Ang luwalhati’t dalamhati ng pagsasalin

0
5904

NAKASALALAY marahil ang kinabukasan ng panitikan ng Filipinas sa lumalawak na kultura ng pagsasalin. Ang patuloy na paghimok sa mga mangangatha na subukan ang naturang gawain ang isa sa mga tagumpay ng pamamahagi ng mga pirasong kultural ng iba’t ibang bansa.

Lubos na nakagagalak kung gayon na nakasuporta ang Unibersidad sa ganitong simulain sa pamamagitan ng pagkikipag-ugnayan sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) upang maitatag ang Sentro ng Pagsasalin sa loob ng kampus. Iminumungkahing pamunuan ito ng mga premyadong dalubguro na mayroong sapat na kasanayan sa pagsasalin ng mga akdang pampanitikan at akademiko.

Sa pamamagitan ng paglagda sa isang memorandum of understanding, mapalalawig ang mga layunin ng sentro tulad ng patuloy na paghasa sa kasanayan ng mga tagasalin sa pamamagitan ng mga palihan. Kasama rin dito ang pagdaragdag ng mga proyektong pampananaliksik na may kaugnayan sa wika at panitikan.

Gayunpaman, masasabing hindi pa lubos ang kahandaan ng kahit sinong tagasalin kung hindi mauunawaang mabuti ang luwalhati at dalamhati ng sining na ito.

Mauuri itong isang sining sapagkat, una sa lahat, kapansin-pansing minsa’y mas komplikado pa ito kaysa sa mismong pagsulat ng mga akdang pampanitikan. Wika ni Virgiliio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, maituturing na mas mahirap ang pagsasalin kung ihahambing sa pagsulat ng panitikan sapagkat dalawang wika ang dapat pagkadalubhasaan ng tagasalin.

Kung gayon, maikakatwirang dapat na mataas ang antas ng kasanayan ng tagasalin sa parehong Simulaang Lengguwahe (SL) at Tunguhang Lengguwahe (TL) nang sa gayon, maiwasan ang mga di wastong pagtutulad o pagbibigay ng kahulugan sa mga kataga at parirala.

Bilang isa sa mga pangunahing layunin ng pagsasalin ang pagpapaunawa sa mga mambabasa ng isang banyagang akda, dapat na hindi lumalayo sa orihinal na kahulugan (mula sa orihinal na lengguwahe) ang salin ng katha. Ayon nga kay Paciano Rizal, “Ang pagsasalin ay iniaayon sa mga salita kapag ito’y mauunawaan, at ginagawang malaya naman kapag iyon ay may kalabuan datapwa’t hindi lumalayo kailanman sa kahulugan.”
Sa ganitong pamamaraan nagiging pagsubok ang pagsasalin. Dito rin pumapaloob ang hamon sa tagasalin kung gaano niya kalalim “babasahin” ang akdang isasalin upang isaalang-alang maging ang mga tinatawag na illocutionary act ng isang pahayag.

Tungkulin at paghamon sa tagasalin kung gayon na “pagmukhaing” orihinal ang isinasaling akda. Ito ang anyo ng pagsasalin na tumatawid sa gitna ng metaprase at paraprase na isinusulong ni John Dryden, isang tagasalin at kritikong Ingles.

Wika nga ni Almario sa Batayang Pagsasalin ng KWF, alinsunod sa tinagurian niyang “lunggating Dryden,” layunin ng isang tagasalin na “pagsalitain si Virgil sa Ingles tulad ng pagsasalita niya kung ipinanganak sa England at sa ating panahon.”

Sa aking palagay naman, maiaangkop dito ang kaalaman ng isang tagasalin sa lingguwistika, lalo na sa metalinguistics. Ayon kay Adam Jaworski, isang dalubguro sa komunikasyon at lingguwistika sa Cardiff University, pangunahing layunin ng metalinguistics ang tingnan ang wika bilang representasiyon ng mga proseso ng komunikasyon. Pumapaloob dito ang mga pagkilos sa lipunan na sinasabing nakaaapekto sa kung paano ginagamit ang wika base sa pook at panahon ng paggamit nito.

