MATIYAGANG inaayos ng mama ang mga upuang nakahilera sa tapat ng grandstand habang pinapapak ko ang natirang baon. Mula sa aking kinauupuan, nararamdaman ko ang init na pumapaso sa kanyang balat at ang unti-untIng pagdaloy ng pawis sa kanyang noo kahit na natatakpan ng sumbrerong puti ang kanyang ulo.

Bukas na ang baccalaureate mass at sagaran ang paghahanda ng ilang tao dito. Lumipas na ang apat na taon mula nang una akong umupo sa lugar na ito at narito pa rin ang kakaibang hanging yumayakap sa aking pagkatao.

Matapos kong tingnan ang aking pangalan sa talaan ng mga nakapasa sa harap ng Main Building, buong galak akong bumisita sa chapel at nagpasalamat ng taimtim. Pauwi na sana ako ngunit naisipan kong umupo sa isang bangkong natatakpan ng lilim ng puno upang magpahinga at namnamin ang kasiyahang nadama.

Mainit ang sikat ng araw ngunit nakatulong ang payapang paghagod ng hangin upang maibsan ang init sa kapaligiran. Habang pinapanood ang mga nag-eensayong manlalaro, may mga bagay na gumugulo sa aking isipan na tinakpan ang kasiyahang kani-kanina’y nadama. Natakot ako sa panibagong buhay na papasukin sapagkat hindi ko alam kung handa na ang sarili ko.

“Pare may lighter ka ba?” tanong ng lalaking naghihintay sa gilid ng kotseng katapat ng aking upuan.

Umiling ako’t ngumiti. Walang nagawa ang lalaki kaya napilitan siyang lumapit sa ibang taong nagpapalipas ng oras sa mga nakahilerang upuang nakapalibot sa field dahil hindi pa ipinagbabawal noon ang paninigarilyo sa loob ng Unibersidad. Napansin kong iba’t ibang uri ng tao ang nandito. Mula sa mga mapag-isa at tahimik na tulad ko, hanggang sa mga masayahin at paminsan minsa’y maiingay.

“Excuse me,” biglang lapit ng batang babae, “alam n’yo po ba kung saan ang admissions office?” tanong niya habang papalapit ang nakakatandang babaeng kasama niya.

Sasagot na sana ako ngunit napansin kong puno pa ng pagkain ang bibig ko kaya itinuro ko nalang ang Main sabay lunok sa sandwich na kinakain.

“Pagpasok sa building na ‘yon, kaliwa tapos ‘yung unang pintuan,” sagot ko.

Nagpasalamat ang sa tingin ko’y mag-ina at kaagad na nagpunta sa direksiyong itinuro ko. Habang papalayo sila, muli kong itinuloy ang pagkain. Tatayo na sana ako upang bumili ng maiinom nang narinig kong may natanggap na mensahe ang cellphone.

“Bukas na lang tayo magkita, maraming ginagawa sa bahay,” padala ni Jann.

Kaagad kong isinilid ang telepono sa aking bag pagkabasa sa mensaheng ipinadala ng kaibigan at tumuloy ako sa gilid ng gym upang bumili ng buko juice.

Mag-isa akong nakaupo noon sa sulok ng silid nang lumapit ang lalaking pagod na pagod mula sa pagtakbo. Wala siyang dala na kung anumang gamit para sa pagpasok maliban sa maliit na kuwadernong nakasilip sa kanyang bulsa. Matapos ang ilang sandali, pumasok ang matandang propesor na tila inis sa pagbubukas ng klase.

READ
Nursing his way to glory

“Please pass your classcards,” sigaw niya habang ang lahat naman ay nagkakagulo sa pabugso-bugsong pananalita ng matandang guro.

Napatingin ako sa katabing lalaking hindi mapakali at pilit na ipinapagpag ang kuwadernong dala na tila may hinahanap. Nang walang makita, tumayo siya’t hinugot ang ang pitaka sa likuran at inilabas ang lahat ng papel na nakasilid dito. Kinapa niya maging ang lahat ng bulsa ngunit wala itong nahugot maliban sa mga mamisong nahulog pa sa sahig. Bahagya akong napangiti habang isa-isa niyang pinupulot ang mga barya, na siya namang pagtingin at napangiti sa akin.

“May classcard ka ba?” tanong niya sa akin habang inaayos ang sarili. Tumango ako’t ipinakita sa kanya ang mga maliit na papel na naka-ipit sa aking malaking kuwadernong nakabalot ng plastik.

