PARA sa isang Tomasinong manunulat, lalong-lalo na sa isang AB Literature major tulad ko, masasabi kong makabuluhan ang pagsali sa Varsitarian, upang maisakatuparan nito ang paghahangad na magkaroon ng katuturan sa masalimuot na mundo ng panitikan.

Sa katunayan, AB Communication Arts talaga ang aking unang nagustuhan na programa noong ako’y nakapasok sa Uste, sa simpleng kadahilanan na gusto kong gayahin ang kursong tinapos ng Mama ko. Pangalawa lang ang AB Literature sa aking napili, pero dito pa rin ako napunta dahil wala nang slot sa CA. Gayunman, ako’y nagsusulat na ng mga tula at nagbabasa-basa na, kahit papaano, noong high school.

Naalala ko pa nga noong ako’y minsang nag-ayos ng mga papeles para sa aking paglipat noong paparating ang sophomore year. Kaso nga lang, hindi rin ako natuloy sa kung ano mang kadahilanang nakalimutan ko na. Ang masama pa, nangyari ang hindi inaasahan; dahil sa problemang pinansiyal na kinaharap ng aking pamilya, ako’y nahinto sa pag-aaral sa ikalawang semestre ng taon.

Ngunit ito’y, ika nga, isang “blessing in disguise” pala.

Napakinabangan ko nang maigi ang mahigit isang taong paghihintay hanggang sa ako’y makabalik, para sa tatlong bagay: ang pagsulat ng koleksyon ng mga tula sa Ingles na siyang nanalo sa ika-31 Gawad Ustetika, “the country’s longest-running campus literary derby”; ang muling pag-aaplay sa ‘V’ at matagumpay na pagpasok dito, matapos pumalya noong freshman year; at ang pagtanto na tama lang na naunsiyami ang aking plano na lumipat ng programa.

Hindi ko na kailangang hanapin ang “greener pastures,” dahil ako’y nasa mabuting kalagayan na’t magiging mas mainam at praktikal ang pagiging AB Literature major ko, bilang isang manunulat para sa Literary section ng ‘V.’ Pwede pa rin naman akong makarating sa paroroonan nang hindi kinakailangang gayahin ang Mama ko. Tingin ko, mas maipagmamalaki niya pa nga ako sa aking naging desisyon.

Kahit na hindi pa rin naman ako ganoon kagaling magsulat sa kasalukuyan, inaamin kong higit na nakatulong ang ‘V’ para ako’y humusay sa larangan. Nagsilbi itong gabay at impetus sa daanang akin na palang tinatahak, nang walang kamalayan, magmula noong high school pa.

Kung hindi dahil sa ‘V,’ malamang ay napako na ang aking kaalaman sa kawalan, dahil mananatiling lipas at maikli ang aking reading list. Baka hindi na ako nagsumikap basahin ang mga naggagandahan at kinakailangang akda, sa loob at labas ng klase, lalo na ang mga akdang lokal, na dapat ibinabandera natin.

Ganoon din siguro sa aking pagsusulat, na mananatiling madalang at kadalasa’y contrived, kung hindi man corny. Makukuntento na ako sa mediocre o “puwede na,” at hindi na magkakaroon ng tiyaga sa pagrerebisa, at, kung kinakailangan, pagsusulat muli ng lahat mula sa wala.

Hindi ko rin matututuhang tumanggap ng kritika, lalo na ng kritisismo, sa aking mga gawa. Ito pa man din ang isa sa pinakamabigat na aralin para sa sinomang nagtatangkang magsulat.

Kung hindi dahil sa ‘V,’ maliit marahil ang pagkakataong ako’y masigasig na dadalo sa mga mahahalagang panayam, paglulunsad ng libro, at iba pang literary event, maliban na lamang kung gagawing captive audience ang aking kinabibilangang section at mayroong attendance kung saan mapipilitang pumunta ang lahat.

Hindi ko malilimutan, halimbawa, ang aking naging coverage sa pagbisita ng Nobel laureate na si Mario Vargas Llosa sa UST, pati na rin ang pagyao ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Cirilo Bautista. Kahit na maituturing pa ring limitado ang aking mga nabasa mula sa malalaking ngalan na ito, masasabi kong higit pa sa sapat ang aking naging danas bilang isang ambisyosong mag-aaral ng AB Literature at manunulat para sa Literary section, na hindi kalauna’y aking pinamatnugutan.

Hindi ako magkakaroon ng pagkatataong makasali sa mga palihang pampanitikan, lalo na ang pag-oorganisa nito, kung wala ako sa ‘V.’ Dito, aking pinangasiwaan ang ika-13 Creative Writing Workshop at lupon ng mga inampalan sa ika-33 Gawad Ustetika, mga bagay na hindi basta-bastang gagawin—o sa halip, mga responsibilidad na hindi basta-bastang aakuin—ng sinomang hindi kabilang sa organisasyon (kahit ng mga kabilang pa nga). Hindi rin ako magkakaroon ng pribilehiyo na makapunta sa mga prestihiyosong gabi ng parangal, makakuwentuhan ang mga premyadong manunulat, at makapagpapirma ng libro ng iilan sa kanila, na hindi ko rin naman bibilhin sa simula’t sapul dahil hindi ko pa sila nakikilala.

Higit sa lahat, sa aking pagsali sa ‘V,’ mas lalo kong napagtanto kung ano nga ba talaga ang katuturan ko bilang isang Tomasinong manunulat at AB Literature major na nakikipagbuno sa masalimuot na mundo ng panitikan: ang pag-angkla sa katotohanan.

Hindi lamang ito usapin ng paglalabas ng mga istoryang “fair,” “two-sided,” at “objective.” Lumalampas na ito sa pawang pagbabalita sa diyaryo. Bagkus, tungkol na rin ito sa mismong akto ng pagsusulat, na siyang dapat hindi ginagamit ng sino man sa maling paraan. Hindi dapat inaabuso ang kapangyarihan nito upang manlinlang at magmanipula ng kapwa.

Sa madaling salita, kinakailangan sa pagsusulat—panunula, pagkukuwento, o pagbabalita man—ang pagpapakatao.

Kung gayon, para sa akin, kahit na hindi pa man ako ganap na manunulat, talagang lubos ang aking kasiyahan at pasasalamat sa aking pagsali sa ‘V,’ lalong-lalo na sa aking pananatili sa AB Literature. Naging puspusan ang aking pagbabasa’t pagsusulat, nang mabuti, mataimtim, at makatotohanan. Kahit na hindi naging madali ang ilang pagkakataon para sa akin, sa propesyonal at personal na lebel, wala akong pinanghihinayangan. Ito’y isang bokasyon na aking tinugunan, na siyang habambuhay mananatili sa aking gunita.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.