Tanggol Wika: Hindi patas ang desisyon ng Korte Suprema

0
8761
(Kuha ni Mark Darius M. Sulit/The Varsitarian)

NAGHAIN ng liham-protesta ang grupong Tanggol Wika noong Lunes, dahil sa umano’y “hindi patas” na pagbasura ng Korte Suprema sa kanilang motion for reconsideration sa pagtanggal ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo.

Iginiit ni David San Juan, convenor ng grupo, na maraming mga argumento ang hindi binigyang-pansin ng Korte Suprema sa inihain nilang motion for reconsideration noong Nobyembre 2018.

“‘Yon ang habol namin, pagpaliwanagin sila [kung] bakit itong mga argumento namin, hindi niyo sinagot sa pag-apela namin sa first motion for reconsideration, dalawang paragraph lamang, napaka-unfair, hindi patas,” wika ni San Juan.

Dagdag pa niya, intensiyon din ng kanilang grupo na ipakita na kasama sa laban ang “pagsalba sa kalayaan ng bansa.”

Ayon sa kanilang liham-protesta, inabuso ng Commission on Higher Education (CHEd) ang kapangyarihan nito at hindi pinakinggan ang mga ahensiyang pangwika katulad ng Komisyon sa Wikang Filipino at Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining.

“CHEd went against language and culture agencies in deciding on language and culture matters in the curriculum… Petitioners have been recently informed by the KWF that their sole representative in the CHEd consultative body for the drafting of CMO No. 20, was totally ignored and overpowered,” ayon sa liham.

Binigyang-diin naman ni Jonathan Geronimo, guro sa Filipino sa Unibersidad, na hindi bababa sa 10,000 guro sa Filipino at Panitikan ang mawawalan ng trabaho dahil sa naging desisyon ng Korte Suprema.

“[M]ay matinding dehumanization na nangyari, matindi ang demoralisasyon sa bahagi ng mga guro at sa disiplina at denasyonalisasyon dahil tinatanggal mo ‘yong national identity ng kurikulum. Pangmatagalan, ‘yan talaga ang magiging epekto nitong CMO 20 na ito,” wika ni Geronimo sa isang panayam sa Varsitarian.

May ilang mga unibersidad na tinanggal ang Filipino at Panitikan sa kolehiyo bago pa man ilabas ng Korte Suprema ang pinal na desisyon, ayon sa dokumento.

Kabilang dito ang Ateneo de Davao University, Ateneo de Naga University, Adamson University, Centro Escolar University-Manila, St. Louis University (Baguio), Tarlac State University, National Teacher’s College, University of Visayas-Cebu, University of the East-Manila and –Caloocan, Central Mindanao University (Bukidnon), St. Therese MTC-Colleges (Iloilo), Holy Name University-Tagbilaran, Davao del Norte State College at Caraga State University (Butuan City).

Sa darating na taong akademiko, nasa status quo naman ang kalagayan ng Filipino sa Unibersidad.

Winika ni Roberto Ampil, dating tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad, na bagaman mapalad ang UST sa pagpapanatili ng Filipino sa susunod na taon, hindi dito natatapos ang laban.

“Hindi po kami nakukuntento, hindi po nagtatapos ang labang ito sa aming Unibersidad kundi ito po ay inilalabas namin sa pamamagitan ng pagsuporta sa ating mga kasamahan at kaguruan… nilulusaw po ang kanilang mga departamento ng Filipino,” wika ni Ampil.

Hindi itinuloy ng grupo ang paghahain ng second motion for reconsideration dahil sa payo ng kanilang abogado na limitasyon sa paghahain nito.

Ayon sa batas, hindi na maaaring maghain ng motion for reconsideration kapag naglabas na ng pinal na desisyon ang Korte Suprema.

Noong ika-9 ng Nobyembre 2018, tinanggal ng Korte Suprema ang temporary restraining order sa CMO 20 Series of 2013 na nag-aalis ng 15 yunit ng kursong Filipino at Panitikan sa core subjects sa kolehiyo.

Naghain ng motion for reconsideration ang Tanggol Wika, samahan ng mga guro, manunulat, mag-aaral, at mga tagapagtaguyod ng wika at kultura ng bansa, para sa CMO 20 noong ika-26 ng Nobyembre 2018, kasabay ng protesta sa Plaza Salamanca.

Ayon sa inilabas na resolusyon ng Korte Suprema noong ika-5 ng Mayo, nabigo ang Tanggol Wika sa pagbibigay ng “substantial argument” upang kontrahin ang CMO 20.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.