MATAPOS ang batikos mula sa mga mag-aaral ng Pamantasan at kanilang mga magulang, ginawang opsiyonal ng UST Senior High School (SHS) ang paggamit ng electronic tablets bilang bahagi ng technology-based teaching.
“If you believe that traditional books fit your purpose, we can accede to your preference, although we are strongly recommending the use of tablets because of their obvious advantage for your son/daughter,” ani Pilar Romero, punong guro ng UST-SHS, sa isang sulat na inilabas sa mga estudyante noong ika-2 ng Agosto.
Aniya, makakapamili na ang mga mag-aaral kung tablet o libro ang gagamitin sa klase.
Dagdag pa ni Romero, isinusulong ng UST-SHS ang technology-based teaching upang maging angat ang mga mag-aaral ng UST kaysa sa mga mag-aaral ng ibang institusiyon.
“The use of innovative pedagogies is in line with our vision of providing our students with cutting-edge advantage over students coming from other schools,” ani Romero.
Paliwanag pa niya, mas mabisa ang tablet kumpara sa mga libro dahil mas magiging interaktibo ang pagtuturo sa klase, at para na rin magamit ang mga napapanahong e-books na maaaring bilhin at i-download mula sa Internet.
Sa ganitong paraan matatamo ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral sa edukasiyon ngayong ika-21 na siglo, aniya.
Umani ng batikos ang UST-SHS matapos itong maglabas ng pahayag sa kanilang pahina sa Facebook noong July 22. Inatasan nilang bumili ang kanilang mga mag-aaral ng electronic tablets, partikular ang modelong iPad kapalit ng paggamit ng tradisiyunal na libro para sa pagtuturo at pag-aaral.
Ayon sa mga kritiko, hindi ligtas ang araw-araw na pagdala ng mga mag-aaral ng electronic tablets, dahil maaari silang maging biktima ng pagnanakaw.
“[One problem would be] the safety of the students since people know now that UST-SHS students will bring tablets to school,” ani Daniel Julio Angeles, mag-aaral ng Science, Technology, Engineering and Mathematics, sa isang panayam sa Varsitarian.
Dagdag ni Angeles, hindi kinakailangan ang mga e-books bagaman mas makabagong gamit ang mga ito para sa pag-aaral.
Pinahintulutan din ng pamunuan ng SHS ang paggamit ng personal na mga tablet ng mga mag-aaral–kahit hindi mga produkto ng Apple–upang makaiwas sa gastos.
Halos limang libong mag-aaral ang pumasok sa pagbubukas ng UST-SHS ngayong taon. Nagsimula ang kanilang klase noong ika-9 ng Agosto.