ANO BA ang UST Antonio V. del Rosario Heritage Library?

Sa UST Antonio V. del Rosario Heritage Library pinangangalagaan ang mga aklat at babasahing mas matanda pa o kasingtanda ng Unibersidad, lalo iyong may malaki at mahalagang ambag sa kasaysayan ng bansang Filipinas at pati na rin sa UST.

Ngunit alam ba ninyong nagsimula ito bilang book binding at repair section ng aklatan ng Unibersidad?

Bago buksan ang book binding at repair section, sumadya pa ang mga tauhan ng aklatan sa mga book binders sa labas ng Unibersidad, na siya namang nagdulot ng malaking gastos. Dahil dito, naisipan ng Unibersidad na magbukas ng sariling book binding section sa aklatan nito.

Nang magbukas ang book binding at repair section, naging mas madali na para sa mga mag-aaral at mga guro ang magpaayos ng mga nasirang libro o anumang babasahin.

Noong Setyembre 1947, higit na dumami ang mga mag-aaral na lumagi sa aklatan upang dayuhin ang book binding at repair section para ipaayos ang mga sirang aklat, magasin o alinmang babasahin na niluma na ng panahon.

Si C.A. Fernandez, dating tagapangulo ng aklatan, ang nasa likod ng ideya ng pagbubukas ng isang book binding at repair section para sa Unibersidad. Siya rin ang nakaisip na maglako ang silid-aklatan ng isang bookcraft box at book presser para sa mga mag-aaral na gustong matuto kung paano ayusin ang sarili nilang mga aklat.

Ang kauna-unahang aklat na naisaayos ng nasabing seksyon ay ang “A Dominican Mission” na isinulat ng mga misyonaryong Dominiko noong 1953.

Ipinangalan naman kay Antonio Vivencio del Rosario ang seksiyong ito. Si del Rosario ay natatanging Tomasino at tumayong secretary general ng Unibersidad mula 1854 hanggang 1866. Siya ay lolo ng dating embahador ng Filipinas sa Canada, Germany at Japan na si Ramon Del Rosario.

READ
Her weight in gold

Noong ika-27 ng Enero 2006, pinasiyaan ang Heritage Library nina P. Tamerlane Lana, O.P., na noo’y rektor ng Unibersidad at P. Angel Aparicio, O.P., prefect of libraries.

Tomasino Siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang isa sa mga nangunguna sa larangan ng kimika sa bansa?

Si Trinidad Palad-Trinidad, nagtapos ng BS Chemistry noong 1970 sa Unibersidad, ay kasalukuyang humahawak ng titulong Scientist II (career scientist) sa Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ng Department of Science and Technology (DOST) mula pa noong 2002.

Siya ang nangasiwa sa mga mahahalagang pag-aaral na may kinalaman sa absorption of calcium in the human colon at ng functional carbohydrates dito sa bansa. Isa siya sa mga dalub-agham na nagpasimula ng pag-aaral tungkol sa iron absorption na galing sa mga pagkaing Filipino o regional meals ng bansa. Kabilang rin siya sa mga dalub-agham na sumulat ng pag-aaral na pinamagatang “The effect of different iron fortificants on iron absorption from iron-fortified rice” na nailathala noong 2002.

Dagdag pa rito, kasama siya sa mga sumulat ng pag-aaral na saklaw ng Human and Clinical Nutrition tungkol sa sobrang timbang at labis na katabaan ng mga Asyanong kabataan, na nailimbag noong 2011 sa British Journal of Nutrition.

Aktibo siya sa mga proyekto ng pamahalaan tungkol sa pagkain at kalusugan. Kabilang sa mga proyektong kanyang nahawakan ay ang “The Technical Working Group on Functional Foods,” “The Technical Review Committee for the Clinical Practice Guidelines on Prevention,” “Diagnosis and Management of Osteoporosis in the Philippines,” at “The Body Composition Studies.”

Mula 2004 hanggang 2006, nagsilbi siyang nutrition scientist sa International Atomic Energy Agency (IAEA), isang ahensya ng United Nations sa Vienna, Austria na naglalayong magtaguyod na ligtas at mapayapang syensiya at teknolohiyang may kinalaman sa enerhiyang nuclear.

READ
Towering above Malaysia's cityscapes

Ang kanyang laboratoryo ang nagsilbing sentro ng IAEA para sa Regional On-the-Job Training on the In Vitro Mineral Availability from Foods and Meals in Asia and the Pacific bilang bahagi ng IAEA RAS 7010 Project on The Effectiveness of Iron Supplement in Asia and the Pacific kasama ang mga bansang China, Malaysia, Pakistan, Thailand, Vietnam, at Indonesia.

Pinarangalan siyang Professional of the Year Award in the field of Chemistry ng Professional Regulation Commission (PRC) noong 2007. Nabigyan na rin siya ng Award of Recognition ng FNRI-DOST.

Sa kabila ng mga ito, hindi pa rin nalilimutan ni Trinidad ang pagpapanatili ng kanyang

pagkakakilanlan bilang isang Tomasino sa pamamagitan ng kaniyang pagsusumikap at patuloy na paninilbihan sa bansa sa kabila ng maraming benepisyong maaari niyang makuha sa ibang panig ng mundo. Kimberly Joy V. Naparan

Tomasalitaan

Lútoy (PNG) – sugat na dulot ng apoy.

Hal.: Agad itinakbo sa ospital sila Mako at Em matapos silang magtamo ng lutoy sa kanilang katawan at mukha mula sa biglaang pagsiklab ng siga.

Mga Sanggunian

The Varisitarian Tomo XVII, Blg. 12, Setyembre 25, 1947.

News in Print, Miguel de Benavides Library, Isyu Blg. 51, Marso 2006.

Ambassador Ramon Del Rosaio Sr. Nakuha mula sa http://www.philstar.com/business/402954/ambassador-ramon-del-rosario-sr

Ambassador Ramon Del Rosaio Sr. Nakuha mula sa http://www.gmanetwork.com/news/story/118987/economy/phinma-founder-ramon-v-del-rosario-90

2008 TOTAL Awards 2014 Souvenir Program.

Trinidad Palad-Trinidad. (The effect of different iron fortificants on iron absorption from iron-fortifies rice). Nakuha mula sa http://www.pubfacts.com/author/Trinidad+Palad+Trinidad.

Trinidad Palad-Trinidad. (Ethnic differences in the relationship between body mass index and percentage body fat among Asian children from different backgrounds). Nakuha mula sa http://journals.cambridge.org/action/displayAbstract?fromPage=online&aid=8415158&fileId=S0007114511001681.

READ
Education to adopt English campaign

Trinidad Palad-Trinidad. Nakuma mula sa http://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/12362796.

International Atomic Energy Agency. Nakuha mula sa http://www.iaea.org/About/about-iaea.html.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.