“Puwede ba akong humiram?” paki-usap niya habang kinakamot ang ulo. “Nagmamadali ako kaya nakalimutan ko sa bahay,” paliwanag niya sa akin.

Hinugot ko sa kuwadernong nakapatong sa harapan ang kapirasong papel at inabot sa kanya. Sa halip na nagpasalamat, mabilis niyang dinampot ang panulat na nahulog sa sahig kasama ng kanyang mga mamiso.

Pabalik na sana ako sa iniwang upuan matapos bumili ng maiinom nang maalala ko ang ipinadala niyang mensahe. Malaki ang pagpapahalaga niya sa kanyang pamilya at iyon ang isa sa mga bagay na nagpalaki ng paghanga ko sa kanya. Bagaman nahihirapan na siya sa pag-aaral, nakukuha pa rin niyang tumulong sa kanilang bahay.

Muntikan na siyang tumigil sa pag-aaral nang magkasakit ang kanyang ina at walang mag-aalaga sa kanyang mga kapatid. Bilang kaibigan, ako ang tumulong sa mga kailangan niya sa klase.

Habang naglalakad pabalik sa kinauupuan, muli ko na namang naramdaman ang kakaibang hagod ng hangin sa aking balat. Init ang bumabalot sa buong kapaligiran ngunit kakaibang lamig ang dala ng hanging dumadampi sa aking katawan sa bawat hakbang ng aking paa papalapit sa upuan.

Madalas kaming magpahangin ni Jann sa upuang iyon habang nagpaplano kung saan kami tutungo matapos ang paghihirap sa pag-aaral. Binanggit niyang susunod siya sa kanyang ama sa ibang bansa upang doon na lang magtrabaho at nang mapag-aral ang ibang kapatid.

Seryoso siya sa tuwing kinabukasan ang pinag-uusapan namin, kabaligtaran sa ipinapakita niyang ugali sa ibang tao. Napapagkamalan siyang nawawala sa sarili sa tuwing umaga dahil gusot ang damit, laging nakakalimutang magsuklay, at kung minsa’y kulang-kulang ang dalang gamit. Madaling araw pa lang, nagpupunta na sa palengke ang kanilang ina upang magtinda kaya hindi ko naman siya masisi dahil siya ang nag-aasikaso sa mga gamit ng kapatid bago sila pumasok sa paaralan.

READ
Philippine education unready for globalization

“Carlo,” sigaw ng babaeng kumakaway sa harapan ng chapel.

Dahil hindi suot ang salamin, lumapit ako upang makilala ko ang babaeng tila may hinihintay.

“Rose, ikaw pala. Anong ginagawa mo dito?” tanong ko habang inaalok ko ng maiinom.

“Wala, nag-visit lang. Si Jann, kasama mo ba?” umiling ako’t sabay inom sa kakabiling juice.

“Mainit dito, umupo muna tayo doon,” sabi ko sabay turo sa upuang tinatakpan ng lilim ng puno.

Habang naglalakad kami, napansin kong payapa siya’t walang inaalala tulad ng ibang tao. Kahit na si Rose ang pinakamagaling sa klase, madalas siyang tampulan ng kantiyawan at tawanan dahil sa kanyang ayos. Halos doble ang kapal ng kanyang salamin kaysa sa akin at pa-utal utal kung magsalita ngunit sa-ulo naman niya ang mga chemical reactions.

Sa pag-upo namin, malayo ang tingin niya sa field habang hinahawak ang mga librong ipapahiram daw niya sa pinsan.

“Ngayon ko lang nakita ang ganito,” bulong niya sa sarili.

“Okay ka lang?” tanong ko nang makita ko siyang nagsasalita ng mag-isa at tatawa sana ako kung hindi ko napansing seryoso siya.

“Lagi kayong nandito ni Jann kaya normal lang ang mga nakikita n’yo dito,” sabi niya sa akin. “madalas ko kayong nadadaanan dito,” dagdag niya habang inaayos ang buhok na tinangay ng hangin.

Tumawa lang ako’t tiningnan muli ang mga tao sa field. Marahil pamilyar na ako sa kanila. Sa araw-araw na pamamalagi namin sa lugar na ito ang mamang naghihintay sa kotse, mga manlalarong nagpapahinga, ang mga taong nagsisimba, at ang mga estudyanteng dumadaan ang laging sumasalubong sa amin bago at pagkatapos ng klase.

