NOON pa man, hinihimok na ng Simbahan at ng Unibersidad ang mga Katolikong manunulat na panatilihin ang kagandahan ng kulturang pampanitikan.

Taong 1959 nang maglabas ang Varsitarian ng isang lathalaing tumatalakay sa “Catholic Writing” sa bansa.

Sa artikulong isinulat ni Gregorio Brillantes, isang Palanca Award Hall of Famer at isang batikang manunulat sa katha, binigyang-diin ang tungkulin ng mga Katolikong paaralan sa paggabay sa mga kabataang manunulat.

Ayon kay Brillantes, inaasahang mayroong natatanging pagpapahalaga sa sagradong pananaw ang isang Katolikong manunulat dahil malaking dagok sa mga manunulat ng modernong panahon ang mga makabagong ideolohiya tulad ng sekularisasiyon.

Kung sino pa raw ang mga produkto ng mga Katolikong paaralan, sila pa ang nagiging biktima ng mga baluktot na paniniwala.

Marupok din aniya ang mga kabataang manunulat sa bugso ng kanilang damdamin kung kaya’t naaapektuhan ang kalidad ng kanilang mga akda. Bunsod daw ito ng kawalan ng espirituwal at metapisikal na pundasiyon ng isang Katoliko.

Ilan lamang ang mga akda ng historyador at peryodistang si Nick Joaquin na “Guardia de Honor” at “The Legend of the Dying Woman” sa mga kathang nabanggit sa lathalain na nararapat maging batayan ng tamang paraan ng Katolikong pagsulat. Isa rin si Bienvenido Santos, isang premyadong nobelista, sa mga Katolikong manunulat na nakapaglimbag ng mahuhusay na akda.

Ani Brillantes, bilang mga kabataan ng isang Kristiyanong bayan, dapat maging bihasa ang mga Katolikong manunulat hindi lamang sa mga akda ng mga tanyag na banyagang manunulat tulad nina Faulkner at Malraux. Dapat din nilang kilalanin ang mga Katolikong sina Claudel, Graham Greene, Sigrid Undset at Santo Tomas de Aquino.

READ
Pharma dean mulls five-year curriculum

“A Catholic writer, to be effective, must also be a thinker,” ayon kay Brillantes, na mariing pinabulaanang puro misteryo at kababalaghan ang itinuturo ng Simbahan.

Pangunahing tungkulin din aniya ng isang Katolikong manunulat ang ipahayag ang mga turo ng Simbahan sa pamamagitan ng panitikan.

Dagdag pa niya, hindi nililimitahan ng relihiyon ang “pagka-sining” ng isang akda. Sa katunayan, sinasalamin nito ang sanlibutan at pinagtitibay ang humanismo.

Nakalulumbay isipin ani Brillantes na maraming magagaling na manunulat ang tumitigil sa pagsulat bunsod ng kawalan ng sapat na suporta mula sa mga kinauukulan kaya iminungkahi niya ang pagbibigay ng Unibersidad ng kaukulang benepisyo tulad ng scholarships, subsidies o travel grants.

Isang sagradong uri ng panitikan ang Katolikong panitikan. Binubuo ito ng mga simbolong kumakatawan sa mga katotohanang tanging pananampalataya lamang ang makapagpapaliwanag.

Kaugnay nito, ang mga tema ng Katolikong pagsulat ay umiikot sa kabutihan at kasamaan, biyaya’t kasalanan, buhay na walang hanggan at pagdurusa sa impiyerno, at marami pang iba.

Datapwat isang Kristiyanong bansa ang Filipinas, aminado si Brillantes na mahirap makamtan ang mahusay na Katolikong panitikan at epektibong Katolikong pagsulat kaya nangangailangan pa ang mga manunulat ang matimtimang pagsasanay at mahabang panahon.

Patuloy na pinupunan ng Simbahang Katolika ang mga pahina ng ating kasaysayan. Batid ni Brillantes na marami pa itong pagsubok na susuungin. Aniya, ito ang dapat pangalagaan at ipaglaban ng mga kabataang manunulat.

Tomasino siya

Tampok ang natatanging talento ng isang arkitektong Tomasino sa iba’t ibang proyektong panlungsod tulad ng Tourism Master Plan of Metro Manila at Urban Renewal Tourism Master Plan for the City of Manila, na kapuwa inilatag upang masolusyunan ang iba’t ibang suliranin at maibalik ang kagandahan ng mga lansangan ng Kamaynilaan.

READ
51st International Eucharistic Congress an 'eye opener' amid conflict, religious persecution

Taglay ang kaniyang mga karanasan mula sa Canada, Estados Unidos at Filipinas, magiliw na nagsisilbi sa iba’t ibang lungsod ang arkitektong si Jose Ramon Carunungan upang pagbutihin ang disenyo ng mga komunidad at palakasin ang turismo sa mga ito.

Taong 1984 nang magtapos ng BS Architecture sa UST si Carunungan bago siya kumuha ng Civil Engineering sa California. Ilang taon ang kaniyang ginugol sa Amerika bago siya bumalik sa bansa noong 2002 upang kumuha ng panibagong degree sa Urban Planning sa Unibersidad ng Pilpinas.

May espesyalisasiyon siya sa larangan ng planning, architectural design at project management. Ilan lamang ang City of Valenzuela Government Center, Azure Residential Resort at Jaro Estates sa mga proyektong pinaglaanan niya ng panahon.

Katuwang ang kaniyang maybahay, isa ring arkitekto, nagtayo si Carunungan ng isang architectural firm na kinabibilangan ng mga premyadong arkitekto, interior designer at urban planner sa Filipinas.

Sa kasalukuyan, nakapagdisenyo na sila ng mahigit-kumulang 100,000 ektaryang lupain kabilang na ang ilang nasa labas ng bansa.

Layunin ni Carunungan at ng kaniyang mga kasamahan ang pagandahin at isaayos ang urbanidad sa loob at labas ng bansa habang pinangangalagaan ang kalikasan.

“Good work becomes a legacy,” ayon sa website ng kaniyang architectural firm. “Lead by example, be sensitive to the needs of the client [and] be a solution-finder.” Bernadette A. Pamintuan

Tomasalitaan

Halop (PNG)—sa sinaunang lipunang Bisaya, tubog sa ginto na takip sa ngipin

Hal.: Naaalala ko pa ang sinaunang kuwentong-bayan tungkol sa mahiwagang halop na kumikinang sa bibig ng isang matandang lalaki.

Mga Sanggunian:

The Varsitarian: Tomo XXX Blg. 12, Enero 1959

READ
AB Student Council opposes hair regulation

2014 TOTAL Awards Souvenir Program.

Jose Ramon P. Carunungan. Nakuha mula sa carunungan-partners.com/

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.