ISANG insulto sa pag-aaral at propesyon ng peryodismo ang pagpapatupad ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ng akreditasiyong nagbibigay ng access sa social media practitioners sa mga opisyal na pangyayari sa Malacañang.
Nakasaad sa PCOO Department Order (DO) No. 15 o Interim Social Media Practitioner Accreditation na kahit sinong blogger o social media practitioner na nasa edad na 18 pataas at may 5,000 followers sa kanilang social media accounts ay maaaring mabigyan ng access na makapunta at makipanayam sa mga aktibidad ni Pangulong Duterte.
Hindi lamang nito tinatapakan ang trabaho ng bumubuo sa Malacañang Press Corps (MPC), ang grupo ng mga peryodistang itinalaga sa Malacañang beat, kundi binabalewala rin nito ang integridad ng PCOO at ipinapahamak ang kalidad ng pagbabalita sa bansa.
Ayon sa natatanging layuning nakasaad sa DO 15, mas maipalalaganap daw ng mga social media practitioners ang balita o impormasiyon mula sa Malacañang gamit ang iba’t ibang social media platforms kaya sila pinayagang manghimasok.
Ngunit matagal nang laganap ang presensiya ng balita sa social media websites bago pa man mahalal si Pangulong Duterte. Hindi sapat na katwiran ang iginigiit ng PCOO na kailangan pang palakasin ang boses ng mga nagbabalita sa online news websites dahil halos lahat ng mga media outfit ay mayroong kaakibat na online platform.
Marahil, tulad ng ibang desisyon ng administrasyon, nakaugat na naman ito sa utang na loob. Katulad sa pagkaluklok ni Mocha Uson, karamihan sa mga blogger ang nagpasimula ng online buzz para kay Duterte noong kampanyahan para sa pambansang halalan.
“Utang na loob ko ‘yan sa kanila because they offered their services free at the time na wala akong pera because they believed in me. Now, it’s my time to believe in them,” wika ni Duterte noong iniluklok niya si Uson bilang PCOO assistant secretary.
Nakasaad naman sa unang bersyon ng interim social media policy na mahigpit na ipinagbabawal sa mga magiging accredited bloggers ang pagsisinungaling, pagpapalaganap ng pekeng balita, pagmumura at ang paggamit ng maruruming salita. Ngunit agad nilang binura ang probisyon dahil nililimitahan daw nito ang “freedom of speech” ng mga blogger.
“We had to delete the requirement limitation regarding the use of profanity because it might encroach on their freedom of speech,” sabi ni Kris Sablan, assistant secretary ng PCOO sa isang palace briefing.
Lalo lamang nila ipinapahiya ang sarili nila. Ang layunin ng pakikipanayam ng mga matatapat na peryodista sa Malacañang ay dulot ng kanilang paghahanap ng makatotohanang ibabalita, alinsunod sa etika ng peryodismo. Ngunit parang kabaligtaran ang nangyayari. Ang lumalabas na layunin na lamang ng PCOO ay mabigyang papuri ang mga nagbigay ng todong suporta sa pangulo, alam man nila ang etika ng peryodismo o hindi.
Nakababahala na may malasakit ang PCOO, ang opisyal na communications arm ng gobyerno, sa freedom of speech ngunit wala man lang kahit anong bahid ng pag-aalala sa natatapakang etiko at alituntuning dapat sundin ng mga manghihimasok sa pormal na talakayan.
Dagdag pa ng PCOO, hindi naman kailangan na lahat ng akreditadong social media practitioners ay makapaglabas ng balita. Maaari silang manghimasok, bumuntot sa pangulo, magkaroon ng access sa iba’t ibang sangay ng gobyerno ngunit hindi sila pagsusulatin ng balita tungkol sa mga pinuntahan.
Tunay na nakababahala ang nangyayaring pagbaluktot ng sistema sa larangan ng pamamahayag, lalo na at may pinapaboran at propagandang nagaganap.