Kung titingnan ang pagsasalin sa ganitong punto de vista, matagumpay na maisasalin pati ang mga illocutionary act o iyong mga gawi ng komunikasyon na hindi tahasang nasasabi o nababanggit sa mga pahayag. Paliwanag pa ni Jaworski, “When we approach language as a discourse and social practice, we naturally view language as a social action. But it is in the interplay between usage and language evaluation that much of the social work of language is done.”

Kung susuriin gayunpaman, hindi lamang dito natatapos ang salimuot ng pagsasalin sapagkat mayroong kinikilalang wikang superyor ang mga tagasalin ng modernong panahon bunga ng ilang siglong kolonisasyon. Kahit na isaalang-alang ang kaalamang sosyolingguwistika, hindi na maiaalis ang kinaugalian nang paghahanap ng katumbas ng halos lahat ng banyagang salita sa katutubong wika.

Dito umusbong ang akusasiyong “purista” ang mga tagasaling edukado na naging abala sa “paghahanap ng pantumbas, ng equivalence, sa wikang katutubo kaakibat ng paghahangad na maiangat ang kapasidad ng wika ng katutubo bilang wika ng karunungan,” paliwanag ni Almario.

Upang maibsan ang ganitong suliranin ng sobrang pagtutumbas, dapat na maintindihan ang sinasabing dalawang layunin ng pagsasalin: ang imitasyon at ang reproduksiyon.

Sa sertipikong pagsasanay ng KWF sa mga propesyonal nitong tagasalin, ipinaliliwanag na isang anyo ng pagtutulad ang imitasyon kung saan “sinisikap na matularan ang isang huwaran.” Kaugnay nito, ginagamit naman ang reproduksiyon upang “ilipat ang orihinal [na akda] tungo sa isang anyong ipinalalagay na mas ninanais basahin ng madla.”

Sa dalawang layuning ito makikitang para sa mas nakararaming mambabasa ang sining ng pagsasalin. Ginagawa ito upang maipaabot sa karaniwang mamamayan ang karunungang nagmumula sa mga pampanitikan o akademikong akda na orihinal na nakasulat sa isang banyagang wika.

Tulad ng paglalarawan ni Almario sa pagsasalin bilang pakikipaglaro sa wika, marapat maging alisto ang isang tagasalin sa bawat pagkilos ng mga salita tungo sa pagbuo ng iba’t ibang kahulugan. Hindi natatapos ang pagsasalin sa pagbabanyuhay ng isang akda sa isang bagong wika. Nagpapatuloy at naisasakatuparan lamang ang luwalhati nito kapag tumawid na ang karunungan sa isipan ng mambabasang pinatutunguhan.

***

Kung titingnan marahil ang wika ng Varsitarian bilang SL sa perspektibo ng pagsasalin, masasabi kong hindi ito madaling maunawaan ng iba’t ibang uri ng mambabasa.

Sa aking tatlong taon sa pahayagang ito, maraming “wika” ang isinasaalang-alang bago makabuo ng isang dekalidad na isyu kada buwan. Nagmumula ang mga lengguwaheng ito sa bawat peryodista na bumubuo sa isang institusiyong may adhikaing paglingkuran ang mga Tomasino sa diwa ng katotohanan at sa pamamagitan ng masining na pagpapahayag.

Kung gayon, nais kong pasalamatan sina G. Joselito Zulueta at G. Felipe Salvosa sa walang sawang paggabay sa mga kabataang manunulat, litratista at alagad ng sining tungo sa mga kasanayang hindi madaling makuha sa pangkaraniwang hubog ng edukasiyon sa bansa.

Lubos din ang pasasalamat na nais kong makarating sa pinakamahuhusay na patnugot na aking nakasama sa Editorial Board: sina Kathryn Baylon, Daryl Angelo Baybado, Amierielle Anne Bulan at Alhex Adrea Peralta.

Kung mayroon man akong nais ihabilin sa mga bagong Amihan, ito’y ang malimit sanang pagbabalik-tanaw sa magagandang alaala at pagkakaibigang nabuo sa Varsitarian.

Bilang pangwakas, hiling ko naman sa mga maiiwan at sa mga bubuo ng staff sa hinaharap na ipagpatuloy ang mga dakilang simulain ng mga sinundan. Igawad sana nila ang buong puso sa mga usaping panlipunan at pangalagaan ang kultura, sining at panitikan sa pamamagitan ng matuwid na peryodismo.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.