SA IKALAWANG taon ng programang K to 12, dumoble ang bilang ng mga bagong mag-aaral sa buong UST Senior High School (SHS) ngayong akademikong taon, habang bahagya namang bumaba ang bilang ng mga bagong mag-aaral sa kolehiyo.
Matapos magkaroon ng Grade 12 enrollees, umabot sa 8,614 ang bilang ng mga bagong mag-aaral sa SHS ngayong taon, mula sa 4,960 noong nakaraang taon.
Bahagyang bumaba ang bilang ng mga bagong mag-aaral para sa Grade 11 mula sa 4,960 noong huling taon sa 4,008 ngayong taon, samantalang 4,606 naman ang bilang ng mga mag-aaral para sa Grade 12.
Bumaba naman ng halos pitong porsiyento ang bilang ng mga bagong mag-aaral sa kolehiyo sa 3,827 ngayong taon mula sa 4,121, ayon sa pinakahuling datos mula sa Office of the Registrar.
Nagtala ng pinamalaking pagbaba sa bilang ng mga bagong mag-aaral ang Faculty of Engineering, kung saan isa lamang ang bagong mag-aaral mula sa 18 noong nakaraang taon.
Sinundan naman ito ng Conservatory of Music na nagtala ng 30 bagong mag-aaral ngayong taon kumpara sa dating 243.
Bumaba rin ang bilang ng mga bagong mag-aaral sa Faculty of Philosophy, College of Fine Arts and Design, Faculty of Civil Law, Faculty of Medicine and Surgery at Faculty of Sacred Theology.
Nagtala naman ng pinakamataas na bilang ang Graduate School na mayroong 1,153 na bagong mag-aaral, ngunit mas mababa ito kumpara sa 1,471 noong nakaraang taon.
Umakyat din ang bilang ng mga bagong mag-aaral sa College of Science sa 156 mula sa 89, pangalawang pinakamataas na naitala ngayong taon.
Parehas tumanggap ang College of Commerce at Faculty of Arts and Letters (Artlets) ng 203 na bagong mag-aaral, mula 185 at 177, ayon sa pagkakabanggit.
Ayon kay Narcisa Tabirara, katuwang na dekano ng Artlets, bahagyang tumaas ang bilang ng bagong mag-aaral sa 203 matapos buksan ang mga programang journalism at legal management ngayong taon.
Dagdag pa ni Tabirara, muling bubuksan ng Artlets ang lahat ng 12 na programa nito pagdating ng Akademikong Taon 2018-2019, sa pagtatapos ng unang pangkat ng mga mag-aaral sa SHS.
“However, there will only be a few third year students, those freshmen who entered in 2016 to 2017. We expect normal enrollment by academic year 2020 to 2021,” wika niya sa isang panayam sa Varsitarian.
Nadagdagan din ang bilang ng mga bagong mag-aaral sa College of Architecture, Faculty of Canon Law, Faculty of Pharmacy, Institute of Information and Computing Science at UST-Alfredo M. Velayo College of Accountancy.
Umabot sa 36,336 ang kabuuang bilang ng mga Tomasino ngayong taon. Mas mababa ito sa naitalang 41,730 noong nakaraang taon.