BAGUIO—Mababang pagtingin sa wikang Filipino kumpara sa Ingles ang pangunahing suliranin sa intelektuwalisasiyon ng ating sariling wika.
Ayon kay Ma. Cristina Padolina, propesor sa Centro Escolar University, mas pinahahalagahan ng karamihan ang katatasan sa wikang Ingles sapagkat, sa tingin nila, Ingles ang mas kailangan at ito ang malawakang merkado.
“Marami sa atin ay may pananaw na kailangan natin ng Ingles at Ingles lamang ang makapagdadala sa atin sa globalisasiyon… at ang competitiveness natin [ay] nakasalalay sa mahusay na paggamit ng Ingles,” aniya sa Pambansang Kongreso sa Intelektuwalisasiyon ng Wikang Filipino na idinaos sa Teachers’ Camp sa Baguio.
Sinang-ayunan ito ni Angelika Jabines, kinatawan ng Bureau of Elementary Education.
“Maraming magulang ang nangangamba na mapag-iiwanan ang kanilang anak pagdating sa wikang Ingles kung uunahin ang pagtuturo ng wikang Filipino,” pagpuna niya. “Ilan sa mga dahilan ng mga magulang sa pagpapaaral sa kanilang anak ay upang matuto ang anak ng wikang Ingles nang sa gayo’y makapangibambansa ito,” ani Jabines, 14 taon nang guro sa unang baitang sa elementarya na nagtuturo ng agham sa wikang Filipino.
Intelektuwal na wika
Ang Pambansang Kongreso sa Intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino ay tatlong araw na pagpupulong ng mga dalubguro, guro at ibang kasapi ng sektor ng edukasiyon. Ang wasto at matalinong paggamit ng Filipino sa iba’t ibang aspekto at larang ng lipunan ang intelektuwalisasiyon ng ating wika. Ito ang ikalawang Pambansang Kongresong isinagawa ng Komisyon ng Wikang Filipino.
Para kay Mafel Ysrael, propesor sa UST Faculty of Pharmacy, nagugulumihanan ang kapuwa guro at mag-aaral pagdating sa pagsasalin ng mga teknikal na salita sa larang ng agham at siyensiya.
“Hindi sila sanay na marinig ang mga tesis na nakasalin sa Filipino dahil karaniwan itong nasa Ingles,” ani Ysrael, na nanguna sa pagsasalin sa Filipino ng mga tesis ng mga mag-aaral sa kaniyang Fakultad.
Teknikalidad sa pagsasalin ang nakikitang suliranin ni Federico Monsada, isang inhinyero at pangulo ng Philippine Technological Council.
Ang ilan sa mga suliraning inilahad ni Monsada sa kaniyang larang ang mga sumusunod: kawalan ng tuwirang salin ng mga terminolohiya o bokabularyo sa larang; ang mga gamit at pamamaraan ng teknolohiya at inhinyeriya ay nakasulat sa mga banyagang wika.
Para kina Tereso Tullao Jr., direktor ng Angelo King Institute for Economic Business and Studies sa De La Salle University, at Luis Gatmaitan, isang doktor at bantog na manunulat ng mga aklat-pambata, nakahahadlang ang sensibilidad ng mga Filipino pagdating sa paggamit ng Wikang Pambansa.
“Sa paggamit ng wikang Ingles, mistulang hinihiwalay ang Filipino at iba pang wikang lokal sa mga pangunahing kalakarang panlipunan,” ani Tullao.
“Lahat ng bagay tungkol sa sakit ng tao at sa mga nagaganap sa loob ng katawan ng tao ay itinuro sa akin sa wikang Ingles. Pagkatapos, bigla kang ihaharap sa mga pasyenteng iba ang tawag sa kanilang mga karamdaman,” ani Gatmaitan.
Dagdag ni Gatmaitan, iniiwasan ng mga Filipino ang paggamit ng mga salitang Filipino lalo na kung tumutukoy ito sa maseselang bahagi ng katawan.
“Kung gustong tukuyin ang breast mass, ang sinasabi natin ay ‘bukol sa dibdib’ gayong mas akma sana ang ‘bukol sa suso,’” aniya.
Posibleng solusiyon
“Sa pagtuturo ng agham, mas mabuti kung ito ay mailalapit sa araw-araw na buhay. Madali itong maisagawa kung ang mga panayam o lektura ay ginagawa sa wika na ginagamit araw-araw—ang wikang Filipino,” ani Pambansang Akademiko Fortunato Sevilla III, propesor sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Kilala si Sevilla bilang isa sa mga nangungunang dalubgurong gumagamit ng wikang Filipino sa pagtuturo ng kimika sa kolehiyo, partikular sa paaralang graduwado ng Unibersidad.
Mungkahi ni Tullao, lalo na sa kapuwa niyang dalubguro, na ilapit ang wikang Filipino sa sikmura ng mamamayan hindi lamang sa pahina ng mga akademikong saliksik at lathalain.
“Kailangan ang mga intelektuwal ng bansang ito na mag-usap, hindi lamang sa isang kumprensiya tulad nito ngunit sa iba’t ibang midyum tulad ng mga journal at gamit ang social media,” aniya.
Para naman kay Jabines, kailangan pang pagtibayin ang pagpapatupad ng Departamento ng Edukasyon sa Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE), na nag-uutos na gamitin ang inang wika sa pagtuturo ng mga estudiyante mula kinder hanggang ikatlong baitang ng elementarya.
“Ang paggamit ng mother tongue ang pinakamabisang paraan upang mailapat ng mga mag-aaral ang kanilang natutuhan sa lahat ng aralin,” ani Jabines.
Ayon kay Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio Almario, dapat patuloy na linangin ang paggamit ng inang wika sa loob ng kanikaniyang rehiyon at pagsasalita naman ng wikang Filipino sa labas nito.
“Kung kayo ay nasa inyong mga rehiyon, gamitin ninyo sa inyong pag-uusap ang inyong regional languages sa halip na Ingles. Gamitin ang mga katutubong wika at pagkaraan, gamiting tulay lamang para sa pag-uusap ng mga Filipino sa iba’t ibang rehiyon ang Wikang Pambansa,” ani ng tapagangulo ng Komisyon.