Oct. 2 2016, 10:50 a.m. – MAKATUTULONG ang pagpapalaganap ng mga salitang katutubo sa pagpapalakas ng kamalayang pambansa sa mahahalagang usapin tulad ng kalikasan at kaligtasan.
Ito ang pahayag ni Purificacion Delima, komisyoner para sa wikang Ilokano sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), sa Kapihang Wika na idinaos noong ika-30 ng Setyembre sa Malacañang Complex sa Maynila.
Giit ni Delima, higit na lalalim ang pang-unawa sa mga pangmalawakang suliranin tulad ng pagbabago sa klima, kung makalilikom ng mga terminong nag-ugat sa iba’t-ibang katutubong pangkat.
“Napakagandang layunin na sila (mga katutubo) mismo ang panggagalingan ng mga pamamaraan [at] konsepto sa pangangalaga ng kalikasan,” ani Delima sa isang talumpati sa pagtitipon.
Aniya, maraming mga guro mula sa ilang katutubong pangkat ang handang magbahagi ng kanilang wika, lalo na ng mga salitang may kaugnayan sa mga paksa ng kalikasan at kaligtasan.
Layunin ng tanggapan na muling buhayin ang mga katutubong kaalaman hinggil sa kalikasan na maaaring maging susi sa pagpapayaman ng mga diskurso tungkol dito. Sa kalaunan, maaari itong mag-udyok sa sambayanang Filipino na kumilos at magkaisa sa pangangalaga ng kapaligiran, aniya.
Muling ibinida ng KWF sa pagtitipon ang kanilang aklat na “Gabay sa Weder Forkasting” na inilunsad noong Hunyo sa pakikipagtulungan ng Department of Science and Technology at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.
Naglalaman ito ng koleksiyon ng mga teknikal na terminong pang-agham at meteorolohiya na magsisilbing patnubay sa mga mamamahayag sa pag-uulat ng klima o panahon.
Kasabay ng kampaniya ng KWF sa pagpapayabong ng kulturang katutubo, pamumunuan ng ahensya ang Pambansang Summit sa Wika ng Kalikasan at Kaligtasan na may temang, “Tungo sa Nagkakaisang Boses at Pagkilos para sa Kalikasan at Kaligtasan ng Sambayanang Filipino.”
Kabilang sa malawakang pagtitipon, na inaasahang dadaluhan ng 200 na kinatawan ng mga pangkat etniko, ang pagtatanghal ng mga katutubong konsepto o mga salita na may kaugnayan sa kalikasan at kaligtasan.
“Ang summit po ay inaasahang magbibigay sa ating mga katutubong pangkat ng isang magandang ugnayan at kamalayan sa pag-aalaga ng kalikasan at istandardisasiyon ng mga wikang katutubo,” ani Delima.
Dagdag pa ni Delima, layunin ng kumperensyang makalikha ng matibay na ugnayan sa pagitan ng mga pangkat etniko mula sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Gaganapin ang Pambansang Summit sa ika-26 hanggang ika-28 ng Oktubre sa Philippine High School for the Arts sa Los Baños, Laguna. Jolau V. Ocampo at Winona S. Sadia