SASALUBUNGIN ng Unibersidad ang 12,000 freshmen sa isasagawang online Freshmen Orientation Week mula ika-24 hanggang ika-28 ng Agosto.
Ayon sa pahayag ng Unibersidad, iba’t ibang aktibidad ang nakalinya sa balangkas ng “Tigre,” na nangangahulugang Tradition, Inspiration, Guarantee, Resiliency, at Engagement.
Magsisimula ang linggo sa isang Misa na pangungunahan ng Rektor na si Fr. Richard Ang, O.P. Susundan siya ni Secretary General Fr. Jesus Miranda, Jr., O.P. upang ibahagi ang mga pangyayaring dapat abangan ng mga bagong Tomasino.
Magkakaroon ng #LifeAtUst talk show, isang panel discussion upang talakayin ang mga karanasan bilang Tomasino, hatid ng UST Tiger TV.
Virtual campus
Dahil sa pandemyang Covid-19, walang “Freshmen Walk,” isang ritwal na nagsimula 18 taon na ang nakalipas, kung saan ang mga bagong Tomasino ay magmamartsa sa ilalim ng Arch of the Centuries.
Maaaring bisitahin ng mga manlalaro ng Minecraft ang virtual campus. Kusang binuo ng mga Tomasinong estudyante nitong Hulyo ang UST server sa Minecraft.
“We’re planning on creating it as a role-playing server with plugins which allows players to earn in-game money and purchase condominiums to feel the University feels inside of a game,” wika ni Charles Nobleza, pasimuno ng proyekto, sa isang panayam ng Varsitarian.
Ang Minecraft ay isang video game na kung saan maaring magtayo ng istraktura ang manlalaro gamit ang mga textured cubes.
Noong nakaraang taon, 14,976 ang mga bagong estudyante ng UST.