraan.

Pinatunayan ni Anril Pineda Tiatco, propesor ng Theatre Arts sa University of the Philippines-Diliman, na hindi matatakasan ang mga lihim na pilit nang ibinaon ng nakalipas sa kaniyang librong Cuaresma: Isang Dulang Ganap Ang Haba (UST Publishing House, 2013).

Hango ang dula mula sa “Makamisa,” ang ikatlo ngunit hindi natapos na nobela ni Jose Rizal na tumatalakay sa korupsiyong kinasasangkutan ng mga prayle, kung saan tampok sa kuwento si Ysagani, isang tauhan na nauna nang nakita sa El Filibusterismo bagama’t nilinaw ng may akda na ang naturang karakter ay kaiba sa Ysagani ng kaniyang dula. Ito ay natagpuan noong 1987 ni Ambeth Ocampo, isang historyador, at hindi naglaon ay isinalin ito sa wikang Filipino mula sa wikang Kastila.

Ang Cuaresma ay binubuo ng dalawang yugto na may tigatlong eksena kung saan pumapainog sa mga pangyayari sa loob at labas ng simbahan ng Pili, isang maliit na bayan sa Timog Katagalugan kung saan ang mga karakter na isinilarawan ay sumasalamin sa mga naging kaugalian noon ng isang pamayanang Pilipino.

Nagbukas ang dula sa isang misang laan para sa araw ng “Besamanos” o paghalik sa kamay ng kura na pinasinayaan ng baguhang paring Pilipino na si Agaton. Lahat ay nais siyang makilala sapagkat ito ang unang pagkakataon na isang Pilipino ang nadestino sa kanilang parokya.

Habang nagmimisa, biglang nakita ni Agaton ang dati niyang kasintahang si Anday na may kalong-kalong na isang sanggol. Sa pagkagitla, nabitawan nito ang misal at dali-daling lumabas ng simbahan na naggbunsod ng usap-usapang nagdabog ang bagong kura.

READ
No to hero's burial for Marcos, says group of Catholic schools

Lingid sa kanilang kaalaman ang nagging nakaraan ng pari kay Anday. Naghiwalay sila dahil hindi sang-ayon ang mga magulang ni Anday sa relasyon nila kaya ipinakasal ang babae kay Tandang Clodio, isang matandang galisin. Nang sila ay muling magkita, bakas pa rin ang pagpapahalaga ni Agaton sa kaniya.

Isa pa sa mga tauhang dahilan upang maging kapanapanabik ang dula ay si Ysagani, isang dayuhang binata na ayon sa kuwento ay sangkot sa isang trahedya sa Maynila ilang taon na ang nakalilipas.

Bagaman base sa isang nobelang hindi natapos at matagal na panahon nang isinulat, nagawa pa rin ni Tiatco na pagtagpiin ang mga pangyayari.

Ipinakita na malaki na ang ginagampanan ng simbahan sa tagumpay ng isang pulitiko na masasaksihan sa katauhan ni Kapitan Panchong. Ipinakita sa dula kung gaano kahalaga para sa kabesa ang Besamanos para sa nalalapit niyang pagtakbo bilang gobernadorcillo kaya ganoon na lamang ang kagustuhan nitong makuha ang loob ni Padre Agaton sapagkat itinuturing niya itong isang malaking bentahe sa kaniyang kandidatura. Makailang beses niyang pinadalhan ng mga handog ang kura kagaya ng latagan at pera.

Ang ideya ng political dynasty ay naipakita rin sa bahagi ng dula nang nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng mga anak na magkakatunggali sa pagka-gobernadorcillo.

Mahihinuha rin sa galit ng asawa ng kabesa na si Kapitana Barang kay Anday na dating nanilbihan sa kanilang pamilya ang diskriminasyong dulot ng hindi pantay na antas ng pamumuhay.

Si Tandang Clodio ay isa naman sa mga tauhang naging mitsa sa pagkakabunyag ng mga lihim ni Padre Agaton matapos itong mangumpisal sa pari. Dito napagtanto ni Agaton na ang matandang kausap ay ang dating katiwala ng kaniyang amang si Clodualdo del Mundo. Ikinumpisal nito na patuloy siyang minumulto ng mga nagawa niya noong kasalanan kabilang na ang pagiging tulay niya sa hiwalayan ng kura at ni Anday. Ang rebelasyon ay ikinagitla lalo nang sabihin nito na nagbunga ang pag-iibigan nila ni Anday. Ninais man ng kura na malaman pang lubos ang tungkol sa kaniyang anak, hindi siya pinagbigyan ng matanda at sinabing makikita lamang niya ito kung magtutungo siya sa isang sikretong kapulungan sa Balintawak.

READ
Archi axes one-third of sophomores

Bagaman base sa nobela ni Rizal, kaiba ang pagbibigay karakter ni Tiatco sa mga tauhang bumubuo sa dula. Iilan sa mga orihinal na tauhan ng pinagbasehang nobela ang ginamit ng may akda sa dula kagaya nina Padre Agaton at Anday. Kaiba sa pagpapakilala kay Padre Agaton sa Makamisa bilang isang masiyahing kura na sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang nagpamalas ng galit, binigyang karakter siya sa dula bilang isang kurang madaling lapitan, patunay nito ang maayos na ugnayan niya sa mga nasasakupan ng parokya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.