30 Agosto 2014, 8:29 p.m. – OPISYAL na nailipat sa solong pangangasiwa ng mga Filipinong Dominiko ang Unibersidad mula sa pinuno ng orden sa Roma, ayon sa anunsyo ng Secretary General sa misa ng kapistahan ni Santo Domingo de Guzman noong ika-7 ng Agosto.
Ipinahayag ni P. Winston Cabading, O.P. na nakatanggap ang UST ng opisyal na sulat mula sa Congregation for Catholic Education of the Holy See, na may petsang ika-31 ng Mayo, na nagsasaad ng “Decree of Approval” ng iwinastong General Statues ng Unibersidad.
“The Revised General Statutes now reflect the fulfillment of the wishes on the transfer of the University of Santo Tomas [in] Manila to the jurisdiction of the Dominican Province of the Philippines (DPP),” ani Cabading.
Mananatiling chancellor ng Unibersidad si P. Bruno Cadore, O.P., pinuno ng Dominican Order sa buong mundo, na magsisilbing tagapagugnay ng UST sa Vatican at magsisiguro ng Katolikong pagkakakilanlan at Dominikong misyon nito.
Si P. Gerard Francisco Timoner III, O.P., prior provincial ng DPP, ay mananatili naman bilang vice chancellor ng UST. Kabilang sa kanyang magiging mga bagong tungkulin ang pagtatalaga ng mga administrador mula sa Master of the Order of Preachers at pangangangasiwa ng budget ng Unibersidad.
Nagsimula ang proseso ng paglilipat ng hurisdiksyon ng UST sa mga Filipinong Dominiko noong 1995.
Noong 2010, inatasan ng General Chapter of Order of Preachers sa Roma si Cadore na bumuo ng komisyong magsisiguro sa paglilipat ng hurisdiksyon ng UST sa taong 2013.
Bago ang pagsasalin ng hurisdiksyon sa UST, naabot ng mga Filipinong Dominikano ang tugatog ng pagsasalin ng pamamahala sa Unibersidad nang maitalaga bilang unang Filipinong rektor si P. Leonardo Legaspi, O.P. noong Oktubre 1971.
Humiwalay ang mga Filipinong Dominiko sa Holy Rosary Province ng mga Espanyol at itinatag ang DPP noong Disyembre 1971. Ipinasailalim ang UST sa Holy Rosary Province at sa DPP.
Sinundan si Legaspi ng anim na Filipinong rektor kabilang sina P. Frederik Fermin, O.P., P. Norberto Castillo, O.P., P. Rolando de la Rosa, O.P., P. Tamerlane Lana, O.P., P. Ernesto Arceo, O.P., at ang kasalukuyang Rektor na si P. Herminio Dagohoy, O.P. J. P. Villanueva