“Kumusta pala `yung grades mo kay Mr. Ricarte?” biglang tanong niya.

Nagulat ako’t bumilis ang tibok ng aking puso. Hindi ko alam na maaalala pa pala niya iyon na halos dalawang taon na ang nakakalipas.

“Is that a presentation or a garbage?” diin niya sa akin matapos magsalita ng matagal sa harap ng klase.

Tila umakyat sa ulo ang dugong dumadaloy sa aking katawan na dahilan upang hindi ko malabanan ang pagsabog ng salita mula sa aking bibig.

“Sir, kung basura ito, sana kanina ko pa itinapon,” sagot ko at sabay bagsak sa hawak kong mikropono at mga papel. Gusto ko na sanang matunaw sa oras na iyon sapagkat napatingin ang lahat sa akin. Alam kong hindi ko kayang tumbasan ang kagalingan ng iba kong kakalase subalit hindi niya sana ako ipinahiya sa kanila.

Dali dali kong kinuha ang bag at kaagad na lumabas sa klase. Iniwan kong nagbubulungan ang mga tao sa loob samantalang nagsisisigaw naman ang matandang propesor habang pinapatuloy ang iba pang haharap sa kanya.

READ
Artlets is debate champion

Sa paglabas ko, kaagad akong tumuloy sa upuang ito at inilabas ang nakasilid na sigarilyo sa bag. Sinindihan ko ito na tila unti-unting pinapababa ang dugong naipon sa aking ulo. At habang sinasariwa ko ang nangyari, naramdaman ko ang kakaibang hanging dumampi sa aking mukha.

Sa oras na iyon, hindi ko pa rin alam ang gagawin kahit naging kalmado na ako. Tatayo na sana ako upang umuwi nang naramdaman kong may kamay na nakapatong sa aking balikat. Inangat ko ang ulo at nakita ko si Jann na nakatingin sa mga nag-eensayong manlalaro.

“Kung gusto mo pang mag-aral, puntahan natin siya mamaya at humingi ka ng tawad,” sabi niya sa akin habang tinatapik ako sa likod.

“Hindi mo na sana siya sinagot, matanda na iyon, inintindi mo na lang sana,” dagdag niya.

Tiningnan ko siya sa mata at nakita ang matagal ko nang pinapangarap na kapatid. Sa tulong niya, naramdaman kong kahit na hindi ko siya kadugo, maituturing ko siyang kapatid. Dahil sa apat na taong pamamalagi ko dito, tinulungan niya ako upang huwag masyadong dibdibin ang pagkakawalay ko sa pamilya para lang makapag-aral.

Pagkatapos ng pag-uusap na iyon, naging mas malapit kami sa isa’t isa. Marahil nakauwi na ako sa probinsiya at hindi na nag-aaral kung hindi niya ako tinulungan. Sariwang-sariwa pa rin ang alaalang iyon kaya naikuwento ko kay Rose habang hinihintay ang kanyang pinsan.

Matapos ang mahabang oras, lumapit ang magkasamang babae na kanina’y nagtanong sa akin at kinausap si Rose. Ang nakakabata pala ang pinsan niya at may plano siyang mag-aral sa Unibersidad. Nakita ko sa batang iyon ang susunod na Rose sapagkat nakasalamin din siya’t mahiyain kung magsalita. Niyaya nila akong kumain ngunit tinanggihan ko dahil gusto ko munang namnamin ang sana’y hindi kahuli-hulihan kong pag-upo sa lugar na ito.

Magpapahinga na ang araw at napapalitan na ito ng unti-unting pagdilim ng langit. Tapos na rin sa pag-aayos ang mamang kani-kanina lamang ay nagpupunas ng pawis dahil sa init. Naubos ko na ang natirang baon at wala nang laman ang baso ng juice na binili ko sa gilid ng gym kaya naisipan ko nang umuwi.

“Magkita na lang tayo bukas, salamat.” Huling mensaheng padala ni Jann sa akin bago ang baccalaureate mass.

Iiwan ko na sana ang mga pinagkainan ngunit bigla kong naramdaman ang malamig na simoy ng hanging dumadampi sa aking balat. Naisipan kong maraming dadalo bukas at wala nang mag-aalis pa ng mga kalat na iiwan ko. Dinampot ko ang mga kalat at itinapon sa basurang may nakasulat na recycable plastics only bago ako tuluyang lumabas ng P. Noval.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.