HINIKAYAT ang iba’t ibang mga partido politikal sa Unibersidad na magtatag ng konkretong ideolohiya para makilala sila sa kanilang mga ipinaglalaban at hindi lamang sa kanilang mga personalidad.

Ayon kay Dennis Coronacion, tagapangulo ng Departamento ng Agham Pampulitika, makatutulong ang pagkakaroon ng idelohiya sapagkat ito ang gagabay sa mga partido upang bumuo ng tindig sa mga isyu.

“It appears that we have a problem: Walang political ideologies ang mga political parties [sa UST]. You need to know your political ideology so if there’s an issue, you know where to stand at hindi ‘yung nagmumukha kayong walang alam,” ani Coronacion sa unang Thomasian Political Party Empowerment Congress, ika-4 ng Agosto sa Tan Yan Kee audiovisual room.

Para matiyak ng mga estudyante ang paninindigan ng mga partido politikal, dapat iniuugat ng mga partido sa mga ideolohiya ang kanilang mga mungkahing solusyon sa iba’t ibang suliranin sa loob ng UST.

“You have to have a set of beliefs. Dapat may pinaghuhugutan, hindi lang karanasan,” aniya.

Inihalintulad naman ni Augusto de Viana, tagapangulo ng Departament of History, ang eleksiyon sa Unibersidad sa pag-pili ng mga Pilipino sa mga ihahalal sa pamahalaan.

Aniya, bumoboto ang mga Pilipino hindi dahil sa ideolohiya kung hindi sa personalidad ng mga tumatakbo sa gobyerno.

“Ang nangyayari ay hindi clash of ideologies but clash of personalities. Kailangan ng solid political platform na nakaugat sa ideologies,” ani de Viana.

‘Centrism’

Ayon kay Coronacion, karamihan sa mga partido politikal sa loob ng UST ay nabibilang sa “centrism”– ang mga partidong politikal na hindi nabibilang sa left wing o right wing ng political spectrum – na nagiging dahilan kung bakit tumitingin lang ang mga estudyante sa personalidad ng mga tumatakbong kandidato at hindi sa kanilang mga pinaglalaban.

“Thomasian voters vote based on personal networks. Paramihan ng kaibigan. [Karamihan ng mga partido politikal sa UST], gagawin ang lahat para manalo sa eleksyon. Tatalikuran ang values at ideology,” aniya.

Ikinalungkot naman ni Antonio Chua, tagapayo ng UST Central Commission on Elections (Comelec), na personality-based pa rin ang basehan sa pagboto ng mga Tomasino.

Aniya, tila isang lumulutang na basura sa dagat ang mga partido politikal na walang “vision-mission” dahil wala silang patutunguhan.

“Mayroon dapat pagkakaiba sa mission-vision ng isang organization. Kung wala, eh bakit pa tayo may political party?” aniya.

Ang iba pang mga tagapagsalita sa pagpupulong ay sina Lorenzo Pascual Espacio ng Union of Students’ Advancement of Democracy – Ateneo de Manila, Raymond John Naguit ng UST Central Comelec, at Evelyn Songco, direktor ng Office of Student Affairs.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.