19 Pebrero 2016, 8:00 am  – ANG PAGLINGON sa kultura ng pagbabasa ng mga karatig-bansa sa
Asya ang dapat magsilbing unang hakbang tungo sa muling pagkabuhay ng panitikan
sa Filipinas.

Ito ang mungkahi ng propesor na si Ramon Guillermo sa Youth
Cultural Forum noong ika-15 ng Pebrero sa University of the
Philippines-Diliman.

Ayon sa propesor sa Department of Filipino and Philippine
Literature ng unibersidad, dapat matutong tumangkilik at lumikha ng panitikan
ang mga Filipino upang tuluyang maipasa at hindi mamatay ang mga kaisipan ng
bansa.

“Tingnan natin ang Timog-Silangang Asya,” aniya. “Ang mga
bansang nagbabasa ay [sila ring] mga bansang nagkakaroon ng lakas ng
pag-iisip.”

Ipinakita ni Guillermo ang datos mula sa National Book
Development Board na nag-ulat na isa ang mga Filipino sa mga lahi sa Asya na
mayroong pinakakaunting binabasang teksto — tinatayang limang aklat lamang
kada taon. 

Nanguna sa listahan ang mga taga-Vietnam na nakababasa ng 60
aklat kada taon. Sumunod naman ang mga Hapon na may 50 aklat, mga Singaporean
na may 45 at mga Malay na may 40.

“Kulang tayo sa pagbabasa,” puna ng Guillermo. “Ayon sa
pag-aaral, ang tatlo sa pinakabinabasa ng mga Filipino ay ang Bibliya, cook
books at mga romance pocket books.”

Aniya, mataas ang literacy rate sa panahong pre-colonial at
maraming may kakayahang magsulat at magbasa. “Matindi ang literacy rate noong
pre-colonial subalit noong naiwaksi ang katutubong tradisiyon ng pagsusulat,
naiwaksi rin ang literacy,” ani Guillermo.

Dagdag pa niya, naitala ng iskolar at manlalayag na si Antonio
Pigafetta na napakahilig sumulat at bumasa ng mga katutubo sa ating kapuluan.

Samantala, sinasabing malaki rin ang epekto sa pagkatuto ng mga
Filipino ang kakulangan ng bansa sa mga larangan ng industriyalisasiyon at
agrikultura.

Ito ang hinihinalang isa sa mga dahilan kung bakit mas kaunti
ang mga naililimbag na siyentipikong pananaliksik sa Filipinas kung ikukumpara
sa Thailand at Malaysia.

May tema ang malayang
talakayan na, “Locating the Filipino: Advancing Philippine Culture in the
ASEAN.” Bahagi ito ng pagdiriwang ng Buwan ng UP Diliman ngayong Pebrero. Bernadette
A. Pamintuan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.