ISANG kahibangan at tila mapusok at hindi pinag-isipang aksiyon ang pagsasabatas ng isang National ID System na ginawang natatanging solusiyon sa hindi maubos-ubos na mga problemang kinahaharap ng gobyerno.
Ika-6 ng Agosto nang lagdaan ni Pangulong Duterte ang Philippine Identification System (PhilSys) na siyang naglalayong mapagsama ang lahat ng mga ID na inisyu ng pamahalaan sa iisang national identification system.
Sa pagdating ng Phil ID Card, ano na lamang ang mangyayari sa mga naunang ID tulad ng GSIS eCard, SSS UMID Card at iba pang mga ID na ginagamit sa kasalukuyan? Marahil ay tuluyan na lamang silang maghihintay ng pagkalipol.
Nakasaad din sa batas na ang National ID system ay naglalayong maisulong ang mahusay na pamamalakad sa gobyerno, mabawasan ang korupsiyon at mapaigi ang mga transaksiyon sa mga ahensiya.
Ayon din sa pangulo, ang sistemang ito ang magpapaigting ng paghahatid ng serbisyo sa publiko, magiging instrumento na titiyak sa kaligtasan ng mga mamamayan at susugpo sa paglaganap ng kriminalidad sa bansa.
Ngunit hindi ba’t napakalaking sugal ang umasang kakayanin ng iisang sistema na punan ang mga pagkukulang at solusiyunan ang mga problemang dinala ng mga politikong ating inuluklok upang pamahalaan ang bansa?
Kung tutuusin, hindi trabaho ng sistemang ito ang pamunuhan ang pamahalaan, solusiyunan ang korupsiyon, at magbigay ng mainam na serbisyo sa mamamayan dahil hindi naman ito ang pinapasuweldo nang malaki para gampanan ang mga nasabing tungkulin.
Hindi ito ang unang administrasiyon na sumubok isulong ang isang pambansang Sistema ng pagkakilanlan. Ipinanukala sa ilalim ng administrasiyon ni dating pangulong Fidel Ramos noong 1996 ang National Computerized Identification Reference System ngunit ibinasura ito ng Korte Suprema dahil ito ay sinasabing “usurpation of the power of Congress to legislate and it impermissibly intrudes on our citizenry’s protected zone of privacy.”
Muli itong napag-usapan sa administrasiyon ni Pangulong Duterte nang aprubahan ng mababang kapulungan ng Kongreso noong Setyembre 2017 ang noo’y National ID System Bill. Sa pagpasa nito sa Senado noong Marso, nagkaroon ng mga agam-agam at pangamba na ang sistemang ito ay magdudulot ng kompromiso sa mga privacy rights ng mga Filipino na mabilis namang pinabulaanan ng awtor ng batas na ito na si Senador Franklin Drilon.
Ayon sa batas, kinakailangan na ang mga personal na impormasiyon tulad ng buong pangalan, kasarian, araw at lugar ng panganakan, nasyonalidad at iba pa na siyang pagsasama-samahin sa iisang sentralisadong database.
Kahit na ang National Privacy Commission ay nangako nang titiyakin nito ang proteksiyon ng karapatan ng mga mamamayan sa pagsasarilinan at ang mga naaangkop na probisyon sa Data Privacy Act ay gagamitin sa implementasiyon ng National ID system, hindi pa rin ito katiyakan ng seguridad ng mga impormasiyong malilikom. Walang garantiya na mapapangasiwaan nang maayos ng pamahalaan ang isang komplikadong information system na katulad nito.
Sa pamamagitan ng National ID system, magkakaroon ang pamahalaan ng eksklusibong access sa mga impormasiyon ng mga mamamayan. Nakababahala na magkakaroon ng kapangyarihan ang pamahalaan na matyagan ang bawat galaw ng mga mamamayan at mas magkakaroon ng abilidad na maglunsad ng mga aksiyong sisikil sa kalayaan. Hindi kailangan ng bansa ng isang “surveillance system” na magiging instrumento ng gobyerno sa pagsiil at paghawak sa leeg ng kaniyang mamamayan.
Lubos na nakababahala rin na ayon sa pinakabagong pagsisiyasat ng Social Weather Stations, lumabas na 73 porsiyento ng mga Filipino ang sumasang-ayon sa National ID system, 18 porsiyento lamang ang hindi sumang-ayon at siyam na porsiyento ang hindi nakakaalam nito.
Tila nakalimot na ang mga Filipino sa mga atraso ng gobyerno sa mga usapin ng pagkuha ng mga valid IDs na inaabot ng siyam-siyam sa pagproseso.
Hindi na natin kailangan ng bagong batong ipupukpok sa ating mga ulo. Daragdag lamang ito sa napakahabang listahan ng mga ID na matagal maproseso at hindi naman nailalabas sa oras.
Sapat na ang hirap sa pagkuha ng driver’s license at pasaporte upang ipaalala na walang nagbago at walang magbabago sa transaksiyon sa gobyerno.
Nabigyan man ng dalawang bilyong badyet ang National ID system sa ilalam ng pangangasiwa ng Philippine Statistics Authority (PSA), hindi pa rin ito sapat upang tustusan ang mga magiging gastusin sa implementasiyon nito.
Sa pagsasabatas ng sistemang ito, hindi kinonsidera ng pamahalaan na walang sapat na pera at teknolohiya ang bansa na siyang kakailanganin para sa isang napakalaking proyekto.
Si Senador Panfilo Lacson na mismo ang nagsabi noong Disyembre na maraming ang kakailanganin sa implementasiyon ng National ID system at “walang masyadong teknikal o IT capability ang PSA” para dito.
Kaya isang kahibangan ang sinabi ng PSA na ang buong populasiyon ay mairerehistro sa loob ng dalawa hanggang limang taon.
Sa panahon kung kailan kung anu-ano na lamang ang mga isinusulong na mga panakip-butas para sa mga problemang napapanahon, matutong sumuri ng mga tunay na aksiyong magbibigay ng konkretong solusiyon.