BINIGYANG-DIIN ng isang manunulat ang kahalagahan ng patuloy na dekolonisasyon ng wika, sapagkat patuloy pa rin umano ang kolonisasyong internal.
Ayon kay Leonardo Tejano, tagapangulo ng Center for Iloco and Amianan Studies sa Mariano Marcos State University, “tinatanggalan ng pakpak” ng kolonisasyong internal ang pagyabong ng mga katutubong wika.
Upang ma-decolonize ang wika, kailangan umano na maging maingat ang mga mananaliksik sa pagpili ng metodo sa pagsusuri ng katutubong wika at sa pagtatala ng mga karanasan ng mga katutubo.
Hinimok din ni Tejano ang paggamit ng wikang kinagisnan o mother tongue sa pag-aaral ng mga estudyante upang ma-intelektuwalisa ito at hindi maging balakid sa pagkatuto.
“Isa ang nakita kong balakid sa pagkatuto at pagtanggap ng guro ng feedback mula sa mag-aaral at pagiging mahiyain nila magsalita ang palagay nila na hindi sila magaling mag-Ingles, na mas mababa ang pagtingin sa kanila kung Filipino ang gagamitin nila at nakakahiyang labis pag wikang katutubo ang gagamitin nila,” wika niya sa kanyang mensahe na pinamagatang “Wikang kKtutubo: Wika ng Dekolonisasyon.”
“Sa ganito ay itinuturing natin ang isang linggwistikong pagbalik o linguistic turn sa pagsasakasaysayan bilang lohikal na pagbibigay tuon sa relasyon ng wika at tagapagsalita nito at ng mundo o mundong ginagalawan. [M]eron itong dalang kultural na bagahe na dapat taglay din ng mananaliksik,” pagpapatuloy niya.
Ang mensahe ni Tejano ay pinalabas sa “Buwan ng Panitikan 2021: Limandaang Taon ng Pagsulat sa Kalibutang Filipino,” isang okasyon na pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino bilang pakikiisa sa Buwan ng Panitikan. Bea Angeline P. Domingo