Kuha ni Nazzi M. Castro

7 Agosto 2014, 4:35 p.m. – BINIGYANG diin ni P. Gerard Francisco Timoner III, O.P., prior provincial ng Dominican Province of the Philippines, ang tungkulin ng bawat Tomasino na maging mamamahayag ng Magandang Balita.

Sa kanyang homiliya sa Parokya ng Santisimo Rosario kaninang umaga, sinabi ni Timoner na dapat tularan ng mga Kristiyano si Santo Domingo sa pangangaral nito ng katotohanan.

“As the preacher of truth, St. Dominic took part in preaching God’s word,” aniya. “Jesus tells us to take part in the preaching of the Word.”

Ayon kay Timoner, ang pagkakaroon ng matatag na pananampalataya, tulad ng kay Santo Domingo, ang tutulong sa bawat tao na maipahayag ang ilaw ng salita ng Diyos.

“Faith is the light that hampers all darkness. We are the light and salt of the world that shares the brightness of Christ,” aniya.

Si Santo Domingo de Guzman ang nagtatag ng “Order of Preachers,” ang pandaigdigang orden ng mga Dominiko.

Isinilang ang tagapagtatag ng Orden sa Caleruega, Espanya. Nagtapos si Santo Domingo sa Unibersidad ng Palencia, at hindi lumaon ay naging pari sa Katedral ng Osma.

Noong 1203 ay isinama siya ng obispo ng Osma sa isang misyong diplomatiko.

Sa bahaging timog ng Pransya ay nakita niya ang masamang epekto ng heresiyang ikinakalat ng sektang Albigenses—na nagturo na ang pisikal na mundo ay ubod ng sama at dahil dito’y si Kristo ay ‘di nagkaroon ng katawang tao.

Upang labanan ang mga maling aral, itinatag niya ang Orden na binubuo ng mga paring tagapangaral, madre, at laiko. Ikinalat niya ang kanyang mga tagapangaral sa buong Europa simula 1217.

READ
Deceased second Filipino rector of UST, "a true steward of Christ"

Sa kaniyang pangangaral, nakita niyang mas epektibo ang ehemplo ng karukhaan kaysa buhay-karangyaan na ipinakita ng ibang mga kleriko noong kaniyang kapanahunan. Naglakad siyang nakapaa upang mangaral sa mga bayan at masiglang nakipag-debate sa mga kalaban. Sinasabing nakapagpagaling siya ng mga maysakit at bumuhay ng mga patay.

Dalawang beses niyang tinanggihan ang alok na maging obispo. Naging kaibigan niya si San Francisco de Asisi, tagapagtatag ng Order of Friars Minor o mga Pransiskano.

Namatay si Santo Domingo noong Agosto 6, 1221, sa Bologna, Italya. Siya rin ang itinuturing na patron ng mga dalubhasa sa astronomiya, agham at mga Dominiko.

Siya ay hinirang na santo ni Pope Gregory IX noong 1234. M. D. L. Macalino

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.