HIGIT PA sa tinatamasang mga benepisyo mula sa UST alumni card ngayon ang nalasap ng mga nagsipagtapos sa Unibersidad noon.

Taong 1898, binuksan sa mga alumno na mga doktorado at mga lisensyadong propesyunal ng Unibersidad ang Claustro Universitario o University Cloister, ang pinakamataas na lupong nangangasiwa sa Unibersidad.

Binubuo ito ng rektor mga Dominikanong propesor, mga lektore, mga pari, rehente at punong estudyante. Itinatag ang claustro noong 1649, apat na taon makalipas maiangat ng gobyerno ng Espanya sa antas na Unibersidad ang Colegio de Santo Tomas. Isa lamang ito sa maraming bagay na itinatag alinsunod sa mga Kastilang unibersidad sa Mehiko at Espanya.

Bilang bahagi ng lupon, binibigyan ang alumno ng kapangyarihang administratibo tulad ng pagsuri at pagboto sa mga isyu ng Unibersidad gayon din ang kakayahang kilatisin ang kapangyarihan ng Rektor at mga Dominikanong propesor na maaaring umaabuso sa kanilang posisyon.

Liban sa pagiging isang lisensyadong propesyunal, ang pagkakaroon ng bukal na kalooban sa kagustuhang payabungin ang Unibersidad ang kailangan upang matanggap sa claustro. Mahigit 937 miyembro nito ang naitala noong 1920; 665 mula rito ay mga doktor habang 163 naman ay mga abogado.

Ilan sa mga isyu na pinagdiskursuhan ng claustro ay ang pagbibigay ng tip o propinas, pagpapataw ng multa sa paglabag sa mga alintutunin ng Unibersidad at pagbaba ng limpieza sa henerasyon ng magulang mula sa ikaapat na henerasyon ng mag-aaral.

Tomasino siya

Alam niyo ba na bukod sa pagiging bantog na parmasista, kilala rin ang Tomasino bilang mahusay na pinuno?

Nahubog ang kakayahan ni Ma. Lourdes Sindico-Garganera na mamuno habang nag-aaral pa lamang siya sa Unibersidad. Nagsilbi siya bilang pangulo ng konseho ng UST Faculty of Pharmacy at naging kasapi siya ng Federation of Junior Chapters of the Philippine Pharmaceutical Association.

READ
UST maintains spot in QS world rankings

Nagtapos ng kursong Pharmacy noong 1987, pinarangalan siya ng Manuel L. Quezon Leadership Award sa parehas na taon.

Dagdag pa rito hindi natigil sa loob ng Unibersidad ang kagustuhang mamuno ni Garganera at pinangunahan niya ang ilang mga programa katulad ng misyong medikal na “Bayanihan Pagamutan” ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines at outreach program ng Philippine Medical Associations sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy noong 2009.

Taong 2007 naman, pinangaralan siya ng Leadership Award ng Philippine Association of Pharmacists kung saan nakapagsilbi na siya bilang presidente, bise-presidente, public relations officer at direktor.

Sa likod ng mga parangal na natanggap ni Garganera, hindi siya nakalimot sa Unibersidad at muli itong pinagsilbihan. Naging bahagi siya ng programa para sa mga kapus-palad ng Barangay Imelda Tawid sa Caloocan ng UST Faculty of Pharmacy Alumni Association and Scholarship Foundation mula 2009 hanggang 2011. Naging presidente rin siya ng nasabing asosasyon.

Kasalukuyang nagsisilbi si Garganera bilang bise-presidente ng United Laboratories (Unilab). Limang beses na siyang ginawaran ng Unilab ng Outstanding Performer na parangal kung kaya’t noong 2012 ay napabilang na siya sa Hall of Fame.

Tomasalitaan

Nakatipak (PND)—sinuwerte; biglang nanalo ng malaking halaga

Hal.: Daig ko pa ang nakatipak sa lotto Nang pakasalan ako ni Nicole.

Mga Sanggunian:

Villarroel, Fidel (2002). A History of the University of Santo Tomas: Four Centuries of Higher Education In the Philippines, 1611-2011 (Vol. II) Manila: UST Publishing House.

TOTAL Awards 2014 Souvenir Program

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.