NAKABABAGABAG ang maagang panunuyo at panliligaw ng mga pulitiko lalo na tuwing papalapit ang eleksyon.
Hindi na ito katakataka sapagkat palaging kabilang ang Filipinas sa listahan ng Forbes magazine at Corruption Perceptions Index ng mga bansang may pinakatalamak na korapsyon at katiwalian sa Asya maging sa buong mundo.
Tubong probinsya, hindi na bago sa akin ang buong taon na pagpaparamdam ng mga pulitiko. Hindi na bago ang makakita ng mga nagkalat na mukha ng mga pulitiko sa aming lugar—sa mga telon ng maliliit na tindahan, tapalodo ng tricycle, arko ng bawat baranggay, bayong na pamalengke, pugad ng mga bibe, itik at manok at maging sa kuwadra ng mga baboy, baka, at kalabaw.
Kadalasan, iisa lang ang hitsura ng litrato para masabing “nagtipid” sa pagpapakuha sa studio ang pulitiko, nag-iiba lang ng kulay at disenyo ng tarapal depende sa okasyon. Mayroong “Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon,” “Maligayang Araw ng Pagtatapos,” “Maligayang Araw ng mga Puso,” “Maligayang Buwan ng Kalusugan,” “Maligayang Pagdiriwang ng Buwan ng Wika,” “Maligayang Araw ng mga Ina, Ama, Lolo at Lola, Guro,” at marami pang iba—basta ang mahalaga, lahat “maligaya.”
Noong una, inakala ko na sa probinsya lang uso ang ganitong uri ng pagpaparamdam at panunuyo ng mga pulitiko sa mga botante sapagkat sa mga probinsya maraming mabibiktima.
Madalang sa aming lugar ang nakatutungtong ng kolehiyo, at karamihan sa mga botante sa aming lugar ay pulos elementarya lamang ang natapos o ‘di kaya nama’y hindi man lamang nakapag-aral. Sila ang kadalasang gusto ng mga pulitiko, iyong mga madaling kumbinsihin at higit sa lahat, mababa ang presyo.
Ngunit nang mag-aral ako rito sa siyudad, napagtanto ko na sikat din pala sa lungsod ang buong taong panliligaw ng mga pulitiko.
Nitong nakaraang Araw ng mga Puso, talaga namang maigi ang pagpapakita at pagpaparamdam ng mga pulitiko ng kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng mga naglalakihang tarapal na nagpapahayag ng kanilang pakikipagdiwang, kabikabilang kasalang bayan, mga rosas, tsokolate at lahat na ng bagay na maaaring ipamigay.
Gayunpaman, sa halip na tunay na “makapagpaligaya” at makapagbigay tulong, nakaiinsulto lamang ang mga ganitong uri ng panliligaw ng mga pulitiko. Isa itong paraan ng paggisa nila sa sariling mantika ng mga tao. Pinalalabas nilang kawanggawa ang pamamahagi ng mga tulong gamit ang pondong laan naman talaga para sa taumbayan. Ngunit ang higit na nakaiinis, maraming napapasagot ng “oo” sa pamamagitan nito.
Kung tutuusin, hindi ko rin masisisi ang mga taong nadadala at nabibihag sa matatamis na pagbati at “pagmamahal” ng mga pulitiko lalo na tuwing eleksyon.
Sapagkat para sa mga taong wala, sa mga tila pinagsakluban na ng langit at lupa, sa mga tinatakasan na ng pag-asa, malaking bagay na ang “tulong” at “malasakit” ng pulitikong nakadikit ang larawan sa kalahating kilo ng laon na bigas at de lata. Maaari nang gawing dingding at bubong ang mga naglalakihang tarapal, presko sa pakiramdam suotin ang 100% cotton na t-shirt tuwing eleksyon at hindi rin naman nakasasagabal sa pag-aaral kahit gaano pa kalaki ang mukha at pangalan sa mga donasyong bag sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.
Nakalulungkot isipin na sa ganitong paraan kinukuha ng mga tiwaling pulitiko ang tiwala ng taumbayan.
Imbis na tumulong, madalas samantalahin ng mga pulitiko ang kahinaan, kahirapan at kawalan ng pinag-aralan ng mga mamamayan.
Nawa’y kung gaano kaaga ang panliligaw at panunuyo ng mga pulitiko sa tao tuwing eleksyon ay ganoon din sila sa oras ng pangangailangan. Hindi iyong marunong lang silang bumati tuwing oras ng kapistahan at kaligayahan.
‘Di kalaunan, mapagtatanto ng mga tao na nakaiinsulto ang mga nakadikit na mukhang todo ang ngiti sa bigas at de latang tulong gayong nawalan na sila ang kabuhayan at tirahan. Isang kabalintunaan ang pagngiti bilang pakikiramay sa harap ng isang taong namatayan.