SA KABILA ng pagsusulong ng Department of Education ng programang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) na nasa ikalawa na nitong taon, lumabas ang balita tungkol sa pagpapalipat ng Saviour’s Christian Academy sa Laoag, Ilocos Norte sa tatlo nitong mag-aaral na nasa ikawalong baitang matapos mahuling nag-uusap sa silid-aralan gamit ang wikang Iloko.
Ayon sa patakaran ng paaralan, ang paggamit ng katutubong wika ay mahigpit na ipinagbabawal hindi lamang sa mga estudiyante at sa mga guro nito pati na rin ang mga magulang o sa mga sumusundo sa mga mag-aaral na nasa loob ng paaralan.
Sa paghingi ng komento ng Varsitarian ukol sa pangyayaring ito, sinabi ni Roberto Ampil, tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad, na ang wika ay hindi preskriptibo at dapat malayang nagagamit.
“Kung ayaw nilang magsalita ng Ingles, masasabi mo bang krimen iyon?” ani Ampil.
“Ang wika ay hindi limitado sa iba pang wika. Karapatan ng mga mag-aaral na gamitin ang kanilang wika, lalo na ang wikang kinagisnan.”
Idinagdag pa niya na sinisikil ng polisiyang nagbabawal sa paggamit ng wikang Filipino sa loob ng mga paaralan ang karapatan ng mga mag-aaral na magpahayag.
“Hindi nagiging produktibo ang mga estudyante kasi nakatali sila sa prohibisyon na Ingles lamang ang dapat salitain kahit na hindi naman ito ang wikang kinagisnan nila,” aniya.
Idinagdag pa ni Ampil na bago pag-aralan ang iba pang wika, kinakailangan munang patibayin ang pundasyon ng wikang kinagsinan ng mga mag-aaral.
Pangkalahatang polisiya
Sinabi naman ni Roberto Añonuevo, direktor-heneral ng Komisyon ng Wikang Filipino, na ang pagsusulong ng MTB-MLE ay hindi lamang para sa mga pampublikong paaralan kung hindi pati na rin sa mga pampribadong eskuwelahan.
Ayon sa kaniya, maigting dapat ang suporta ng mga paaralan sa mithiing itinakda ng Artikulo XIV ng Konstitusyong 1987 tungkol sa pagpapayaman ng wikang Filipino.
“Kailangang maging transparent sa ebalwasyon sa paghuhusay ng wikang Filipino para sa mga mag-aaral nang higit na mapaunlad ang sistema ng edukasyon sa Filipinas,” ani Añonuevo.
‘Pagkiling sa Ingles’
Naniniwala naman si Danilo Arao, isang mamamahayag at propesor ng Journalism sa University of the Philippines (UP)-Diliman, na marami pa ring paaralang tinitingnan ang wikang Filipino bilang isang asignatura.
“Marami pa ring eskuwelahang nagpapatupad ng ‘English-speaking zones’ at kakaunti pa rin ang textbooks na nakasulat sa sariling nating wika,” ani Arao sa Varsitarian.
“Kahit na kasama sa K to 12 ang paggamit ng sariling wika, tandaan na sa mga unang baitang lamang ito mahigpit na isinusulong. Malinaw pa rin ang pagkiling sa wikang Ingles ng mga paaralan,” dagdag niya.
Para kay Añonuevo, ang wikang Filipino ay dapat ibilang sa iba pang internasyonal na wika na maaaring pag-aralan ng mga estudyante.
“Ang Filipino ay dapat ginagamit kahit sa mga kursong medisina, inihinyeriya, arkitektura, teknolohiya, batas at iba pa.”
Wikang Filipino sa UST
Ayon kay Ampil, kailangang sabayan ng departamento ng Filipino sa UST ang mga programa sa Unibersidad ukol sa wikang Ingles.
“Hindi dapat mapag-iwanan ang wikang Filipino dito sa Unibersidad,” ani Ampil. “Mahalaga ang wikang Ingles, pero dapat hindi kinalilimutan ang wikang Filipino.”
Isinusulong ni Ampil ang paggamit ng wikang Filipino sa paggawa ng mga akademikong diskurso at saliksik.
“Ang paggamit ng wikang Filipino ay paraan upang umunlad at dumami ang mga isinasagawang saliksik sa Unibersidad.” may ulat ni Jonelle V. Marcos