SA PAGBUBUKAS ng English Language Studies at History noong nakaraang taon, nananatili pa ring nakabinbin ang Translation Program sa Faculty of Arts and Letters.
Ayon kay Michael Anthony Vasco, dekano ng Artlets, aabutin pa ng tatlo hanggang apat na taon bago magbukas ng panibagong programa ang fakultad.
“Bago magdagdag ng programa, bukod sa istraktura ng kurikulum nito, tinitingnan din ang kakayanan ng fakultad sa pagpapanatili naturang programa,” ani Vasco.
Binanggit din ni Vasco na nararapat munang magkaroon ng tala ang unang dalawang kurso at hayaan munang mapagtibay ang mga ito sa fakultad.
“Nais kong pagtuunan ng pansin ang AB English at History para habang pinag-aaralan namin ang Translation Program ay mapansin agad ang mga pangangailangan ng kursong ito,” ani Vasco.
Sinabi ni Vasco na sa pagbubukas ng isang programa, dapat munang suriin nang maigi ang teoretikal at praktikal na aspeto nito.
“Kailangan naming isaalang-alang kung may mga interesadong mag-aaral sa programa, kung may sapat bang mga magtuturo at kagamitan, at kung may malaking epekto ba ito sa iba pang umiiral na mga kurso sa fakultad,” ani Vasco.
Nabanggit din ni Vasco na mas magiging malaki ang posibilidad na buksan ang nasabing programa kung mayroong pangangailangan sa daigdig ng akademiya at sa mga industriya ng bansa.
Hindi naman inaasahan ng tagapagsulong ng Translation Program na si Imelda de Castro, propesor ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters, ang mabilisang pagpapatupad nito dahil mayroon ding batas ang Commission on Higher Education na dapat sundin.
“Noong nakaraang taon ko pa lamang naman kasi isinulong ang programa. ‘Di katulad ng AB English at History, na noong nakaraang apat na taon pa inihain,” ani De Castro.
Noong nakaraang taon, ibinalita ng Varsitarian ang pagsulong ng kurso bilang Translation Studies and Practices sa Artlets. Unang nagkaroon ng disiplina ng pagsasalin noong 1970s sa Faculty of Arts and Letters, ngunit hindi nagtagal ay nabuwag din ito noong 1980s dahil sa kakulangan ng pangangalaga.
Ayon kay De Castro, ang pagsasalin ay isa sa mga patok na trabaho sa ibang bansa.
“Sinaklaw din ng programa ang multimedia tulad ng dubbing at paglalagay ng subtitles,” aniya.
Isang ladderized program ang naunang plano ni De Castro kung saan itataas din ang programa tungo sa post-graduate studies.
“Nang pumasok ang K to 12 na kurikulum ngayong taon, naisipan kong ayusin ang ginawa kong modyul at gawin itong isa sa mga skill-oriented programs,” ani De Castro, alinsunod sa kasisimula pa lamang na ipinatupad na programang K to 12 ng Department of Education.
Umaasa si De Castro na maipatupad ang Translation Program sa 2016.
“Hindi naman dapat mainip. Mayroon lamang mga batas na dapat sundin at kalauna’y maipatutupad din ito,” ani De Castro.