MISYON ng mga Tomasino ang magbigay ng pag-asa at biyaya sa kapuwa.
Ito ang mensahe ng vice rector for religious affairs, P. Filemon de la Cruz, O.P., sa mga Tomasino sa taunang Misa de Apertura, ika-2 ng Agosto sa simbahan ng Santisimo Rosario.
Sa pagbubukas ng bagong Taong Akademiko 2016-2017, hinamon ni P. de la Cruz ang mga mag-aaral na tularan ang buhay ni Ezekiel, ang propeta sa bibliya na gumawa ng propesiya ukol sa mga natuyong buto na muling nabuhay.
“The dried bone resembles the people who lost hope,” ani P. de la Cruz. “[W]e are called to speak life and give blessing to others.”
“[T]o the people who lost hope, we can give them hope,” aniya.
Dagdag pa ng paring Dominiko, hindi nangangailangang magturo ng teolohiya ang lahat ng propesor upang ipaabot ang mensaheng ito
sa kapuwa.
“We speak words that can be sacramental: words that bring life to dead bones,” aniya.
Hinikayat din ni P. de la Cruz ang mga Tomasino na muling makiisa kay P. Herminio Dagohoy, O.P. sa kaniyang ikalawang termino bilang Rektor ng Unibersidad.
Paghahanda na rin ito sa selebrasiyon ng ika-500 taon ng pagdating ng Katolisismo sa Pilipinas sa 2021, aniya.
“Misa de Apertura is not only to pray for our leader, but to also pray for the whole term … We should pray as we celebrate 500 years of Christianity,” aniya.
Sa pagtatapos ng Banal na Misa, opisyal na idineklara ni P. de la Cruz ang pagbubukas ng Taong Akademiko 2016-2017.
Sinundan ang Misa ng seremoniyang muling nagtalaga kay P. Dagohoy bilang Rektor ng Unibersidad. T. J. P. Ortiz at M. A. Camacho