NAGBIGAY-daan na ang pangulo ng UST Faculty Union (USTFU) na si Dr. George Lim sa limang halal na miyembro sa negosasiyon para sa isang bagong kasunduan tungkol sa sahod at benepisyo ng mga guro sa UST.
Sa isang liham na nakuha ng Varsitarian, inihayag ni Lim na ang kaniyang naging aksiyon ay para sa mabilisang pag-usad at pag-apruba ng bagong collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan ng mga miyembro ng USTFU at ng Unibersidad.
“I have decided to unpretentiously and unequivocally inhibit myself from the entire CBA negotiations for the 2016-2021 UST-USTFU CBA,” ani Lim sa kaniyang liham.
Dagdag pa niya, handa siyang ipasa sa limang nahalal na miyembro ang mga nasimulan na usapin mula sa mga konsultasiyon kasama ang ilang miyembro ng USTFU.
Nahalal sina Jose Ngo Jr., Edilberto Gonzaga, Emerito Gonzales, Rebecca Adri at Michelle Desierto bilang mga miyembro ng CBA negotiating panel 2016-2021 noong ika-28 ng Mayo.
Ayaw ng mga naihalal na miyembro na makisali si Lim bilang ex-officio member ng nasabing panel dahil wala umano ito sa alituntunin ng unyon. Hindi rin nila nagustuhan ang resulta ng nakaraang CBA kung saan nakipagkasundo ng direkta si Lim sa Rektor P. Herminio Dagohoy, O.P.
Ang lima ay umalis sa isang pagpupulong noong ika-31 ng Mayo matapos isulong ni USTFU Treasurer Joyce Tan na gawing lider ng negotiating panel si Lim.
Nakasaad sa unang seksiyon ng Artikulo XIII ng konstitusiyon ng USTFU na ang mga miyembro ng negotiating panel ay dapat sumailalim sa isang eleksiyon na kalalahukan ng mga miyembro ng USTFU.