BUKOD sa intensiyon na paunlarin ang identidad ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagsulong ng Baybayin bilang pambansang sistema ng pagsulat, marapat na bigyang-pansin din ang praktikalidad at pinagbatayang kasaysayan nito.
Naipasa sa second reading sa Kongreso ang House Bill 8785 o “Philippine Indigenous or Traditional Writing Systems Act” na nagtataguyod ng mga katutubong panulat ng bansa.
Nakapaloob dito ang pagmamandato sa Department of Education at Commission on Higher Education na isama ang “traditional writing systems” sa mga asignatura sa pagtuturo. Kasama rin ang pagmandato sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining bilang pangunahing ahensiya na magtataguyod ng mga polisiya ng panukalang-batas na ito.
Iginiit ni Alvin Ringgo Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Filipino ng UST, maaari itong ibalik bilang “paksang kultural” ngunit hindi bilang pambansang sistema ng pagsulat.
“[H]igit na masaklaw ang kakayahan ng kasalukuyang alpabeto na tumutugon sa kompleksidad at napakaraming pagbabago sa sistema ng panulat at patunugan (ponolohiya), lokal at global, samantalang may limitasyon ang Baybayin na baka hindi makaya sa mga iyon,” wika ni Reyes sa Varsitarian.
Dagdag pa ni Reyes, maraming bagay ang dapat ikonsidera sa pagsulong nito kasama na ang pagsasanay sa mga guro, paglimbag ng mga materyales at pagbabago sa mga nakalimbag nang mga teksto sa Baybayin.
Binigyang-diin ni Joselito Delos Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Panitikan sa UST, na hindi lamang dapat ituon sa pagmamandato ang pagsulong ng Baybayin dahil may ibang mga suliranin sa sektor ng edukasyon ang dapat bigyang-pansin.
“Sa ngayon, umiiral pa lamang sa antas ng novelty ang paggamit ng baybayin. Wala pa sa antas ng pangangailangan para makapagtawid ng mensahe, para sa pakikipagtalastasan,” wika ni Delos Reyes.
Para naman kay Wennie Fajilan, dalubguro sa Departamento ng Filipino sa Unibersidad, sa pagsulong ng pambansang sistema ng pagsulat, marapat suriin kung kapuwa ito “simbolikal at functional.”
“[K]ailangang timbanging mabuti kung ito nga ang pangunahing programang pangkultura na dapat pagbuhusan ng oras, lakas at pondo sa gitna ng napakaraming usapin sa pagtuturo at pagtataguyod sa Filipino at mga katutubong wika kasi baka tokenism lang ito,” giit ni Fajilan.
‘Misuse, abuse of history’
Iginiit ni Kevin Paul Mertija, propesor sa kasaysayan sa University of Makati, may matinding kakulangan ang hakbang na ito sa pagtanaw sa kasaysayan ng bansa.
“We are misusing and abusing history. Tingnan mo ‘yong context, ginagamit natin ‘yong Baybayin bilang propaganda para sa nationalist sentiment natin dahil may threat and danger talaga eh… may issue tayo sa China,” sabi ni Mertija.
Dagdag pa ni Mertija, sa matagal na panahon nang paggamit ng alpabeto bilang panulat ng bansa, makikitang “puwersahan” ang pagsulong ng Baybayin bilang pambansang sistema ng pagsulat ng Filipinas.
Mariin namang tinutulan ni Romulo Baquiran, Jr., propesor sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, ang pagsulong ng Baybayin dahil sa pagiging “impraktikal” nito at maituturing na lamang na isang paggunita sa nagdaang kultura ng bansa.
“Isa lamang itong nostalgia sa prehispanikong kultura na matagal nang naiwan. [W]alang negatibo o positibo pa nga. Pero ang praktikalidad ang pangunahing problema. Hindi magsisilbi ng anuman,” sabi ni Baquiran sa isang panayam.
Ayon pa kay Baquiran, mananatili na lamang ang Baybayin bilang isang “simbolikong yaman” ng bansa kahit na kaakibat ng pagsulong na ito ang identidad ng Filipino.
Ngunit, ayon kay Jose Enage, tagapangulo ng grupong “Baybayin Buhayin,” hindi lamang ito pagbabalik sa nakaraan dahil hindi progresibo at hindi naluluma ang wika.
“[H]indi ito parang throwback lang, ang language ay tuloy-tuloy, buhay at nagde-develop. Kung gusto nating i-develop ang ating spoken language, ibinalik na natin ang ating mother tongue, edi isabay na natin ang writing system, ‘yon ang Baybayin,” wika ni Enage sa isang panayam.
Binigyang-diin ni Enage na mahalagang maisabatas ang pagkakaroon ng pambansang sistema ng pagsulat dahil hindi lamang pasalita ang katangian ng wika kundi mayroon ding pasulat.
“Ang malungkot may sarili tayong panulat pero hindi natin makita kasi nga hindi siya itinuturo at walang batas. [W]ala kasi tayong writing system na batas, meron tayo by law na national language, spoken, pero ang wika ay dalawang bahagi, spoken at written,” wika ni Enage.
Winika rin ni Enage na walang dapat ikabigla o ikatakot ang mga Filipino dahil idadaan sa proseso ang pag-aaral ng Baybayin.
“Hindi kami nagmamadali, kung ito’y maging batas ngayon, we’re willing to wait for the next generation na magamit sa iba’t ibang application, hindi lang sa educational system natin, for the national script plus the regional script,” wika ni Enage.
Dagdag pa ni Enage: “Ang Baybayin ay visual, writing system eh, so hindi siya kaaway ng spoken, compliment sila eh, parang dalawang paa, kaliwa’t kanan. Magkasabay dapat sila. Kapag mag-aaral ka ng language, hindi mo lang aaralin ‘yong spoken, aaralin mo rin ‘yong spoken.”
Komplikado
Ngunit, iginiit ni Fajilan na komplikado ang pagsulong nito dahil maraming mga simbolo na hindi akma sa tunog ng mga katutubo at mga banyagang wika.
“[P]anibagong ortograpiya na naman ang kailangang linangin samantalang hindi pa tayo tuluyang gumagamit sa ipinapatupad na Ortograpiyang Pambansa,” giit ni Fajilan.
Wika naman ni Reyes, kasalukuyan nang isinusulong ang Ortograpiyang Pambansa at maaaring magkaroon ng problema sa pagsulong ng bagong sistema.
Pinuna rin ito ni Baquiran na sinabing maituturing itong “impraktikal” dahil hindi pa rin umuusad ang pagsulong ng paggamit ng wikang Filipino sa legal na sistema.
“[M]agsisikap kaya ang mga abogado at husgado para gamitin ito sa pagsusulat at litigasyon? Hindi. Iyong paggamit nga ng Filipino sa legal na sistema ay hindi sumusulong, ito pa kaya?” wika ni Baquiran.
Ang Baybayin ay sinaunang panulat ng mga Filipino bago pa man dumating ang mga Kastila sa bansa.
Nagmula ito sa salitang ugat na “baybay” o wastong pagsunod-sunod ng mga titik sa pagbuo ng mga salita. Joselle Czarina S. de la Cruz