KAMAKAILAN lamang ay kinatigan ng Korte Suprema ang pasiya ng Court of Appeals na dapat managot ang aktibistang si Carlos Celdran sa kadahilanan ng “offending religious feelings” sa aksiyon nito sa isang pagtitipon ng mga kaparian noong 2010 sa katedral ng Maynila.
Dala-dala ang isang plaklard na may salitang “Damaso” na tumutukoy sa kilalang mapang-aping prayle sa nobelang “Noli me Tangere” ni Gat. Jose Rizal, ipinrotesta ni Celdran sa kalagitnaan ng nasabing pagtitipon ang oposisiyon ng Simbahang Katolika sa pagpapasa ng noo’y Reproductive Health Bill sa Kongreso.
Mabilis na inapela ni Celdran ang sentensiya sa kaniyang pagkakakulong na maaaring tumagal ng tatlong buwan hanggang isang taon.
Hiningi nito sa mga mahistrado ng Mataas na Korte na ideklarang “unconstitutional” ang probisiyon sa Revised Penal Code na nagsasaad na maaaring makulong ang isang taong mananakit ng relihiyosong damdamin ng iba.
Iginiit nitong “archaic” o sinauna pa ang konseptong ito na lumalabag sa kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin o freedom of speech at expression.
Ngunit malinaw na sakop ng nasabing probisiyon ang ginawa ni Celdran sapagkat isinasaad na maaaring managot ang sino mang magsasagawa ng aksiyong makasasakit sa damdamin ng miyembro ng isang relihiyon sa lugar ng pagsamba o ng isang selebrasiyon ng isang sagradong seremoniya.
Madaling sabihin, lalo na ng isang batikang brodkaster sa social media, na hindi makatarungan ang desisiyon sapagkat marami pang iba na mas matindi ang ginawa laban sa Simbahan, lalong lalo na si Pangulong Duterte na hindi na napagod sa pagpapaulan ng mura sa mga obispo’t kaparian.
Tinawag din ng pangulo ang Diyos na stupido dahil hinayaan Niyang kainin ni Adan at Eba ang ipinagbabawal na prutas sa Kwento ng Paglikha sa Bibliya.
Ngunit dapat ilagay sa konteksto o ‘di kaya’y isipin man lang ang pagkakaiba ng dalawa. Ang ginawa ni Celdran ay hindi kapantay ng pagmumura ni Duterte sa anggulong isinagawa niya ang nasabing aksiyon sa isang lugar ng pagsamba, habang ang pangulo naman ay mula lamang sa kaniyang podiyum tuwing siya’y magsasalita.
Kung ang batas ang pag-uusapan ay kabilang pa sa probisiyon sa Penal Code ang ginawa ni Celdran, habang sa hindi kanais-nais ay lusot naman ang pangulo rito.
Nakalulungkot isiping may mga dume-depensa sa ginawa ni Celdran sa argumentong ito raw ay parte ng kalayaan sa pagpapahayag. Marahil ay nakalilimutan ni Celdran, kasama na ng mga sumusuporta sa kaniya, na kahit ang kalayaan man ay may hangganan o limitasiyon din.
Tila nalilito ang karamihan ngayon na katanggap-tanggap na lamang bastusin ang relihiyon ng sino man dahil parte ito umano ng pagiging malaya. Ngunit kung ang aksiyon kaya na ginawa ni Celdran ay isinagawa sa ibang lugar ng pagsamba tulad ng isang mosque, mas mananaig kaya ang argumento ng iilan na kalayaan pa rin ito sa pagpapahayag?
Iginiit din ni Celdran ang doktrina ng Saligang Batas na magkahiwalay ang Simbahan at Estado. Ngunit kung babalikan ang pangyayari, hindi ba’t siya ang nanghimasok sa pagtitipon ng Simbahan at bumastos sa pagkasagrado ng pagtitipon?
Malinaw na dapat isiping ang kalayaan sa pagpapahayag o ang usapin ng pagiging hiwalay ng Simbahan sa Estado ay hindi nagbibigay karapatang bastusin ito.
Nakabibingi rin ang katahimikan ng nakararaming mananampalataya ng Simbahang Katolika sa mga ganitong kaganapan na umaatake o bumabastos ng kanilang paniniwala. Kinailangang umabot pa sa pagtawag ng pangulo na stupido ang Diyos upang magising ang karamihan na mali na nga ang ginagawa nito.
Dito sa Unibersidad, mabilis maipagmalaki ng karamihan ang titulo nito bilang ang Katolikong Unibersidad ng Asya, ngunit nababahag naman ang buntot kapag oras nang manindigan para sa mga prinsipiyo at turo ng Simbahan.
Kapansin-pansing tikom ang bibig ng mga lider ng mga konsehong pang mag-aaral sa mga isyung api ang pananampalataya at mag-isang lumalaban ang Simbahan, kagaya na lamang sa pagsasabatas ng diborsiyo sa Filipinas at ang pagpatay sa mga miyembro ng kaparian, na dalawa sa kanila –sina Padre Marcelito Paez at Marc Ventura –ay mga Tomasino pa man din.
Marahil ay kabilang ang mga lider na ito sa mga binanggit ng dating rektor ng UST na si Padre Rolando de la Rosa, O.P. na mga nagpapahintulot na magpatuloy ang antipatya laban sa mga kaparian na mas pinalalala pa ng mga patutsada ng pangulo, sa pagpili nilang hindi magsalita bilang mga lider ng Unibersidad.
Sa usapin ng pagtawag ni Duterte na stupido ang Diyos, kinailangan pang lumapit ng Varsitarian sa mga lider ng konsehong pang mag-aaral ng Unibersidad bago pa man ito magsalita ukol sa isyu.
Tahimik o ‘di kaya nama’y walang opisiyal na pahayag ang mga lider na ito sa mga isyung nabanggit, kahit na sila, bilang isang konseho, ay may mandatong manindigan sa mga Kristiyanong layuning pinanghahawakan ng Unibersidad.
Sa huli, makatutulong sigurong isipin na hindi ang mga kaparian o obispo ang pangunahing bumubuo sa Simbahan, kung hindi ang mga karaniwang taong bumubuo rito.
Dahil ang ating pagkakabigong manindigan para sa ating pananampalataya ay ang nagbibigay pahintulot na gawin nina Celdran o Duterte ang mga ginawa nila laban sa Simbahan, pati na rin ang kaisipang katanggap-tanggap pa nga una sa lahat ang mga nasabing ginawa nila.