Ika-25 ng Agosto 2016, 9:48 p.m. – NAGTIPON-TIPON ang mga aktibistang mag-aaral ng Unibersidad sa isang kilos-protesta laban sa extrajudicial killings sa mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa ilalim ng administrasiyon ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Naganap ang protesta sa Kalye Dapitan sa pangunguna ng grupong League of Filipino Students (LFS)-UST upang hikayatin ang Pangulo na itigil ang sunod-sunod na extrajudicial killings.

“Kami naman, specifically mga students or youth, suportado namin `yung fight against drugs. [W]hat we condemn is `yung extrajudicial killings,” ani Elizabeth Anthony, pangkalahatang kalihim ng LFS-UST, sa isang panayam sa Varsitarian.

Ayon kay Anthony, nakababahala ang mga nangyayaring patayan dahil sa pagsasawalang-bahala sa proseso ng batas.

“[K]ung makikita natin, `yung pinakamaraming napapatay ngayon ay `yung underprivileged. [K]ung mapapansin nga natin para talagang wala silang due process,” aniya.

Iginiit ni Anthony na dapat mas bigyang-pansin ng gobyerno ang rehabilitasyon ng mga nalululong sa droga.

“Ang pinaka-problema kasi is bakit ba sila into drugs. Kasi wala naman silang jobs at education. Ang [hinihingi] namin sa government is due process, and then aside from arresting and killing those people na involved sa drugs, why not provide a program for rehabilitation?” aniya.

Ayon sa huling ulat ng ABS-CBN News and Current Affairs, umabot na sa 1,216 ang napatay sa ilalim ng kampaniya ng administrasiyong Duterte laban sa droga. Umabot sa 731 ang patay mula sa operasiyon ng mga awtoridad, 386 ang napatay ng mga hindi kilalang salarin, at 99 naman ang natagpuang patay mula sa mga lugar ng krimen.

Nakilahok sa protesta ang mga mag-aaral ng National Teachers College na mga kasapi rin ng LFS.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.